Tumatakbo na naman si Anna. Mukhang mahuhuli na naman siya sa klase ni Sir Diaz. Matanda pa naman na ang guro niyang iyon, saksakan ng sungit.
Kaya sigurado siyang mapapagalitan na naman siya ng husto nito.
Sanay naman na siya kaya nga lang ay nangangamba siya na bawian nito sa grado at bigyan ng mababa kahit na nagpapasa naman siya ng lahat.
May mga ganoon kasing guro. Kahit gaano pa kaganda ang mga ipinapasa mo, ibabagsak ka pa rin. Habol ang hininga niya nang makapasok na sa paaralan, sa wakas.
“Anna!” Narinig niya ang sigaw ng kaibigan na si Lyka. Mula sa malayo ay tumakbo ito patungo sa kanyang pwesto.
Hindi kagaya niya ay wala itong pawis at kumakain pa ng tinapay.
“Ano? Ba’t ka nandito? Di ka papasok?” Sunod-sunod ang kanyang tanong.
Ngumisi lang ito.
“Wala daw si Sir! May misa daw ngayon e… ayan o, tignan mo!” sabi nito at inginuso ang stage sa kanilang paaralan.
Napakaraming bulaklak na pampat*y. Napapalibutan nito ang isang litratong hindi niya makilala dahil sa distansya.
“Weh? Anong meron diyan?” tanong niya rito.
“Hindi mo nabalitaan? Aba, e lahat yata ng kaklase natin ay yun ang pinag-uusapan. May kaklase kasi tayong nagpakam*tay.”
Nanlaki ang mata niya kasabay ng pagkuha ng cellphone ay ang umaatikabong tanong na “SINO?!” sa kaibigan.
“Si Leah. Facebook Facebook din kasi minsan ha,” nang-aasar nitong sinabi.
Mas lalo siyang nangilabot nang bumungad sa kanya ang balitang sinasabi ng kaibigan.
Puro mensahe ng pakikiramay ang kanyang nababasa.
“Kelan lang ‘to?” tanong niya kahit na hindi hinihiwalay ang tingin sa cellphone.
“Aba! Ewan ko! Di naman kami nag-uusap niyan kagaya mo!”
Totoo ang sinabi nito. Tahimik kasi si Leah at walang imik. Halos hindi ito nakikipag-usap sa mga tao maliban sa kanya kapag kinukulit niya ito ng husto.
“Saka ilang araw na siyang liban. Nakakabigla, ano? Hindi kaya mag-multo siya rito?” Tinignan nito ang paligid.
Patuloy pa rin ang satsat nito habang siya ay natahimik dahil sa kabilang banda, ay naging kaibigan rin naman niya ang dalaga. Sa isang banda, ay may panghihinayang sa kanyang puso.
Maya-maya pa ay inilagay na ang malaking litrato nito sa gitna at pinalibutan ng napakaraming bulaklak at kandila. May dumating rin na pari at higit sa lahat ay ang magulang ni Leah.
Unang nagsalita ang punong-guro para ipaabot ang pakikiramay nito. Kitang-kita niya na naging emosyonal ang magulang ng kamag-aral pagkatapos ay nagmisa ang pari. Tapos ay pinapila sila ay binigyan ng kandila para magtirik.
Pumikit siya habang nagtitirik para magdasal ng kaunti.
Mula sa malayo ay kitang-kita niya si Sir Diaz na nanonood, nang magtama ang kanilang tingin ay agad siyang umiwas.
Nang hapon na, pagkatapos ng klase ay nagtungo sila kasama ang iba pa nilang kaklase para sa burol nito.
Maraming bisita taliwas sa inaasahan niya. Tahimik kasi ang dalaga kaya’t akala niya ay wala itong kaibigan na makikiramay.
Mukhang nagkamali siya ng iniisip. Sa katunayan, napakaraming nag-aalay ng bulaklak dito.
Nagsalita ang magulang nito para magpasalamat at magkuwento tungkol sa anak.
“Maraming salamat po sa mga nakiramay. Si Leah po, ay mabait na bata. Masiyahin siya. Maalalahaning bata. Hindi siya naging sakit sa ulo kahit na minsan makulit, nagsisikap siyang mag-aral para sa mga pangarap niya.”
Naging emosyonal ang lahat. May mga naiyak mula sa mga bisita pati na ang nagsasalita.
Pinunasan niya sandali ang kanyang luha bago nagpatuloy. “Nitong mga nakaraang buwan… napapansin ko na nagiging tahimik siya. Takot sa mga tao, hindi na nagkukuwento…akala ko normal lang yun na nangyayari kapag lumalaki na ang bata pero… hindi pala.”
Marami pa itong sinabi. Putol-putol dahil maya’t maya itong tumitigil para pakalmahin ang sarili.
Hindi na siya makatingin kaya’t kinuha niya ang cellphone niya para mag Facebook. Nanlaki ang kanyang mata ng makita ang mensahe para sa kanya.
Leah Capistrano: Pumunta ka pa talaga sa bahay namin, ha? Samantalang tinraydor mo nga ako! Alam mo ang dahilan kung bakit ko ginawa yun!
Luminga siya sa paligid. Una, wala na si Leah kaya sino itong kausap niya? May gumagamit ba sa account nito?
Anna Tejano: Sino ka? Pakiusap lang, wag mo na gamitin tong pangalan ng kaibigan ko para manakot!
Sa huli nitong ipinadala, tuluyan na siyang nanlamig.
Leah Capistrano: Sabihin mo na lang kasi, Anna kung ano ang nakita mo nang gabing iyon. Kung hindi, tuluyan kong guguluhin ang buhay mo.
Hindi na siya nakatulog ng gabing iyon. Buong gabi niyang tinitigan ang huling mensahe ng kaibigan.
Takot siya ngunit tama ito. Alam niyang ito. Kinabukasan, imbes na pumasok sa klase ni Sir Diaz ay nagtungo siya sa presinto para sabihin ang nalalaman.
“Ano nga uli ang sinabi mo, Ineng?” tanong ng pulis.
Lumunok siya sa kaba.
“Alam ko po ang rason sa likod ng pagpapatiw*kal ni Leah Capistrano.” aniya.
Kumunot ang noo nito.
“Minolestiya ho siya ng guro namin. Nakita ko ho ang lahat ng nangyari ng gabing iyon at kaya ko hong patunayan.” mabigat siyang huminga nang ipakita niya ang video na kinunan niya.
Nagtagis ang bagang ng pulis habang pinapanood ito. Ang pamimilit ng guro sa estudyante. Nakukumbinsi sa kanyang sinasabi.
“Sinong guro ito kung ganoon?”
“Si Mr. Apolonio Diaz po.”
Sumama siya sa mga pulis patungo sa paaralan. Inaresto ang guro at nabigla ang lahat sa nangyari. Hindi makapaniwala. Umamin naman ang guro sa kababuyang ginawa niya sa kawawang estudyante. Bukod doon ay lumabas pa ang ilang mga babaeng estudyante rin na minsan palang binastos din ni Mr. Diaz
Sa loob ng silid-aralan, tumingin si Anna sa dating upuan ni Leah. Sana matahimik ka na, piping hiling niya.
Ngumiti siya nang payapa.