Inday TrendingInday Trending
Holdap Sa Huling Byahe

Holdap Sa Huling Byahe

Malalim na ang gabi at patindi nang patindi ang malakas na buhos ng ulan. Hindi alintana ni Harold ang ampyas ng malamig na tubig at pagsipsip nito sa itim niyang jacket. Habang naghihintay sa waiting shed, nakatuon ang isip niya sa kanyang motibo ng gabing iyon.

Kailangan niyang makalikom ng dalawandaang libong piso para sa operasyon ng anak na nag-aagaw buhay ngayon sa ospital. Wala na siyang pera. Baon na baon na siya sa utang at wala na rin siyang ibang malalapitan.

Inuudyukan man siya ng kaniyang asawa at ina, ayaw niyang humingi ng tulong sa amang matagal na siyang itinakwil. Katwiran niya’y pasasaan pa’t itataboy lang din naman siya nito. Desperado na siya kaya’t pagnanakaw na lang buong gabi ang naisip niyang paraan upang makaipon siya ng ganoon kalaking halaga.

“Tama. Dapat ko itong gawin. Kung hindi ay hindi maooperahan ang mahal kong anak at malalagay sa peligro ang buhay niya. Kakayanin ko ‘tong mag-isa,” pagsagot ni Harold sa nang-uusig niyang konsensya.

Mula sa malayo ay naaaninag niya ang ilaw ng paparating na jeep. Mukhang gagarahe na ang tsuper dahil wala nang mga nakasabit na karatula sa harapan at wala na rin itong sakay na pasahero. Laking gulat ni Harold nang bigla na lang itong tumigil sa harapan niya.

“Hijo! Sumakay ka na at sobrang lakas ng ulan!” palahaw ng matandang tsuper upang marinig niya ito sa kabila ng maiingay na patak ng ulan.

Nangingimi man ay binuo ni Harold ang loob at saka sumakay sa jeep. Eksakto lang ang pagkakataon, sa isip-isip niya. Dahil sa lakas ng ulan ay wala na masyadong mga tao at sasakyan sa daan. Wala ring makakarinig sa anumang komosyon kung hoholdapin man niya ang matanda.

Pumuwesto siya sa dulong upuan sa likuran ng tsuper at palihim na sinulyapan ang kaha ng pera sa harap nito. Punong-puno iyon ng tig-iisang daang papel. Malamang ay isang buong kita sa isang nakakapagod na araw ng pamamasada. Kinapa niya sa bulsa ng kaniyang jacket ang isang patalim. Kumakabog ang kanyang dibdib at nanginginig ang kanyang mga kamay na basa na ng pawis. Napasulyap siya sa salamin at nagtama ang mga mata nila ng tsuper. Ilang sandali lamang ay nagsalita ito.

“Isang semstre na lamang at gagraduate na yan sa kolehiyo,” biglang turan ng matanda sa magaang na tinig.

“H-ho?” ang tanging nasagot ni Harold sa pagkagulat at pagkalito.

“Nakita kong tinitignan mo ang larawan ng aking anak. Kako, ay malapit na siyang magtapos sa eskwela,” sagot naman ng matanda na ang mata ay nakatuon sa daan. Saka lang siya nalinawan nang makita ang larawan ng isang binata na nakadikit sa bandang itaas ng kaha ng tsuper. Akala marahil nito ay doon nga siya nakatingin at hindi sa kaha mismo.

“Naku iyang anak kong iyan. Napakasipag at matalino! Kaya nga ay talagang tinatiyaga ko ang usok at trapiko sa araw-araw makapagtapos lamang siya at magkarooon ng maganda buhay. Alam mo na, obligasyon ng isang ama.” Pagkukwento ng matanda na punong-puno ng pagmamalaki ang tinig.

Hindi malaman ni Harold ang isasagot kaya hindi siya umimik. Tila may kumurot sa kaniyang dibdib ng maalala ang sariling ama, naipagmalaki rin kaya siya nito kahit minsan noon bago siya umalis sa poder nila dahil sa pagrerebelde? Masyado nang malalim ang lamat ng relasyon nila bago pa mangyari iyon, kaya malamang ay hindi. Pilit pinalis ni Harold ang mapait na alaala sa isipan. Tinatamaan siya ng konsensya at hindi iyon maaari.

“Hindi ngayon ang oras para mag-isip ng ganyan. Gawin mo na, gawin mo na, bago ka pa maubusan ng lakas ng loob. Para ito sa anak mo,” kunsinti ni Harold sa sarili at saka hinigpitan ang hawak sa patalim. Nang akmang ilalabas na niya ang hawak ay muling sumulyap sa kaniya ang matanda mula sa salamin.

“Mukhang magkasing-edad lamang kayo ng aking anak. Ikaw ba ay nag-aaral?” tanong ng matandang tsuper sa kaniya. Nang lumipas ang ilang sandali at hindi siya tumutugon ay muli itong sumulyap sa kanya.

“Alam mo hijo, sa hirap ng buhay ngayon, iba na talaga kapag ika’y may pinag-aralan. Naku tingnan mo naman ang tataas ng bilihin! Pagsisikap na lang talaga ang kailangan. Heto nga ko’t kahit matanda na’y nagbabanat pa ng buto. Aba’y totoong lahat ay kayang gawin ng ama para sa kaniyang anak, ano!” malakas na sambit nito na sinundan pa ng matunog na tawa.

Nagpanting ang tainga ni Harold at naramdaman niya ang biglang pagbangon ng galit sa kanyang dibdib. “Hindi ho ako naniniwala diyan,” mahinang sagot niya. “May mga ama na kayang tiisin ang kaniyang anak.” Maging siya man ay nagulat ng marinig ang basag na boses na puno ng hinanakit na nanggaling pala sa kaniya. Dala ng hiya at gulo ng isip ay napayuko na lang si Harold at nagpasya na bababa na lamang siya at maghahanap ng ibang biktima, ngunit naunahan siyang magsalita ng matanda.

“Hijo, gaano man kalalim ang lamat sa pagitan ng mag-ama, lagi’t laging mas malalim ang pagmamahal ng magulang sa anak,” tahimik na usal ng matanda.

Natigilan si Harold sa narinig. Unti-unting nangilid ang luha sa kaniyang mata ng maalala ang kaniyang ama na matagal na niyang hindi nakikita at ang kaniyang anak na nasa ospital. Nang mga sandaling iyon, may napagtanto siyang mahalagang bagay. Kung mananakit at magnanakaw siya, tiyak na hindi siya ikararangal ng kaniyang anak. Dapat siyang mag-isip ng ibang paraan, magsakripisyo at magpakababa kung kinakailangan, upang mailigtas ang buhay nito. At ang naiisip na lamang niya ay ang paglapit sa kaniyang ama.

Nagbabara man ang lalamunan dahil sa matinding emosyon ay nagawa niya pa ring magsalita.

“Dito na ho ako. Maraming salamat po,” wika ni Harold na may nginig sa tinig. Titindig na siya nang bigla siyang abutan ng payong ng matanda.

“Kunin mo na itong naiwang payong kanina hijo. Maraming salamat din sa iyo,” Nahihiya man ay kinuha na ni Harold ang payong. Bago pa siya makababa ay muli itong nagsalita.

“Natitiyak kong may matinding problema ka at nangangailangan ng pera. Ilang beses ko ng naranasang maholdap kaya’t alam ko na ang pakay mo pagsakay mo pa lamang. Maraming salamat at hindi mo piniling gawin ang alam mong mali. Pagpalain ka nawa ng Diyos.”

Pagkarinig sa mabubuting salita ng matanda ay tuluyang pumatak ang luhang kanina niya pa pinipigilan. Nanginginig ang labing humingi siya ng pasensya at lubos na nagpasalamat sa matandang tsuper. Naging daan ito upang maging malinaw sa kaniya ang dapat niyang gawin sa mga oras na iyon. At iyon ay ang magpakababa at ibahagi ang kaniyang pasakit sa pamilyang maari nga, ay naghihintay lang sa kaniyang pagbabalik. Pagkatapos noon, tiyak niyang lilipas din ang malakas na buhos ng ulan at ang araw ay sisikat din.

Advertisement