Tak. Tik. Tak. Tik. Tak.
Tanging tunog na lamang ng keyboard ng laptop ni Auring ang maririnig sa buong kabahayan alas onse ng gabing iyon. Panaka-naka ay maririnig din ang mga impit na bungisngis niya na tila ba dinadapuan ng paru-paro sa kaniyang tiyan. Paminsan ay di mapigilan ng apatnapu’t dalawang taong balo na mapatili habang nakapalupot sa kaniyang kumot, kinukusot ito gamit ang kaniyang mga paa, habang nakadapa sa kaniyang kama.
Ganito naabutan ni Emma ang kaniyang ina na sinilip niya bago tumuloy sa kaniyang kwarto. Galing pa siya sa kaniyang trabaho bilang isang call center agent at pagod na pagod siya. Nadismaya siya sa nadatnan na eksena. Heto na naman ito at nakatutok sa laptop nito, kung matatawag nga ay “techy” o iyong tila ba eksperto na sa paggamit ng gadgets. Halos hindi nito mahiwalayan ang mga gadgets at mas marami pang oras dito kaysa sa kaniya, kaya naman ay nagtatampo na siya.
Dahil sa pagkairita, hindi pinaramdam agad ni Emma ang kaniyang presensya, sa halip ay gumawa siya ng kalabog sa pintuan at saka nag-anunsyo, “Nandito nako, Ma.”
Bigla niya tuloy naalala ang kaniyang ama. “Alam kong tatlong taon ng p*tay si Papa, pero ang hindi ko matanggap ay imbes na ako ang alagaan niya, wala siyang inatupag kung hindi humarap sa kaniyang laptop at cellphone at makipag chat kung kani-kanino!” himutok ni Emma na pinili na lang niyang itago.
Dalawampu’t dalawang taon pa lamang siya ngunit tatlong taon na siya sa pagko-call center. Mula kasi ng pumanaw ang kaniyang ama ay nagkulang na ang kinikita niya bilang isang baguhang guro. Nakapagtapos man siya ng kursong education, ngunit hindi na niya tinuloy ang pagkuha ng exam at pagiging isang propesyunal na guro. Katwiran niya, “sayang ang panahon kung magsisimula akong kinse mil ang sahod sa pagtititser kada buwan kaysa sa call center na bente singko mil ang kitaan kada buwan.”
Mula noon ay nagsumikap siya sa kaniyang trabaho upang alagaan ang kaniyang nanay na si Auring, kahit na nga ito’y hamon sa kaniyang kalusugan at nakakahiya. Alam niyang tampok siya ng usapin sa kanilang magto-tropa dahil nakapagtapos nga siya, sa isang BPO Agency pala ang bagsak niya. Marangal at nakakabuhay naman ang trabaho niya doon ngunit nalulungkot siya na hindi niya naipagpatuloy ang pangarap. Nang gabing iyon ay itinulog na lang ni Emma ang mga hinanakit sa buhay.
Kinabukasan ay ganoon din ang eksena sa kusina. Nakaharap na naman ang kaniyang ina sa laptop nito at abalang-abala sa pagtipa sa cellphone. Nang mapansin siya nito ay inaya na siya nitong kumain.
“Oh, nak, kain ka na,” pag-iimbita ni Auring sa kaniyang anak na nasa lamesa na at kumakain ng almusal. Katabi nito ang kaniyang cellphone na pasilip-silip na para bang naghihintay ng sagot mula rito. Sa inis ni Emma ay tumanggi siya, “ayoko, wala akong gana.” Walang tugon ang ina niya kaya lalo itong nagpuyos sa inis ang damdamin ni Emma. Padabog siyang nagtungo sa kaniyang silid at agad nagtalukbong ng kumot.
“Palagi na lang! Sa araw-araw na lamang simula nung turuan ko siyang gumamit ng cellphone at internet ganyan na lang ang ginawa niya. Para bang imbisibol na ako sa bahay na to ah. Pasalamat siya nanay ko siya!” pagrereklamo ni Emma sa kaniyang sarili kasabay ng malalim na buntong hininga. Nakatulog siyang muli dahil sa pagkainis at naalimpungatan sa tunog ng kaniyang cellphone.
Halos mahilo siya sa biglaang pagtayo nang makitang late na siya ng tatlumpung minuto sa trabaho! Dali-dali siyang naligo at nagbihis. Pagdating sa kusina ay lalong sumama ang timpla niya nang makitang ang ina ay halos walang tinag sa pagce-cellphone at may laptop pa sa harapan nito.
“Ma! Ano ba yan, late na ako oh! Bakit di mo ako ginising? Ano ba naman yan!” sigaw ni Emma sa ina nang hindi na nakapagpigil.
“Hala ka nak! Late ka na! Diyos ko di ko namalayan ang oras!” tugon ni Auring.
“Ma naman eh! Hindi niyo napansin ang oras dahil tutok na tutok kayo diyan sa gadgets niyo! Hindi na nga ata kayo mabubuhay kung wala ang mga iyan eh!” dabog ni Emma habang lumalakad nang mabilis papasok sa banyo.
Nang siya’y makapagbihis na, hindi na siya nagpaalam sa ina at dire-diretsong lumabas ng bahay. Sa kaniyang pagmamadali, ay nakalimutan niya tuloy ang kaniyang I.D.
“‘Pag minamalas ka nga naman, oh!” iritableng sabi ni Emma, “ang t*nga t*nga naman, Emma!” kastigo niya pa sa sarili. Pumasok si Emma kahit na isang oras na siyang late. Naramdaman man niya ang gutom ay hindi niya iyon pinansin dahil bumabalik lang ang eksena kaninang umaga sa isip niya. Napansin niyang paborito niya ang inihanda nito ngunit mas nangibabaw sa kaniya ang inis kaya mas pinili niyang huwag ng kumain.
Nang makarating sa opisina, nagmamadali siyang lumapit sa puwesto ng makita ang manager niya. Galit na mukha nito ang sumalubong sa kaniya at talaga namang tinadtad siya nito ng sermon.
“Hindi ako nangungunsinti ng tamad sa trabaho. Ilang araw ka nang ganiyan, Emma! Sorry pero I want you to leave the office now. Maghanap ka na ng ibang trabaho,” pasigaw na sabi ng kaniyang manager. Hiyang-hiya si Emma nang makitang lahat ng katrabahong nandoon ay napatigil at nakatingin sa kaniya. Nanlumo siya at hindi na nakaimik pa.
Halos hindi makapaglakad sa panghihina si Emma. Sa kaniyang pag-uwi ay nadatnan niya ang laptop at cellphone ng kaniyang ina na nasa parehong lugar kung saan niya ito huling inabutan. Nakabukas ang laptop at tumambad sa kaniya ang social media site na kinaaaliwan ng ina.
Binasa ni Emma lahat ng naroon at laking gulat niya na puro larawan niya at ng kaniyang ama ang laman ng account nito. Nakita din niya kung paano siya pinagyayabang ng ina sa mga kaibigan nito, babae man o lalaki, pinangangalandakan kung gaano siya ka-proud sa kaniyang unica hija. At ang huling post ng ina ang siyang tuluyang nagpabagsak ng kaniyang luha.
“Ipagluluto ko si Emma ng paborito niyang adobong baboy mamaya kasi mukhang matamlay ang anak ko. Kung nasaan ka man mahal, tiyak akong magiging proud ka sa masipag na anak natin,” turan nito.
Hindi na kinaya ni Emma ang bigat ng halo-halong kurot ng konsensya, pagod, at pagkadismaya sa dibdib kaya tuluyan na siyang napaiyak nang malakas. Narinig ito ni Auring na nasa banyo lamang pala at dagli siyang inalo.
“Emma, nak, anong nangyari?” nag-aalalang tanong ng ina. Walang nasagot si Emma kung hindi hagulgol at yumakap sa ina.
“Ma, sorry. Ma, sorry,” paulit-ulit niyang bigkas. “Simula nung mawala si papa, ang akala ko ay wala ka nang pakialam sa akin. Naiinis ako tuwing laptop at cellphone ang hawak mo dahil akala ko ay may iba ka nang pinagtutuunan ng pansin. Yun pala ay naghahanap ka lamang ng kausap kapag wala ako, at ipinagmamalaki mo ako sa kanila. Patawarin niyo po ako sa panghuhusga ko sa inyo at laging pagdadabog.”
Hinigpitan pa ni Auring ang yakap sa anak at marahang hinagod-hagod ang likod nito. “Tahan na anak. Kasalanan ko din kung bakit mo iyon nagawa. Hindi ko namamalayan na mas maraming oras na pala akong nakatutok sa mga gadgets. Sana nga naman ay buong atensyon ang ibinuhos ko sa iyo. Patawarin mo ako anak.” Hindi na rin napigilan ni Auring na mapaiyak. Doon niya lang napagtanto na ang gadget na naglalapit sa iyo sa ibang tao ay maaaring maging isang bagay na maglalayo naman sa iyo mga importanteng tao sa buhay mo.