Halos anim na buwan lang yata na naging magkaibigan ang dalagang si Tanya at ang binatang si Julio. Mabilis na nahulog ang loob ng babae sa mga panunuyo ng lalaki. Paano’y lumaki ito nang nag-iisa at wala pang tatay kaya naman sabik siya sa aruga, sabik siya sa atensyon at pagmamahal mula sa ibang tao.
“Anak, wala nang mas sasaya pa sa isang nanay na makita ang anak niya na ikakasal sa lalaking magmamahal sa kaniya habang buhay. Pero talaga bang sigurado ka na kay Julio? Mag-iisang taon pa lang kayong magkasintahan di ba? Hindi ba masyado pang maaga kung magpapakasal na kayo kaagad?” tanong ni Aling Gina, ang nanay ng dalaga.
“Ma, gusto na raw kasi ikasal ni Julio ngayong taon bago man lang daw siya mawala sa kalendaryo kaya pumayag na rin ako. Wala naman na akong balak pang maghanap ng iba, wala na akong gustong ibang lalaki kung ‘di siya lang,” sagot sa kaniya ni Tanya.
“Anak, bente anyos ka lang, napakalaki ng agwat niyo sa buhay. Marami ka pang makikilalang tao, marami ka pang magagawa. E siya? nasa edad na siya ng pagpapamilya, baka mabaguhan ka kapag mag-asawa na kayo? Iba, anak, ang buhay may asawa,” seryosong pahayag ng ale.
“Ma, mahal ako ni Julio at naniniwala ako sa kapangyarihan ng pag-ibig.Kaya magtiwala rin po kayong aalagaan ako ng asawa ko,” kampanteng sagot ng dalaga sa kaniyang ina.
Ilang buwan lamang ang nakalipas at kinasal na nga ang dalawa. Sobrang saya ni Tanya dahil sa bagong malaking pamilya ni Julio. Mahal na mahal siya ng lahat lalong lalo na ng kaniyang asawa. Hindi sumama ang kaniyang nanay na manirahan sa poder nila Julio sa probinsya at mas pinili na lang nitong manilbihan bilang kasambahay para raw may pera siya.
Naging maayos naman ang pagsasama ng dalawa, hanggang sa umabot ng isang taong anibersaryo ng kanilang kasal ay unti-unting nararamdaman ni Tanya ang pagbigat ng kanilang pagsasama.
“Bakit kailangan mo pang sa Maynila magtrabaho? Ayos naman ang babuyan natin dito. Ayaw mo na ba sa akin?” malungkot na tanong ng babae.
“Hindi, ang O.A mo naman! Mas malaki kasi ang kita roon sa Maynila kaya mas okay kapag nandun ako. Maninirahan lang ako sa tiyuhin ko kaya hindi ka pwedeng sumama. Nakakahiya naman na mag-asawa pa tayong papalamunin niya,” saad ni Julio sa kaniya.
“Huwag ka na masyadong mag-emote pa kasi uuwi naman ako lagi rito. Saka kasama mo naman mga kapatid ko at ibang kamag-anak ko rito. Hindi ka mag-iisa,” dagdag pa ng lalaki.
Hindi na nakapagsalita pa si Tanya at tinangap ng buong puso ang desisyon ng kaniyang mister kahit nga labag pa ito sa kaniyang kalooban. Usapan kasi nilang walang hihiwalay at pipilitin na magkasama maging gaano man kahirap ang buhay.
Hanggang sa lumipas ang ilang mga buwan at mas dumalang pa ang pag-uwi ni Julio sa kanya. Ayaw man niyang aminin ay nakasanhi ito sa paglamig ng kanilang pagsasama. Sa pagkawala ng apoy sa kanilang naglalagablab na pag-ibig. Unti-unti rin nabuo ang pagkasabik ni Tanya sa kaniyang mga tanong sa sarili. Katulad ng “Paano kaya kung itinuloy ko ang pag-aaral ko? Paano kung naging guro ako? Maglilinis pa rin kaya ako ng baboy o uuwi akong may nag-aantay sa akin na mister ko?” tanong niya sa sarili habang nakatulala sa kawalan ang babae.
Kinalimutan lahat ni Tanya ang buo niyang pagkatao at buong puso siyang gumawa ng bagong pamilya sa piling ng asawa. Halos ibaon niya sa limot ang mga gusto niya para lamang sa pakikisama dahil gusto niyang maging maayos sila ng bago niyang pamilya. Ibinigay nga raw niya ang lahat ngunit kulang pa rin.
“Julio, masaya ka pa ba sa’kin?” tanong ni Tanya sa mister na kakauwi lamang galing sa Maynila at naghahanap na ito ng alak dahil makikipag-inuman ito sa mga kaibigan.
“Iinom lang ako, ano na naman ‘yang mga tanong mo?” iritableng sagot ng lalaki.
“Mag-asawa pa ba talaga tayo? Ganito mo ba ako dadalhin bilang asawa mo? Uuwi ka sa’kin, tatabihan mo lang ako kapag gusto mo. Makikipag-inuman at masaya kang makikipagkwentuhan sa mga kaibigan mo. Ano ba ako sa’yo, estatwa? Display? Palamuti sa buhay mo?” baling ng babae.
“Kinasal na tayo, di ba? Anong problema mo?” galit na wika ni Julio. Hindi na sumagot pa si Tanya at siya nalang ang umalis. Kinuha niya ang isang pakete ng sigarilyo at sa kauna-unahang pagkakataon ay humithit siya ng usok na makakapagsunog sa baga. Nakatatlo rin siyang hithit at saka bumagsak ang luha na kanina pa niya pinipigilan.
Umiyak siya ng halos isang oras saka ito umuwi, buong akala niya’y madadatnan niya si Julio roon na malungkot at handa na siyang suyuin. Ngunit wala, walang panunuyong naganap hanggang sa nawala na ang lahat. Lumipas pa ng halos isang taon na ganoon lamang ang takbo ng kanilang relasyon. Pinilit ni Tanya na lumaban at umintindi ngunit nagising siya ng isang umaga. Nakatulala lamang siya sa kawalan sabay mabilis na tumayo. Hinakot niya ang lahat ng gamit.
“San ka pupunta, Tanya?” tanong ni Aling Mina, ang nanay ni Julio.
“Hanggang dito na lang ho kami ng anak niyo, ma. Ginawa ko naman ang lahat pero ngayong umaga, wala na ho. Wala na po ang pag-ibig, respeto at tiwala. Wala na po, ma,” magalang na pahayag ng babae sa ale saka niya niyakap ito.
Hindi na napigilan pa ni Aling Mina ang dalaga at maging si Julio. Ngayon nagising ang lalaki na hindi pala sa papel natatapos ang pag-aasawa. Hindi ang singsing sa kamay na isinuot nila ang siyang magpapatibay sa kanilang pagmamahalan at mas lalong hindi ang pagtira ng babae sa poder ng lalaki ang siyang magpapadali ng lahat. Wala na ngayon ang asawa na pinakasalan ni Julio, hindi na siya mahal ni Tanya.
Ngayon ay hindi na nagsasama ang dalawa kahit nga paulit-ulit pa siyang sinusuyo ng lalaki. Mas binigyang pansin na lamang ng babae ang kanyag sarili at ang kaniyang pangarap. Laking pasasalamat na lang din niyang hindi pa sila nabiyayaan ng supling dahil kapag nagkataon ay mas magiging mahirap ang lahat.
Ikaw, kabayan? Paano nga ba ang tamang pagmamahal sa ating mga asawa? Naniniwala ka bang nawawala ang pag-ibig? o napuno na lamang ng galit ang puso ni Tanya kaya niya nagawang iwan si Julio?