Mataas na ang sikat ng araw pagbangon ni Nel sa kaniyang higaan. Dali-dali siyang naghilamos at pumunta sa likod-bahay. Ngayon ang araw kung saan makikita niya ang mga kakilala niyang magtatalok sa kanilang lugar. Paglabas niya pa lang sa kanilang likurang bahay ay bumungad na sa kaniya ang nakapapasong init ng araw, gayundin, ang mga lalaking nakayuko at kaniya-kaniyang pabilisan sa pagtusok ng tinatawag na punla.
Hindi nakalampas kay Nel ang kuwentuhan ng ilang tatay na hirap na rin ang mga likuran. Napapahawak sa sumasakit na likuran tuwing tatayo.
“Pare, balita ko buntis ang anak mong dalaga? Hindi ba’t dalawang taon na lang ay makakapagtapos na sana iyon?” tanong ng nabobosesan niyang si Mang Kanor.
“Oo nga, pare. Wala eh, maagang nag-asawa. Akala ko pa naman ay siya ang mag-aahon sa amin sa putikang tinatapakan namin.” Patuloy ang pagtusok ng ilang butil na punla si Mang Lucio. Bakas sa boses niya ang panghihinayang sa nangyari.
“Iyong anak ko ngang si Bryan na tanging inaasahan ko rin, ayon at halip na mag-aral ay bisyo at barkada ang inaatupag,” napapabuntong hiningang saad din ni Mang Kanor.
Nalungkot si Nel sa mga narinig. Kababata niya ang mga anak nito at totoong nabuntis nga ng kasintahang si Wilson ang anak ni Mang Lucio na si Ana. Hindi naman nakayanan ng anak ni Mang Kanor na si Bryan na makitang may ibang lalaki si Ana dahil matagal na itong may lihim na pagtingin sa dalaga kaya naglulong na lang sa mga bisyo nitong alak at sigarilyo.
Nang magawi sa puwesto niya ang mga mata nila Mang Kanor at Mang Lucio ay agad silang kinawayan ni Nel at dali-daling inabutan ang mga ito ng malamig na tubig. Tumatagaktak ang pawis ng mga ito at mga kasama pang magtatalok dahil na rin sa tindi ng init ng araw.
“Salamat, Nel.” Iniabot ni Mang Kanor ang baso matapos itong uminom at muling nagpasalamat. Isang tango ang ginawa ni Nel upang iparating na walang anuman.
Nakaramdam ng lungkot si Nel. Pagtatalok pa lang ang kaniyang napagmamasdan ngunit kakaibang hirap na agad ang nararanasan ng mga magtatalok na tatay. Daraan pa ang spray at abono bago nila kitain ang perang kinakailangan ng bawat pamilya. Ilang hirap pa ang dadanasin para sa mga butil ng kaning isusubo.
Hapon na nang matapos ang mga magtatalok. Napagmasdan ni Nel ang hirap sa pagtayo nila Mang Kanor. Medyo malayo rin ang lalakarin nito patungo sa kanilang bahay ganundin si Mang Lucio.
Naisip ni Nel na magsulat ng tungkol sa nasaksihan at narinig. Maganda itong pagsusulat na siya na ring takdang-aralin ni Nel.
“Agrikultura ang isa sa kabuhayan ng mga mahihirap na nakatira sa probinsya. Pagsasaka ang halos karamihan na kanilang trabaho rito. Kung tutuusin ay hindi madaling maging magsasaka. Maraming hirap ang dinadanas ng mga ama, kuya o bunso natin para lang magkaroon ng pera, makakain ng sapat sa isang araw at mabigyan ng magandang kinabukasan,” panimula ni Nel sa sinusulat niya.
“Kaya’t nakakalungkot na ang bawat butil ng kanin ay nasasayang, maraming natitira sa platong dapat ay nauubos ng mga may kakayahan. Nakakalungkot na ang mga anak na siyang dapat mag-aahon sa hirap ay dahilan ng mas pagkalugmok nila sa kahirapan. Ang siyang dapat tutulong ay siyang tinutulungan. Nakakabinging pakinggan ang hinaing ng bawat magulang na pagsasaka ang pinagkukuhanan ng pagkakakitaan. Bukod kasi sa hirap ay dagdag isipin pa ang mga anak na dahilan ng mas lalong paghihirap,” natigil si Nel sa pagsulat at nag-isip pa ng mas malalim para sa kasunod na sasabihin.
“Alam natin kung paano gumastos ng pera ngunit hindi, kung paano kumita. Alam natin magsayang ng kanin ngunit hindi kung paano ito gawin. Marami tayong nagagawa na maliit na bagay lang kung para sa atin, ngunit malaking bahagi naman para sa ating mga magulang. Ang simpleng pag-aaksaya, ang simpleng hindi pagsunod, malaki pala ang epekto para sa ating pamilya.” Itinabi ni Nel ang isinulat. Napatulala siya sa buong araw na nangyari. Ang daming pumapasok sa isipan niya.
“Nel, halika.” Lumakad si Nel sa kaniyang ina at humilig sa balikat nito.
“Anoʼng problema?” tanong ng kaniyang ina.
“Mama, ang hirap pala ng ginagawa nila papa at kuya?” mahina niyang sabi. “Maraming hirap tulad ng paghihirap nila Mang Kanor at Mang Lucio.”
“Kaya nga pinag-aaral kayong mabuti para maging maayos ang buhay natin hindi ba?”
Napatango si Nel.
“Alam ko po. Pangako, mama. Magtatapos ako at hindi ko kayo bibiguin. Hindi ako magiging kagaya nila Ana at Bryan.” Hinalikan ng kaniyang ina ang noo ni Nel.
“Magtapos ka dahil hindi habang buhay makakapagsaka ang papa mo.”
“Pangako po.”
Sana ay mamulat din ang maraming kabataan, tulad ni Nel, sa tunay na nararamdaman ng kani-kaniya nilang mga magulang. Sanaʼy matutong magpahalaga ang karamihan, dahil marami pa ring mga ina at ama, na naniniwalang ang kabataan pa rin ang magiging pag-asa ng bayan.