Inday TrendingInday Trending
Pagsisisi, Pagtitiwala at Pagmamahal sa Pamilya

Pagsisisi, Pagtitiwala at Pagmamahal sa Pamilya

“Ben, ilang beses ko na bang sinasabi sa iyo na layuan mo na ang mga kabarkada mong iyan? Walang ibang maidudulot ang mga iyon sa iyo kundi tanging pagkapariwara sa buhay!” galit na anas ng ama ni Ben na si Mang Isko, nang umuwi siya noong gabing iyon nang lasing. Napahawak naman sa kaniyang sentido si Ben dahil naririndi siya sa pangangaral ng kaniyang amang pagod din naman sa maghapong pagtatrabaho.

“Hindi mo man lang ba inisip na pinagsisikapan namin ng inay mo na pagtapusin ka sa pag-aaral para hindi mo danasin ang hirap na dinaranas namin ngayon? Makinig ka naman!”

Hindi alam ni Mang Isko kung maiiyak ba o magagalit sa ginagawang kalokohan ng kaniyang anak, ngunit hindi naman niya magawang saktan ito. Kahit pa makailang ulit na nitong ginagawa ang mga ganoong bagay ay nananatili ang tiwala niya sa kaniyang kaisa-isang anak.

“Itay naman, pʼwede bang bukas na lang ho ninyo ako sermunan? Natutuliling ang tenga ko sa ingay ninyo, e!” ang pabalang pang sagot noon ni Ben sa amang ang tanging gusto lamang naman ay mapabuti siya.

“Ben, ano ba?! Huwag na huwag mong sinisigawan ng ganiyan ang ama mo! Wala kang karapatang gawin iyan sa kaniya!” galit namang singit ni Aling Estrelya, ina ni Ben at asawa ni Mang Isko.

“Ayan! Lagi na lang ganiyan! Lagi na lang ninyo akong kinakastigo. Mabuti pa ang mga kaibigan ko, naiintindihan ako!”

Padabog na pumasok si Ben sa kaniyang kwarto at nooʼy wala nang nagawa pa ang kaniyang mga magulang kundi ang maluha na lamang dahil sa sama ng loob. Mahal na mahal nila ang kanilang anak, ngunit hindi na nila alam pa kung paano iyon ipakikita rito. Paano nga ba nila mababago ang kanilang munting anghel na nooʼy itinuring nilang pinakamagandang biyayang ibinigay sa kanila ng Diyos?

Nagpatuloy sa mga ganoong gawain si Ben. Barkada rito, barkada roon. Kaliwaʼt kanang inuman sa kahit saan, kahit pa sa oras ng klase. Dumating pa nga sa punto na pati na rin sa iba pang mas malalalim at masasamang bisyo ay pinatitikim na siya ng kaniyang mga katropa, dahil bukod sa alak, sigarilyo, sugal at babae… natuto na rin siyang gumamit ng bawal na gamot!

“Mahal, hindi ko na alam kung ano pa ang gagawin natin diyan sa anak natin. Ayaw kong dumating ang araw na ikapapahamak niya na ang mga ginagawa niya ngayon!” ang umiiyak noong sabi ni Aling Estrelya sa kaniyang asawang si Mang Isko.

“Huwag kang mag-alala, mahal. Ako na mismo ang gagawa ng paraan upang matigil na sa ganiyang gawain ang anak natin.”

Dahil doon ay may nabuong desisyon sa isip ng mag-asawa. Isang desisyong napakahirap para sa kanilang kalooban, ngunit alam nilang pinakamakakatulong sa kanila.

Dumating sa puntong sila na mismo ang lumapit sa pulisya upang ipahuli ang kanilang anak at iba pang kasama nito upang sanaʼy madala sa rehabilitation center, bilang silaʼy mga menor de edad pa… ngunit hindi naman ganoon ang nangyari—dahil ang grupo nina Ben, nakipagpalitan ng labanan sa mga alagad ng batas.

Tumakbo si Ben sa kanila mismong bahay, nang siya na lamang ang matirang buhay sa kanilang magkakabarkada. Labis naman ang naging pag-aalala ng kaniyang ina. Sa kalagitnaan ng pangangaral nito sa kaniya ay isang putok ng baril ang siyang nangibabaw sa paligid—hanggang sa makita niyang umaagos na mula sa dibdib ng kaniyang ama ang masaganang dugo nito, dahil sinalo nito ang balang para sa kaniya!

“Itay ko!”

Noon ay napahagulhol si Ben. Agad nilang isinugod sa ospital ang kaniyang ama. Doon na rin siya nasakote ng mga pulis.

Labis na pinagsisihan ni Ben ang kaniyang mga nagawa. Nang mga sandaling iyon ay muli niyang naalala ang payo sa kaniya ng mga magulang noon…

“Anak, kung sakaling dumating ang pagkakataong sa tingin mo ay wala ka nang ibang malalapitan, huwag mo sanang kalilimutang may Diyos na laging nakatanaw lamang sa ʼyo. Naghihintay na kausapin mo siya nang taimtim at sabihin kung ano ang nararamdaman mo.”

Kaya naman agad na ipinagsaklop ni Ben ang kaniyang mga palad at pumikit. “Diyos ko, patawarin po ninyo ako sa mga kasalanang nagawa ko. Babawi po ako, basta pakiusap ko lang po… huwag po muna ninyong kunin ang itay ko.”

Makalipas lamang ang isang taon ay mabilis na naka-recover si Ben mula sa kaniyang pagkakamali. Ginawa niya ang lahat upang magbago. Malaki ang pasasalamat niya sa kaniyang mga magulang na kailan man ay hindi siya sinukuan, ganoon din sa Diyos na hindi nagdalawang isip na bigyan siyang muli ng pag-asang bumangon.

Advertisement