Sapo ni Mang Delfin ang kaniyang ulo gamit ang dalawang mga kamay. Katatapos lamang niyang magbilang ng kinita nila ngayon sa itinayo niyang panaderya, ngunit katulad ng ibang nakaraan nilang mga araw ay lugi na naman sila.
Marami nang nabubulok na tinapay na kanilang paninda, dahil halos wala nang bumibili sa kanila. Simula kasi nang magmahal ang mga sangkap sa paggawa ng tinapay ay tumaas na rin ang presyo ng kanilang mga paninda. Iyon naman kasi ang problema ng karamihan sa mamamayan sa lugar na iyon. Tumataas ang bilihin, ngunit hindi naman tumataas ang suweldo! Hindi rin naman masisi ni Delfin ang kaniyang mga dating suki dahil dito.
“Papa, ano poʼng gagawin ninyo? Magsasara na po ba tayo?” tanong ng panganay sa tatlong anak ni Mang Delfin na si Yza. Labing tatlong taon na ito at Junior Highschool bilang grade seven student.
“Hindi ko alam, anak. Siguro, ganoon na nga ang mangyayari. Mukhang kailangan kong mag-apply ng ibang trababo para lang mabuhay ko kayo,” sagot naman ni Mang Delfin sa anak na halatang nalulungkot sa kaniyang sinabi.
“Ayaw ko pong mawala ang panaderya sa atin, papa. Sana po, may iba pang paraan,” sabi pa ni Yza sa kaniya sabay iwas ng tingin.
Dahil doon ay nangilid naman ang luha ni Mang Delfin.
Nang gabing iyon ay halos hindi siya makatulog dahil sa kaiisip tungkol sa naging pag-uusap nila ng anak na si Yza. Kahit siya man ay hindi niya gustong mawala sa kanila ang panaderyang matagal na rin naman nilang naging source of income. Pabaling-baling lamang sa kaniyang higaan si Mang Delfin kayaʼt naisipan niya munang kuhanin ang kaniyang cellphone at manuod ng ibaʼt ibang cooking videos sa internet…
Ngunit maya-maya lamang ay tumaas ang interes ni Mang Delfin sa mga videos na kaniyang pinapanuod, lalo na nang makakuha siya ng ilang tips kung papaano papatok muli sa madla ang kanilang mga paninda!
Kinabukasan ay inilaan ni Mang Delfin ang halos buo niyang araw sa pagluluto ng ibaʼt ibang klase ng tinapay, biscuit at kung ano-ano pang uri ng pastries na napapanuod niya sa mga videos sa internet, gamit ang ilang natitirang sangkap sa kanilang stock room. Balak sana niyang ipa-free taste sa mga taga-roon ang lahat ng tinapay na kaniyang nagawa, ngunit nagbago ang kaniyang isip nang makita ang ilang mga batang nagbubungkal ng basura, ʼdi kalayuan sa lugar ng kanilang tindahan.
“Mga bata, hali kayo rito. May ipatitikim ako sa inyo,” tawag ni Mang Delfin sa hindi bababa sa pitong batang nagkakalkal sa basura ng makakain.
“Sige, kumuha kayo ng tinapay. Bagong luto ang mga iyan. Mainit-init pa,” aniya sabay abot ng makululay na tinapay na nababalot sa makukulay ding mga hulmahang papel.
Ang totoo ay labis na natuwa si Mang Delfin sa naging resulta ng kaniyang mga inilutong bagong uri ng tinapay, dahil ni hindi niya kinailangang gumamit ng mga artipisyal na food colorings. Paanoʼy ang natural na kulay ng mga inihalo niyang prutas ang naging pangkulay sa mga iyon. Bukod pa roon ay naging masarap din ang lasa dahil sa mga bagong sangkap!
“Wow! Napakasarap po!” bulalas noon ng mga batang kalye habang masayang nilalantakan ang kaniyang masasarap na tinapay.
Labis na nasiyahan si Mang Delfin, dahil hindi siya halos gumastos nang malaki sa pagluluto ng mga iyon, kayaʼt kaya na niyang ibenta nang mura ang kaniyang mga paninda! Bukod pa roon ay mabibigyang muli siya ng pagkakataon na maghatid ng ngiti sa labi ng mga batang nagugutom sa lansangan, tulad ng kaniyang ginagawa dati pa.
Muli ay naging patok sa masa ang mga paninda ni Mang Delfin. Mas lalo pa nga iyong lumago at lumaki dahil parami na nang parami ang ang kanilang mga nagiging suki. Bukod pa roon ay marami na ring sikat na personalidad ang nakatikim ng kaniyang mga inilulutong tinapay kayaʼt lalo pang nag-boom ang kaniyang negosyo.
“Sobrang proud po ako saʼyo, papa. Kahit po maayos na ang buhay natin, hindi mo pa rin po nagagawang kalimutang magbigay sa mga batang nakikita ninyong nagugutom sa lansangan. Idol ko po kayo,” sabi noon ni Yza habang busy siya sa pagmamasa ng harina.
“Alam mo, anak, sa totoo lang ay hindi ko talaga sila malilimutan dahil isa sila sa dahilan kung bakit ayaw kong mawala ang panaderyang ito. Alam ko kasi na kahit papaanoʼy umaasa sila sa mga tinapay na iniluluto ko,” ang nakangiti namang sagot ni Mang Delfin habang inaalala ang mga panahong walang-wala na siya at bukod sa kaniyang pamilya ay naging sandigan niya rin ang mga batang unang nasarapan sa kaniyang mga bagong paninda.
Tunay na binibiyayaan ang mga taong bukal sa loob kung tumulong. Katulad ni Mang Delfin na mabuti nang ama, mabuti pang panadero! Saan ka pa?!