Nagulat ang tatlong anak ni Aling Paz nang mabalitaan nila ang pagyao ng kanilang ina. Agad na nagpaalam sa kani-kanilang mga trabaho sina Charles, ang panganay, si Charice, ang ikalawa, at si Charlotte, ang bunso.
Simula nang bumukod sila at magkaroon ng sari-sariling pamilya, ang kasama na lamang sa bahay ni Aling Paz ay ang pinsan nitong si Pacita. Mahigpit ang bilin sa kanila ng ina na kapag nagkaroon na sila ng mga asawa, kailangan nilang bumukod. Hindi maaari ang makikipisan.
Nabalitaan ng magkakapatid na ipinasama raw ni Aling Paz sa kaniyang kabaong at kasama niyang ililibing ang lahat ng kaniyang mamahaling alahas. Kaya naman habang sila ay naghihintay sa pagdating ng mga labi nito mula sa punerarya, nag-usap-usap ang magkakapatid.
“Sino ang gagastos sa pagpapalibing kay nanay?” tanong ni Charlotte.
“Bilang panganay na anak, sa palagay ko’y ako ang dapat magpalibing kay nanay. Tutal, mas nakasama naman kayo nang madalas ni nanay noong siya ay nabubuhay pa,” pagboboluntaryo ni Charles.
Napatawa ng sarkastiko si Charice.
“Excuse me nga, kuya? Sa palagay ko hindi papayag ang nanay na ikaw ang maglibing sa kaniya. Nabalitaan mo ba kung ilang beses sumama ang loob sa iyo ng nanay noong umalis ka kaagad dito dahil nag-asawa ka kaagad matapos mong maka-graduate sa kursong Business Administration? Hindi ka man lamang nakapagsubi sa pamilya. Makasarili ka!” sumbat ni Charice sa panganay na kapatid.
Marahas na inilapag ni Charles ang puswelo ng kape na kaniyang iniinom.
“Hoy Charice, magdahan-dahan ka sa pananalita mo ah. Dapat nga magpasalamat ka sa akin. Alam ko ang lihim mo. Alam kong kaya ka naman natutuwa sa iyo ang nanay dahil hindi ka humihingi ng baon sa kaniya noong nasa college ka dahil isa kang kabit! Oo! Hindi mo ako mapaglilihiman. Ang sabi mo’y working student ka pero iyon pala’y sustentado ng sugar daddy mong politiko!” galit na sabi ni Charles.
“Ang kapal ng mukha mo, kuya! Bakit? Huwag kang magmalinis. Hindi ba’t may babae ka rin naman? Akala mo hindi ko alam na may relasyon kayo ng matalik mong kaibigan? Gusto mong isumbong kita ngayon din kay Annie?” pagbabanta ni Charice sa kapatid. Si Annie ang asawa ni Charles.
Umawat naman si Charlotte sa bangayan ng kaniyang mga nakatatandang kapatid.
“Teka muna, huwag kayong mag-ungkatan ng mga baho ninyo. Nandito tayo para kay nanay. Ang usapan natin dito, sino ba ang gagastos sa pagpapalibing sa kaniya. Sa tingin ninyo ba matutuwa ang nanay kung makikita niyang nag-aaway kayo rito?” awat ni Charlotte sa dalawang kapatid.
“Isa ka pa. Huwag ka ngang magsalita riyan na akala mo’y ubod ng linis ka,” buwelta naman ni Charles kay Charlotte.
“Ako? Bakit ako?” maang na tanong ni Charlotte sa kaniyang kuya.
“Nagpasasa ka nang husto sa pera ng nanay. O dapat ngayon, ikaw ang gumastos sa libing niya,” sabi ni Charles.
“Kuya, alam naman ninyong minsan ay nagkukulang ang suweldo ko bilang sekretarya. Marami kaming gastusin sa bahay. Nagpapaaral pa ako. Hindi sapat ang kinikita ni Lucas para sa amin kaya kailangan kong tumodo-kayod,” paliwanag ni Charlotte.
“Sus, hanggang ngayon ay pabigat ka pa rin at walang silbi sa pamilya. Palibhasa ikaw ang paborito ng nanay. So sinasabi mo ngayon na wala kang maitutulong? Ako na naman ba? Dahil ako ang kumikita nang mas malaki kaysa sa inyo?” pagmamalaki ni Charles.
“Pwede namang ako na lang kung manunumbat ka rin lang,” untag ni Charice.
“Hindi. Ako ang magpapalibing sa kaniya. Hindi ba’t baon ka sa utang sa bangko at mga lending company? Huwag kang magkakaila. Alam ko iyan. Nakakahiya ka! Magbayad ka muna ng utang mo bago mo akuin ang lahat,” sabi ni Charles kay Charice. Namula naman si Charice.
Walang nagawa ang magkapatid na Charice at Charlotte sa pag-ako ni Charles sa pagpapalibing at paggastos sa lahat ng mga pangangailangan sa burol ni Aling Paz. Tatlong araw lamang itong pinaglamayan. Napakaraming nakipaglibing dito. Inilibing nila si Aling Paz sa isang mamahaling memorial park.
Isang araw matapos ang libing kay Aling Paz, bumalik si Charles sa puntod ng kaniyang nanay. Kasama niya ang dalawang sepulturerong naglibing at nag-asikaso sa libing.
“Pasensya na nanay subalit kailangan ko itong gawin. Medyo malaki ang nagastos ko sa libing mo eh,” bulong ni Charles. Muli niyang pinahukay ang puntod ng kaniyang ina. Nang mabalitaan niyang nasa loob ng kabaong nito ang mga alahas at mamahaling hiyas nito, iginiit niya sa kaniyang mga kapatid ang pagpapalibing upang mabigyan siya ng pagkakataong makuha ang mga ito. Hindi naman niya ito maaaring gawin sa mismong burol dahil marami ang makakakita.
“Sinasabi ko na nga ba. Iyan talaga ang plano mo,” maya-maya’y sabi ng boses mula sa likuran ni Charles. Ito pala si Charice.
“Anong ginagawa mo rito?” tanong ni Charles sa kapatid.
“Alam ko ang plano mo, kuya. Ang kapal talaga ng mukha mo. Hindi mo na ginalang ang labi ng nanay,” sumbat ni Charice.
“Wala ka nang magagawa. Akin ang mga alahas ni nanay,” nakangising turan ni Charles subalit nagitla siya dahil wala ni isang butil ng alahas sa loob ng kabaong ni Aling Paz.
“Kung ang mga alahas ng nanay mo ang hinahanap mo, pasensya na ngunit wala na riyan,” maya-maya’y turan ni Pacita, ang pinsan ng kanilang nanay. Kasama pala ito ni Charice.
“Bago mawala ang nanay ninyo, sinabi niya sa akin na idonate sa simbahan at sa ampunan ang mga naipon niyang alahas. Hanggang sa huli, matibay ang paniniwala ng nanay ninyo na may mga sarili na kayong buhay at kaya ninyo na. Hindi siya naniniwala sa mana,” paliwanag ni Pacita.
Nanlumo si Charles sa kaniyang mga narinig. Malaki-laki kasi ang kaniyang nagastos sa libing.
“Sana kuya, ginawa mo ang lahat ng ito hindi para sa mga alahas ng nanay, kundi dahil mahal mo siya.” naluluhang turan ni Charice sa kapatid sabay alis.
Kinurot naman ang budhi ni Charles sa sinabi ni Charice. Ipinabalik niya ang kabaong sa puntod nito at nag-alay ng munting dasal para sa kaniyang nanay. Humingi siya ng tawad sa kaniyang ginawa. Kinabukasan, nagpamisa siya para sa ikapapanatag ng kaluluwa ni Aling Paz. Humingi rin siya ng tawad kina Charice, Charlotte at Tiya Pacita.