Inday TrendingInday Trending
Tulong Mula Sa Hindi Inaasahang Tao

Tulong Mula Sa Hindi Inaasahang Tao

“Lorna, hindi ako makakapasok. May sakit ang anak ko. Pwede extend ka ulit?”

Napabuntung-hininga si Lorna pagkabasa sa text ng karelyebo niya sa trabaho. Isa siyang tagaluto sa isang burger outlet na halos 24 oras na bukas. Nakatayo ang kanilang malaking kiosk katabi ng kalsada.

Nakapahirap ng kaniyang sitwasyon. Kung nakinig lamang siya sa kaniyang mga magulang na magtapos ng pag-aaral, hindi sana siya nagkakaproblema sa paghahanap nang mas maayos na trabaho ngayon. May anak siya sa pagkadalaga na kailangang buhayin at sustentuhan. Hindi niya alam kung nasaan ang hayop na lalaking bumuntis at nang-iwan sa kaniya. Mabuti na lamang at mabait ang kanilang kapitbahay kaya napakiusapan niya itong bantayan ang anak.

Tinugunan ito ni Lorna: “May magagawa pa ba ako? Pagaling ang anak mo.”

Labindalawang oras ang duty ni Lorna sa naturang burger outlet. Mainit sa loob nito dahil lagi siyang nakatunghay sa lutuan ng burger patties. Mahirap din ang sitwasyon niya dahil walang sariling banyo ang outlet kaya kinakailangan niyang umalis sa pwesto upang makiihi pa. Minsan, nagpipigil na lamang siya. Ang malas nito, hindi sila maaaring magsara o umalis ng pwesto hangga’t wala pa silang kapalit, kung hindi ay ibabawas sa kakarampot nilang suweldo ang kita ng burger outlet na masasayang sa kanilang pagsasara. Kalbaryo para kay Lorna ang trabahong iyon.

Pero paano naman siya makakahanap ng ibang trabaho kung ganitong 12 oras ang duty niya at sa malas, kapag hindi dumating ang kaniyang karelyebo, hindi siya makakaalis sa puwesto? Napabuntong-hininga na lamang si Lorna.

Isa pa sa nakadaragdag ng pagkabugnot sa kaniya ang tumatambay na matandang babaeng pulubi tuwing umaga sa kanilang puwesto. Lagi itong nakikiamot ng pagkain sa kaniya. Hindi naman niya mabigyan dahil nakaimbentaryo ang lahat sa kanila. Maliit na nga ang kaniyang suweldo at baka kaltasan pa siya. Tulad ngayon, naroon na naman ang babaeng pulubi na napakabaho at napakarumi.

“Ineng, pahingi naman ako ng tinapay mo,” nakangiting sabi ng matandang babaeng pulubi. Lumitaw ang sira-sira at madilaw nitong ngipin.

“Lola, sinabi ko na nga po sa inyo na hindi pwede. Hintayin po ninyong may matira sa mga customer ko baka maawa sila sa inyo,” medyo galit na sabi ni Lorna sa matanda.

“Gutom na gutom na ako, ineng. Sige na. Gusto ko lang din matikman ang mabango mong niluluto araw-araw. Pangako, pagkatapos nito ay hindi na kita guguluhin pa,” sabi ng matanda.

Nakaramdam ng awa at pagkainis si Lorna. Para na lang matapos ang matanda, ipinagluto niya ito ng isang burger. Buy one take one kasi ito sa halagang 20 piso kaya dalawa ang nakuha nito. Masayang-masaya nitong kinuha ang mga tinapay.

“Salamat ineng! May pagkain na ako hanggang mamayang gabi. Balang araw, makakabawi rin ako sa iyo,” turan ng matanda.

Nang sumunod na araw nga ay hindi na tumatambay sa naturang burger outlet ang matandang babaeng pulubi, bagama’t dumaraan pa rin ito sa kaniya.

Sa wakas ay nakapasok na rin ang karelyebo ni Lorna. Habang sila ay nagpapalitan, isang holdaper ang lumapit sa kanila. Tinutukan sila nito ng baril.

“Akin na ang kita ninyo, pati pitaka at cellphone ninyo akin na rin! Kundi pasasabugin ko ang mga bungo ninyo,” turan ng lalaking holdaper na namumula ang mga mata. Nakasumbrero ito at may takip sa bibig kaya hindi mamumukhaan kung sino.

Takot na iniabot nina Lorna at ng kaniyang karelyebo ang kanilang mga sariling pitaka at cellphone subalit hindi ang kita ng burger outlet.

“Sabi nang akin na ang kita ninyo eh!” galit na sabi ng holdaper.

“Kuya, pwede bang huwag na ito kasi mananagot kami sa amo namin,” pagmamakaawa ni Lorna. Kilala niya ang amo nila. Hindi ito maniniwala sa sasabihin nilang pinagnakawan nila. Iisipin pa nitong kasabwat lamang nila ang kumuha sa kita.

“Ah ganoon ah… pwes magdasal na kayo!” sabi ng holdaper, at kakalabitin na sana nito ang gatilyo ng baril nang walang ano-ano’y isang malaking kahoy ang ubod-lakas na tumama sa ulo nito. Ang matandang babaeng pulubi! Pinaghahampas nito ng hawak na malaking kahoy ang ulo at katawan ng holdaper. Nakahingi ng tulong sina Lorna at ang karelyebo nito sa mga rumorondang pulis kaya nahuli at nadakip ang hindi makagulapay na holdaper.

“Maraming salamat lola! Hulog ka ng langit,” naiiyak na pasasalamat ni Lorna sa matandang babaeng pulubi.

“Walang anuman, ineng. Sabi ko naman sa iyo hindi ba, masusuklian ko rin ang kagandahang-loob mo. Saka matanda na ako kaya hindi na ako natatakot. Kung mawawala ako dahil sa pagtulong sa ibang tao, bakit hindi?” nakangiting turan ng matandang babae.

Kaya naman tuwing umaga, laging binibigyan ni Lorna ng libreng burger ang matandang babaeng pulubi sa tuwing dumaraan ito sa kanilang burger outlet bilang pagtanaw ng utang na loob dito. Masaya naman nitong tinatanggap ang kaniyang tulong.

Hindi makapaniwala si Lorna na magiging kaibigan niya ang matandang babaeng pulubi na dati ay nakapagpapainit sa kaniyang ulo. Napagtanto niyang kailangang maging mabuti ang trato sa kapwa anuman ang kalagayan nito sa buhay dahil sa huli, maaaring ito pa ang makatulong sa oras ng mahigpit na pangangailangan.

Advertisement