Inday TrendingInday Trending
Kung Mahal Mo, Palayain Mo

Kung Mahal Mo, Palayain Mo

“Gwen, hindi ba first love mo si Kenan? Balita ko kasi uuwi na raw ‘yon dito sa ‘Pinas!” sabik na balita ni Phoebe sa kaniyang kaibigan.

“O, ano gusto mong gawin ko?” mataray na sagot naman ng dalagang si Gwen.

“Ay, ang sungit. Halatang may hinanakit,” tukso ng kaibigan sa dalaga, kumunot naman ang noo nito saka binulungan ang maingay na kaibigan.

“Tigilan mo, Phoebe! Mamaya may makarinig sa’yo, hindi pa matuloy ang kasal ko!” asar na sambit nito sabay bahagyang sinabunutan ang kaibigan ngunit tila ginugulo nito ang kaniyang isip.

“Sigurado ka bang gusto mo talagang ituloy ang kasal mo? Baka magsisi ka na itatali mo ang sarili mo sa taong hindi mo naman mahal?” ‘ika pa nito.

“Phoebe, mahal ko si Rerey. Baka nakakalimutan mo, siya ang tumulong sa akin noong lugmok na lugmok ako d’yan sa kaibigan mo. Siya ang bumuo sa akin, nagmahal, LAHAT. Lahat ng hindi nagawa ng kaibigan mo,” sagot ng dalaga, akma na sana siyang aalis ngunit biglang nagsalita muli ang kaniyang kaibigan.

“Hindi naman por que may utang na loob ka sa kaniya, mahal mo na siya,” sabi pa nito.

“Naku, Phoebe! Ginugulo mo ang isip ko!” sigaw ng dalaga saka naupo sa sofa, hawak-hawak ang kaniyang ulo.

“Hindi ‘yan magugulo kung mahal mo talaga ‘yung papakasalan mo,” sambit nito sabay kindat.

“Pag-isipan mong maigi, kinabukasan at kasiyahan mo ang nakasalalay d’yan.” dagdag pa ng kaibigan saka tuluyang umalis sa bahay nila Gwen.

Limang buwan na lang bago ikasal ang dalagang si Gwen sa kaniyang nobyong sampung taon ang tanda sa kaniya. Hindi niya ininda ang agwat ng kanilang edad pagkat ito ang siyang bumuo sa kaniya noong mga panahong durog na durog siya mula sa biglaang hindi pagpaparamdam ng kaniyang dating nobyong nagtrabaho sa ibang bansa.

Tinrato siya nitong parang prinsesa. Lahat ng kaniyang gusto, binibigay nito sa kaniya. Kapag ayaw niya, gagawin lahat ng lalaki upang maiwasan ‘yon. Ngunit kahit pa labis ang kabaitan nito, may puwang pa rin sa puso ng dalaga. Hindi niya mawari kung bakit nasa kaniya na naman ang lahat pero may hinahanap pa ring saya ang puso niya.

Lalo pang gumulo ang isip ng dalaga nang marinig ang balitang uuwi na sa ‘Pinas ang lalaki. Kaya mula sa pagkakataong ‘yon, hinanda niya ang kaniyang sarili. ‘Ika niya, “Kung may balak man siya o wala na kausapin ako, tuloy ang kasal ko!”

Ngunit pagkalipas lang ng isang linggo, tila kinabig lahat ng dalaga ang kaniyang mga nasambit nang makasalubong niya ang binata malapit sa kanilang bahay. Labis ang ngiti nito sa kaniya. Pakiwari niya’y bumalik sila sa panahong una silang nagkaaminan ng nararamdaman. Gumanti siya nang ngiti ngunit bigla pumasok sa isip niya ang pananakit nito sa kaniya kaya biglang nag-iba ang timpla ng kaniyang mukha at dali-daling lumihis ng daan.

Buong akala niya’y nakaiwas na siya mula rito ngunit laking gulat niya nang hinawakan siya nito sa kaniyang kamay saka sinabing, “Tara, kape tayo? Katulad ng dati?” gustuhin mang kumawala ng dalaga sa pagkakawak nito, hindi niya mawari kung bakit “Sige sumama ka!” ang sinisigaw ng kaniyang puso at kusang naglalakad ang kaniyang mga paa kasama ng lalaking una niyang minahal.

Doon nagkaroon ng pagkakataon ang binata na ikwento sa dalaga lahat ng kaniyang pinagdaan sa bansang kaniyang pinagtrabahuhan at ang tanging tumatak sa isip ng dala ay ang mga katagang, “Tinanggalan nila ako ng selpon kaya hindi ko nagawang mangamusta sa’yo, pero kahit ganoon, hindi ka nawala sa puso ko. Ni hindi sumagi sa isip ko na tumingin sa ibang babae,” napabuntong hininga lang ang dalaga dahil magkahalong awa at saya ang kaniyang nararamdaman.

“Hindi ka ba masaya sa mga sinabi ko?” tanong ni Kenan nang mapansing malungkot ang mukha ng dalaga.

“Kenan, ikakasal na ako,” bunyag ng dalaga.

“Alam ko, kaya nga umuwi ako, para mabawi ang prinsesa ko. Sabihin mo lang na mahal mo pa ako, gagawin ko ang lahat makuha lang kitang muli,” tugon ng binata saka mariing hinawakan ang kamay ng dalaga

“Ma- mahal pa kita,” mangiyakngiyak na sambit ng dalaga tila sumasagi sa isip niya ang mararamdaman ng lalaking bumuo sa kaniya at sana’y papakasalan niya.

Ginawa nga ng binata ang kaniyang makakaya upang mabawi ang dalaga. Kinausap niya ng lalaki sa lalaki ang binatang papakasalan sana nito. Noong una’y ayaw nitong pumayag dahil nga naman mahal niya ang dalaga ngunit nang lumuhod na ang binata saka sinabing, “Alam mo ang tibok ng puso ni Gwen, at alam mong malaking parte noon, ako ang sinisigaw,” na biglang nakapagpagising sa lalaki.

Matagal bago tuluyang pinalaya ng lalaki ang dalaga. Dahil nga mahal na mahal niya ang dalaga, ‘ika nito habang mangiyakngiyak, “Kung ang pagpapalaya sa’yo ang magpapakita ng tunay kong pagmamahal, malaya ka na,” gulat na gulat ang dalaga sa mga katagang ito ngunit labis ang sayang kaniyang naramdaman, niyakap niya ito at agad na tumakbo para puntahan ang binatang tinitibok ng kaniyang puso noong una palang.

Sa huli, kinasal rin ang dalaga, ngunit hindi sa lakaking bumuo sa kaniya, kundi, sa lalaking unang minahal niya.

Ganoon naman talaga ang pag-ibig. Pinilitin mo mang gamitin ang isip mo sa pagpili ng mamahalin, puso pa rin talaga ang titibok at magdadala sa’yo sa taong mahal mo.

Advertisement