Inday TrendingInday Trending
Gimikerang Ina

Gimikerang Ina

“Mahal kong bunso, ayos lang ba na iwan ko sa’yo si Angel? May kailangan kasi akong lakarin, tapos pabugso-bugso pa ang ulan. Baka magkasakit ‘to, eh,” daing ni Yassi sa kaniyang kapatid habang bahagyang hinehele ang kaniyang anak.

“Sige ate, ayos lang. Tulog naman siya, eh. Lapag mo na lang d’yan, babantayan ko na lang. Mabilis ka lang naman, hindi ba?” paninigurado ng kapatid niyang si Belle, saka inabutan siya nito ng kumot.

“Medyo magtatagalan ako, eh. Pero sige, gagawin ko lahat para makauwi agad,” tugon niya habang dahan-dahang binaba ang anak upang huwag magising.

“Sige ate, dalian mo lang, ha? Mahihirapan ako kapag sabay sila nagising ng anak ko,” sambit ng kaniyang kapatid habang tinatapik-tapik ang natutulog ring anak nito. Kumindat lamang ang babae saka nagmamadaling umalis.

Sa edad na bente dos anyos nabuntis ng hindi sinasadya si Yassi. Noong una’y labis ang kaniyang saya dahil nga nagbunga ang pagmamahalan nila ng kaniyang nobyo ngunit nang maisilang niya ang kaniyang anak, wala pa itong tatlong buwan ay iniwan na siya ng naturang lalaki. Hindi pa raw nito kayang bumuhay ng sariling pamilya.

Hindi alam ng batang ina ang kaniyang gagawin noong mga pagkakataong iyon. Nais niya na lamang mawala sa mundo. Kung hindi lang dahil sa kaniyang kapatid na kakapanganak lang din ng mga pahanong ‘yon, siguro ay tuluyan niya nang winakasan ang kaniyang buhay.

Simula noong araw na iwan siya ng kaniyang nobyo, hindi siya pinabayaan ng kaniyang kapatid kahit pa bagong panganak lang rin ito. Lagi siya nitong pinapasabay sa kanilang hapag-kainan o ‘di kaya nama’y dadalawin siya sa mga libreng oras nito.

Ngunit paglipas ng isang taon, tila namihasa ang babae. Kung dati’y kasama niya lang magbantay ng anak ang kapatid, ngayon ang kapatid niya na mismo ang kaniyang pinagbabantay dito habang siya, gumigimik kasama ang barkada! Parehas man silang nabuntis ng maaga, tila mas pinagtuunan niya ng pansin ang barkada kaysa sa anak.

Noong araw na ‘yon, magdamag na hindi umuwi ang babae. Nagpakasasa lamang siya sa alak kasama ang kaniyang mga kaibigan. Umaga na nang katukin niya ang kapatid upang kunin ang kaniyang anak ngunit wala pang tatlong oras niyang hawak ito, binigay niya na naman ito sa kapatid.

“Bunso, iwan ko muna ulit sa’yo si Angel, ha? Aalis ako, eh. Ito ang gatas at diaper niya,” sambit ni Yassi saka nilapag sa sofa ang kaniyang isang taong gulang na anak.

“Saan ka na naman pupunta, ate? Kagabi lang umalis ka rin, ha? Alam mo ba hirap na hirap ako kasi minsan sabay na umiiyak yung anak mo pati anak ko,” daing ng kaniyang kapatid, bakas sa mukha nito ang pagkadismaya.

“Eh, sige na, uuwian kita ng pagkain. Kailangang-kailangan ko lang talaga! Alis na ako!” nagmamadaling sabi niya sabay puslit upang huwag nang mapagalitan ng kaniyang kapatid.

Dumiretso ang babae sa bahay ng kaniyang kaibigan noong hayskul kung saan natulog lahat ng kaniyang kainuman kagabi. May balak kasi sila ngayong lumuwas ng Maynila at pumunta sa pinakamalaking mall na naroon.

Sabik na sabik si Yassi, unang beses niya kasing makakaluwas sa Maynila. Nang makarating doon, labis na lamang ang kaniyang saya nang makita ang naturang mall, marami kasing pwedeng kainan dito, ang gaganda ng mga paninda at kahit saan ka mapalingon, foreigner ang maaari mong makita.

‘Ika niya sa sarili, “Siguro, kung wala pa akong anak, may boyfriend na akong kano o koreano rito,” saka siya bahagyang napangisi ngunit bigla niyang naalala ang kaniyang anak, “Teka, si Angel nga pala may sinat kanina, baka hindi nakapa ni Belle, matawagan nga!” ‘ika niya.

“Hello bunso, pabilhan naman muna ng gamot si Angel, may…” ngunit hindi pa siya tapos sa kaniyang sinasabi, pinutol na siya ng kaniyang kapatid. “Ate! Nasaan ka ba? Andito kami sa ospital ngayon! ‘Yung anak mo ate, nasa peligro!” mangiyakngiyak na sambit nito. Nagmadali siyang umuwi, pigil-pigil ang iyak habang nagdadasal.

Isang oras ang nakalipas, nakarating na siya ng ospital. Nadatnan niyang pinupunasan ng bimpo ni Belle ang kaniyang anak. Agad niyang niyakap ang bata, halos maiyak sa pasasalamat na ayos lamang ito. Doon niya nalamang may dengue pala ang kaniyang anak at muntik na itong mawalan ng buhay kanina dahil sa pagbaba ng platelets nito. Buti na lamang naturukan agad ito ng doktor.

Halos manghina si Yassi sa mga narinig. Doon niya napagtantong tila napabayaan niya pala talaga ang tanging yamang mayroon siya. Iyak lamang siya nang iyak dahil sa sinapit ng anak. Bigla naman siyang niyakap ng kaniyang kapatid, dahilang para makapagpasalamat na rin siya dito.

Isang linggo lamang ang lumipas, nakalabas na ng ospital ang bata. Simula noong araw na ‘yon, hindi na muling gumimik ang babae at mas pinagtuunan na ng pansin ang anak. ‘Ika niya, “Hindi na ako dalaga para laging kasama ng tropa, may anak na akong mas nangangailangan sa akin,” saka niyakap ang kaniyang anak. Nakangiti naman siyang pinagmamasdan ng kaniyang kapatid, sa isip isip nito, “Sa wakas, natuto na ang ate ko.”

Minsan talaga kung hindi pa muntikang mawawala ang isang tao, hindi natin mapapagtanto ang halaga nito. Huwag nating hintayin na mawala pa ito nang tuluyan. Bigyang pansin natin ang mga mahal natin sa buhay hangga’t may pagkakataon pa.

Advertisement