“Amy, tingnan mo yung babae oh. Nasa loob na ng gusali, naka-shades pa!” patawa-tawang sambit ni Judy sa kaibigan habang hinihintay nila ang oras ng kanilang interview.
“Bulag ata ‘yan, eh. Tingnan mo, may tungkod pa, parang siraulo ulong kakapa-kapa sa sahig!” tugon naman ni Amy saka humagalpak ng tawa.
“Naku, edi sana tanggalin na niya yung salamin niya, wala rin naman siyang nakikita, eh,” sagot pa ng dalaga dahilan upang lalo silang magtawanan. Halos lahat na ng aplikante ay nakatingin sa kanilang dalawa. Nang mapansin nila ito, agad silang tumahimik.
Parehas nakapagtapos sa kursong Tourism Management ang dalawang dalaga. Bata pa lamang, nais na talaga nilang maging isang ganap na flight attendant. Bukod kasi sa malaki ang kita dito, iba’t-ibang lugar pa ang maaaring mapuntahan.
Ginawa ng dalawa ang lahat upang makapagtapos lamang sa kolehiyo. Sa tuwing may tour sila o kailangan nilang lumuwas ng Maynila, nagbebenta sila ng mga graham balls sa school para lamang may pambayad sila. Ngunit kahit pa labis ang kanilang pagpupursigi, may kalokohan ding taglay ang dalawa.
Sa katunayan nga, palagi nilang tinatawag na “Choco na batok” ang guard sa kanilang paaralan. May kaitiman kasi ito at medyo mataba. Lagi nila itong pinagtatawanan kahit pa suki nila ito tuwing nagtitinda sila.
Sa kabutihang palad naman, kahit pa ganoon ang kanilang ugali, nagawa nilang makapagtapos ng kolehiyo at sakto namang naghahanap na ng bagong mga aplikante ang isang sikat na airlines sa Maynila.
Maya-maya pa, naupo sa kanilang tabi ang bulag na pinagtatawanan nila dahilan upang usisain nila ito.
“Mag-aapply ka rin dito?” tanong ni Amy.
“Ah, eh, oo sana,” kamot-ulong tugon ng bulag na dalaga nagtawanan naman muli ang magkaibigan.
“Si- sigurado ka?” tanong ni Judy habang humagalpak ng tawa dahilan upang sawayin siya ng babaeng katabi niya.
“Miss, hindi na tama yung ginagawa niyo,” saway ng isang aplikante ngunit hindi ito inintindi ng magkaibigan bagkus nagpatuloy sila sa pang-uusisa sa bulag na dalaga.
“Baka hindi mo alam ang inaapplyan mo, ha? Pila ito ng mga gustong mag-flight attendant, paano ka magiging flight attendant kung bulag ka? Ano ‘yon, kakapain mo lahat ng pasahero?” tawang-tawang ika ni Amy, halos hindi na makahinga sa katatawa ang magkaibigan.
“Oo, alam ko. Pangarap ko talagang maging stewardess, eh. Susubok lang naman ako. Ayos lang kung hindi ako makuha, ang mahalaga, sinubukan kong abutin ang pangarap ko kahit pa may kapansanan ako,” nakangiting sagot nito.
“Nakakaantig ng puso, halika, interbyuhin na kita,” ‘ika ng dalagang sumaway sa kanilang dalawa kanina, halos manlaki ang mga mata ng magkaibigan dahil sa narinig.
“Sa-saglit, kayo po ang mag-iinterbyu sa amin? Eh, bakit po kayo nakapila rito?” hindi makapaniwalang tanong ni Amy, magkahalong kaba at kahihiyan ang kaniyang nararamdaman.
“Upang obserbahan ang paunang pagsusulit ng bawat aplikante. Kung paano kayo makitungo sa iba’t-ibang klase ng tao. Simulan niyo nang manalangin, unang pagsusulit pa lamang, bagsak na kayo,” nakangising sambit nito saka inalalayang makatayo ang bulag na dalaga at pinapasok ito sa silid kung saan sila iinterbyuhin.
Ganon na lamang ang kahihiyang nararamdaman ng dalawang dalaga. Nagsimula na kasi silang pag-usapan ng iba pang aplikante.
Mangiyakngiyak silang naghintay doon at halos tawagin na lahat ng santo upang magkaroon lamang ng milagrong makapasa sila. “Pinaghirapan natin ‘to Judy, bakit natin hinayaang mabalewala lahat ng paghihirap natin? Nandito na tayo, o! Ngayon pa tayo tinablan ng karma!” mangiyakngiyak na bulong ni Amy habang pinapadyak-padyak ang kaniyang mga paa, napabuntong hininga lamang ang dalaga at napatungo sa kahihiyan.
Ilang oras ang nakalipas, sila na ang sasalang sa interbyu. Kabadong pumasok sa silid ang magkaibigan. Nagulat silang nandoon pa rin ang bulag na dalaga dahilan upang mas lalo silang kabahan.
“Papakinggan niya ang interbyu niyo, at kung mas magaling siyang magpaliwanag sa ingles kaysa sa inyo, pasensya na kayo, bumalik na lang kayo sa susunod na taon,” sambit ng dalaga.
Halos mangatal ang tuhod ng dalawa sa kaba dahilan upang magkagulo-gulo ang kanilang paliwanag sa interbyu. Napataas na lamang ang kilay ng dalaga saka sila pinalabas. Ngunit lumuhod at nagmakaawa ang mga ito habang umiiyak.
“Pasensya na kayo, kung gusto niyo talagang maging isang ganap na flight attendant, ayusin niyo ang ugali niyo. Hindi ko man maipasa ang dalagang ito, bibigyan ko siya ng trabaho sa airport kung saan magsasalita lamang siya nang magsasalita. Marunong kasi siyang makibagay at makaramdam, hindi katulad niyo,” ‘ika nito saka tuluyan silang pinaalis sa silid.
Umuwing luhaan ang dalawa. Doon nila napagtantong mali ang kanilang ginagawa at imbes na sumuko sa kanilang pangarap, inayos nila ang kanilang pag-uugali’t pakikisama sa ibang tao.
Isang taon ang lumipas, muling sumubok ang magkaibigan. Doble ingat sila sa bawat salitang sinasabi at aksyong kanilang ginagawa, lalo’t higit buong puso nilang sinagot ang mga tanong sa interbyu. At sa wakas, natanggap na sila.
Labis ang saya ng magkaibigan lalo na nang makitang nakangiti na sa kanila ang dalagang nag-ingerbyu sa kanila noong una. Mangiyakngiyak sila sa tuwang nararamdaman at doon nila pinangako sa sariling hindi na muling mang-aagrabyado ng kapwa.
May pagkakataon talagang ibabagsak tayo ng tadhana upang matuto. Ngunit huwag kang mawalan ng pag-asa, isa ito sa mga prosesong dapat mong pagdaanan na makakapagpatibay sa buo mong pagkatao.