Malabo na ang mga mata ni Mang Pilo dahil sa katarata ngunit hindi nito mapipigilan ang matanda sa pagtitinda ng nilagang saging at mani. Araw-araw ay matatagpuan ang matanda sa kaniyang puwesto sa isang gilid ng kalsada malapit sa isang eskwelahan. Nakalatag sa isang maliit na lamesa ang kaniyang mga paninda. Masaya niyang iniaalok ang mga ito sa mga nagdaraan.
“Bili na kayo ng nilagang saging at mani. Bagong luto, mainit-init pa,” wika nito.
“Pagbilan nga po ng isang nilagang saging at sampung pisong nilagang mani, Mang Pilo,” sambit ng isang ginang na inihahatid ang kaniyang anak sa paaralan.
“Dahil suki kita, dadagdagan ko ang mani na binili mo,” nakangiting wika ni Mang Pilo.
“Ito naman para sa iyo, hijo. Isang nilagang saging. Baunin mo ito sa eskwela. Masustansiya ito at mainam sa kalusugan,” saad ng matanda.
“Mang Pilo, ito po ang bayad namin,” wika ng babae.
“Magkano ba iyang pera mo? Hindi ko na kasi masiyadong maaninagan,” tanong ni Mang Pilo.
“Isang daang piso po,” tugon naman ng ale. Kinuha ito ni Mang Pilo at isinilid sa kanilang maliit na bag. Marahan siyang nagbilang ng sukli at iniabot sa ale.
“Dapat po ay may katulong kayo rito, Mang Pilo. Baka kasi isang araw ay sobra ang maisukli sa inyo at malugi ang tindahan ninyo,” payo ng ginang.
“Tama ka riyan. Ngunit wala na akong kasama sa bahay. Nag-iisa na lamang ako sa buhay. Matagal nang namayapa ang aking asawa. Hindi na kami nagkaanak pa. Kaya mag-isa ko na lamang itinataguyod ang aking sarili,” sambit ng matanada. “Kaya lubusan ang pasasalamat ko sa mga tapat na taong tulad mo. Pinapanalangin ko na lamang na iiwas ako sa mga mapanlamang na tao,” wika ni Mang Pilo.
Sa araw-araw na pagtitinda ni Mang Pilo ay ganito ang nagiging eksena. Dahil kabisado na siya ng kaniyang mga suki ay alam na nila ang gagawin kung sila ay bibili sa matanda. Isang araw ay may isang lalaki ang lumapit sa puwesto ng matanda.
“Magkano ho itong nilagang saging?” sambit ng lalaki.
“Anim na piso ang isa, hijo. Ito namang mani ay sampung piso ang isang takal,” wika niya.
“Maaari n’yo ba akong bigyan ng anim na saging at tatlong takal na mani,” sambit ng lalaki.
Malugod na inihanda ni Mang Pilo ang binibili ng lalaki. Nang magbabayad na ito ay tinanong niya sa lalaki kung magkano ang dala nitong pera.
“Magkano ang pera mo, iho?” tanong ni Mang Pilo.
“Pasensiya na po kayo at isang libo ito. Wala po akong barya. Pero nagugutom na po kasi ako at nais ko ng nilagang saging,” paliwanag ng lalaki.
“Huwag kang mag-aalala, hijo. May ipapanukli ako riyan,” tugon naman ng matanda.
Dahan-dahan niyang inaninagan ang kaniyang mga pera upang masuklian ang lalaki. Ngunit sa kasamaang palad ay hindi pala ibinigay ng lalaki ang bayad nito. Natangay niya ang ilang paninda ni Mang Pilo pati na rin ang kinita nito.
Dahil sa hinagpis ay napaluha na lamang si Mang Pilo sapagkat ang pera palang kaniyang iniipon ay pambili niya ng kaniyang pagkain at gamot sa susunod na linggo.
Nagtumpukan ang mga tao at inalam ang nangyari sa matanda. Ang iba pa ay kinuhaan siya ng litrato. Isang babae ang biglang lumapit sa ginoo.
“Tatay Pilo? Kayo na po ba iyan?” wika ng babae. “Si Leslie po ito, natatandaan ninyo pa po ba ako?” sambit niya.
“Leslie? Ikaw na ba ‘yan, hija? Sayang naman at malabo ang mga mata ko at hindi ko makikita ng malinaw ang maganda mong mukha,” wika ni Mang Pilo habang pinupunsan ang kaniyang mga luha.
“Sabi ko na po ay dito ko lamang kayo makikita, Tatay Pilo. Kababalik ko lamang po galing Amerika. Kayo po agad ang naisip ko na puntahan. Pasensiya na po kung ngayon lamang ako nakapagpakita sa inyo,” nagagalak na wika ng dalaga.
Si Leslie ay dating batang namamalimos lamang sa daan. Minamaltrato ito ng kaniyang ina habang ang kaniyang ama naman ay nap*tay sa isang engkwentro dahil sa ipinagbabawal na gamot. Bata pa lamang ay batak na ang katawan nitong si Leslie sa pagtatrabaho dahil bugbog ang inaabot nito sa kaniyang ina kung walang kita.
Madalas na kumalam ang sikmura ng bata. Sa tuwing nagugutom ito ay ang matandang si Mang Pilo ang kaniyang takbuhan. Nang isang araw na duguan ang bata mula sa panggugulpi ng ina ay si Mang Pilo din ang nagdala sa kaniya sa ospital upang ipagamot. Siya rin ang nagsumbong sa mga pulis sa maling gawain ng ginang. Nang mapunta si Leslie sa pangangalaga ng mga social workers ay naipaampon nila ito sa isang mayamang mag-asawang hindi magkaanak at dinala ito sa Amerika. Doon na nanirahan at nakapag-aral ang dalaga.
“Tatay Pilo, bakit po kayo umiiyak riyan?” pagtataka ng dalaga. “Masama po ba ang pakiramdam ninyo? Masaya po ako at nagkasama tayong muli,” wika pa ng dalaga.
Inilahad ni Mang Pilo ang nangyaring panlalamang sa kaniya. Nahabag masyado si Leslie sa narining niya sa matanda.
“Ipapahanap ko ang lalaking iyon, Tatay Pilo, huwag kayong mag-alala. Hindi makakaligtas sa akin ang pananalbaheng ginawa niya sa inyo. Ngunit sa ngayon ay maaari ko po ba mahiram ang oras ninyo? Gusto ko po kasi kayong makausap,” wika ni Leslie.
Iniligpit nila ang mesa at paninda ng matanda at nagtungo sila sa tinutuluyang hotel nito. Doon ay naligo ang matanda at nagbihis ng maayos.
Pinakilala ni Leslie sa kaniyang mga kinikilalang magulang ang matanda. Ang akala ni Mang Pilo ay ito lamang ang dahilan ng kanilang pagkikita.
“Tatay Pilo, kung mamarapatin po ninyo ay nais kong ipagamot po ang mga mata ninyo nang sa gayon ay hindi na kayo mahirapan pang makakita,” sambit ng dalaga. Napangiti naman ang matanda. “Saka nais ko rin pong ipaalam sa inyo na gusto ko na po kayong isama pauwi ng amerika,” dagdag pa ng dalaga.
Nagulat ng lubusan si Mang Pilo sa kaniyang narinig.
“Ngunit bakit nais mo namang isama ang isang matandang kagaya ko sa Amerika. Magiging alagain lamang ako sa iyo,” wika naman ng matanda.
“Malaki po ang utang na loob ko sa inyo, Tatay Pilo. Kung hindi po dahil sa inyo ay wala po ako sa kinalalagyan ko ngayon. Isang pasasalamat ko lamang po ito para sa inyo. Sa mga oras po kasi na walang laman ang aking tiyan ay hindi po kayo nagdalawang isip na bigyan ako ng makakain. Mas minahal ninyo ako kaysa sa mga tunay kong magulang,” naiiyak na sambit ng dalaga. “Kaya marapat lamang po na sa inyong pagtanda ay ako naman ang umagapay sa inyo,” dagdag pa niya.
Naluha na lamang si Mang Pilo sa tinuran ng dalaga. Hindi niya akalain na ang simpleng kabutihan niyang iyon na naitanim sa kalooban ng dalaga ay magbubunga.
Pumayag siyang magpagamot at tuluyang dalhin ni Leslie sa Amerika. Doon ay kinupkop siya ni Leslie at itinuring na parte ng kanilang pamilya. Mula noon ay hindi na siya nagtinda pa at nag-enjoy na lamang sa mga nalalabing taon ng kaniyang buhay.