Inday TrendingInday Trending
Ibawas Niyo na Lang sa Sahod Ko

Ibawas Niyo na Lang sa Sahod Ko

“Anak, pasensiya ka na pero kailangan kasi ng pera para sa gamot ng tatay mo. Lumalala na kasi ang ubo niya,” wika ni Aling Telma sa kaniyang anak na si Lando.

“Pasensiya na po kayo, ‘nay at hindi na po kasi ako pinayagan ng amo ko na bumale. Hayaan ninyo kapag natanggap ko na ang sahod ko para ngayong Linggo ay ipapadala ko kaagad sa inyo,” tugon ni Lando.

Panganay sa apat na magkakapatid ang labing siyam na taong gulang na si Lando. Dahil sa hirap ng kanilang buhay sa probinsiya ay minarapat na niyang lumuwas sa Maynila upang maghanap ng trabaho. Dito ay namasukan siya bilang isang helper sa isang malaking karinderya sa China Town. Ang lingguhang sahod niyang pitong daan ang tanging inaasahan ng kaniyang pamilya.

“Lando, tama na iyang pakikipag-usap mo sa telepono. Baka mamaya ay makita ka na naman ni Madam Loyda na nakatengga. Hindi ka na naman noon pasasahurin,” babala ng kaniyang kasamahan sa trabaho na si Pedring.

“Pasensiya ka na, Pedring. Kausap ko kasi ang nanay ko. Hindi ko na alam kung saan kasi ako kukuha ng ipantutustos sa gamot ng tatay ko. Kulang na kulang ang sinsahod ko rito,” sambit niya.

“Habang wala kang nakikitang kapalit ay pagtiyagaan mo na muna dito. Libre naman ang tirahan natin kahit na nagsisiksikan tayo sa kwarto. Saka kahit na tira-tira lang dito ang kinakain natin ay mas mainam na rin iyon kaysa naman sa lansangan tayo pulutin,” sambit ng kaibigan. “O siya, tara na, Lando. Maraming nagahihintay sa ating kostumer,” aya nito.

Malupit ang boss nila Lando kaya naman lahat sila ay ilag dito. Isang daan kada isang araw lamang ang kanilang sahod kahit na bugbog sila sa buong araw na gawain. Ang tanging kinakain lamang nila ay ang natirang sabaw at gulay. Mabilisan pa ito sapagkat nais ng kanilang amo ay bumalik sila agad sa kanilang trabaho. Hindi ito alintana ni Lando sapagkat malaki ang kaniyang pangangailangan. Tama nga naman ang kaniyang kaibigan na mas mabuti na ito kaysa magpagala-gala siya sa lansangan at walang permanenteng ikinabubuhay. Nagtitipid na lamang ang binata upang sa gayon ay buo niyang maipadala ang sahod sa kaniyang pamilya sa probinsya.

Buong gabi na nagtrabaho si Lando na noon ay nakatoka sa paglilinis ng karinderya. Halos umagahin na ito sa kaniyang ginagawa. Nang makakain ay bahagyang inantok si Lando ngunit hindi niya alam kung paano siya sandaling makakapagpahinga. Saka naman siya nakita ng kaniyang amo.

“Anong ginagawa mo riyan?” sambit ng amo kay Lando. “Hindi ba tapos na ang oras ng pahinga mo? Bakit nakatunganga ka pa riyan,” sigaw niya sa binata.

“Pasensiya na po,” paumanhin naman nito.

“Sa susunod na makikita kitang walang ginagawa ay dadagdagan ko ang araw ng paglilinis mo dito sa karinderya ko,” pananakot ng ale.

Agad namang kumilos si Lando at inasikaso ang mga order ng kostomer. Kahit pagod na ay hindi pa rin niya magawang magpahinga sandali sapagkat baka mamaya ay mapag-initan na naman siya ng kaniyang amo.

Isang hapon ay may isang matandang lalaki ang tumuloy sa kanilang karinderya. Madungis ito at halatang ilang araw nang hindi naliligo. Bukod pa roon ay iba ang ikinikilos nito.

“Ginoo, pasensiya na po at bawal kayo rito,” sambit ni Pedring. Ngunit hindi nagpatinag ang matanda bagkus ay umorder pa ito ng kaniyang kakainin.

“Mayaman ako! Marami akong pera! Gusto kong kumain kaya akin na ang menu!” sambit ng lalaki.

“Pare, baka naman pwedeng tulungan mo akong paalisin ang matandang iyon. Nagpupumilit na kakain daw siya. Kaso kapag nakita ng amo natin na nagpatuloy tayo ng ganiyan dito ay tayo naman ang malilintikan,” pakiusap ni Pedring kay Lando.

Nang makita ni Lando ang lalaki ay agad itong nahabag. “Hayaan mo na lamang siya, pare. Baka nga wala na siya sa kaniyang katinuan dahil sa gutom. Mamaya pa naman dadating si madam. Hindi na niya maabutan pa ang lalaking ‘yan. Ako na ang bahala,” tugon ni Lando.

“Bahala ka, Lando. Labas ako riyan, ah,” sambit ng kaibigan.

Nilapitan ni Lando ang matanda at kaniyang inalok. “Huwag kang mag-alala, hijo, at magbabayad ako,” sambit nito. “Bigyan mo nga ako ng isang kanin, isang order ng menudo at tapa. Samahan mo na rin ng malamig na juice at isang mangkok ng mainit na sabaw,” wika niya.

Agad naman itong ibinigay ng binata. Nang matapos kumain ay hiningi ng kahera ang kaniyang bayad ngunit nag-abot lamang ito ng papel. “Ilista mo muna rito. Kapag nakauwi na ako ay babalik ako dito at babayaran kong lahat ng ito. Pangako, mayaman ako at marami akong pera,” sambit ng matanda.

Nagalit ang kahera at tumayo ito. “Hindi ho kami nakikipaglokohan sa inyo. Kailangan ninyong bayaran ang lahat ng nakain nyo!” paninigaw ng kahera. “Sino ba ang nagpakain sa baliw na ito. Isusumbong ko ito sa ating amo!” wika pa niya.

“Ginoo, umalis na po kayo. Ako na po ang bahala rito,” sambit ni Lando habang inaakay niyang palabas ng karinderya ang matanda. “Baka kasi maabutan kayo ng amo ko at ipakulong pa kayo. Kaya mabuti pong umalis na kayo agad,” sambit niya.

“Aalis ako, hijo. Ngunit pakisulat mo muna rito sa papel na ito ang buo mong pangalan,” pagpupumilit ng matanda. Dahil sa pagnanais ni Lando na makaalis agad ang matanda ay agad niyang sinulat ang kaniyang buong pangalan.

Hindi inaasahan ng lahat ang maagang pagbalik ni Madam Loyda sa karinderiya. Agad nitong nakita ang matandang gusgusing pinapaalis ni Lando.

“Anong ginagawa ng pulubing iyan dito? Hindi ba kabilinbilinan ko sa inyo na walang magpapapasok ng ganiyang uri ng tao sa kainan ko?” galit nitong sigaw.

“Ikaw tanda, lumayas ka rito!” halos malatid ang kaniyang litid sa pagsigaw.

Ilang sandali pa ay lumapit biglaang kahera sa amo at isinumbong ang ginawang pagpapakain ni Lando ng walang bayad sa matanda. Lubusang ikinagalit ito ni Madam Loyda.

“Anong tingin mo sa karinderya ko, Lando, isang charity? Hindi ako nagmamagandang loob dito. Negosyo ito! Kung hindi makakapaglabas ng pera ‘yang matandang ‘yan para ibayad sa mga nakain niya ay ipapupulis ko siya. Sa selda siya mabulok at abutan ng kaniyang k*matayan. Kilala mo ako, Lando. Marami akong kapit na pulis,” wika ng nagngangalit na si Madam Loyda.

“Maawa na po kayo sa matandang ito, Madam Loyda. Ako na po ang bahalang sumagot sa lahat ng nakain niya,” wika ni Lando.

“Sige nga, saan ko kukuhain ang bayad sa kinain niyang matandang ‘yan? Ni hindi mo nga mapaghuhugas ng pinggan ‘yang matandang hukluban na ‘yan at baka makabasag pa siya rito!” sigaw muli ng amo.

Kahit na alam ni Lando higit kailanman ay ngayon niya mas kailangan ng salapi dahil sa gamot ng kaniyang ama ay pikit mata na lamang niyang inako ang pagbabayad sa nakain ng matanda. Laking gulat ng lahat ng marinig ang lumabas sa bibig ng binata,

“Iawas ninyo na lang po sa sahod ko ngayong linggo, madam,” sagot ni Lando.

Dahil lubusan ang pagkagahaman ng amo at napahiya sa ginawa ng binata ay pumayag siya ngunit sa isang kundisyon. Ti-triplehin ang presyo ng lahat ng nakain ng matanda. Wala nang nagawa si Lando sapagkat ayaw niyang makitang nasa likod ng kulungan ang matandang pulubi.

Naging mahirap ang buhay ni Lando sa karinderiya. Araw-araw niyang iniisip kung paano pagkakasiyahin ang nakukuha niyang sahod para maipadala sa kaniyang ina at maipagamot ang kaniyang amang may sakit. Ilang buwan ang nakalipas at may dalawang lalaki na naghahanap kay Lando sa labas ng karinderiya.

“Dito po ba nagtatrabaho si Lando Abata?” tanong ng isang lalaki sa amo ni Lando.

“Anong katarant*duhan ang ginawa ng binatang iyon?” agad na tugon ni Madam Loyda.

“Wala naman po. Ngunit kailangan po namin siyang makausap,” wika ng isan pang lalaki.

Agad ipinatawag si Lando upang kausapin ng dalawang lalaki. Nang makarating ito ay agd siyang kinausap ng dalawa.

“Isang linggo ka na rin naming hinahanap. Buti na lamang ay natagpuan ka namin dito,” panimula ng isang lalaki.

“A- ano po ang kailangan ninyo sa akin,” pagtataka ng binata.

“Kami ang anak ni Ginoong Reynaldo Reyes. Ang matandang pinakain mo noon dito sa inyong karinderya. Alam mo bang may sakit na Dementia ang aking ama. Matagal na siyang may sakit na kalimot at ilang araw din siyang nawala sa amin. Nang magbalik ang kaniyang alaala ay laking pasalamat naming nakauwi rin siya sa bahay,” wika ng lalaki.

“Naikwento niya sa amin ang mabuting ginawa mo sa aming ama. Ilang araw na siyang walang kain at gutom na gutom na siya. Dahil wala siyang pera ay hindi niya magawang lamnan ang kaniyang kumakalam na sikmura. Ngunit hindi ka nag-atubili na tulungan siya kahit na ikaw ay walang-wala. Dahil dito ay nais ka niyang pasalamatan,” dagdag pa niya.

“Namayapa na ang aming ama noong nakaraang Linggo at nangako kami na hahanapin ka namin upang ibigay namin sa iyo ito,” dagdag pa niya habang iniaabot ang isang sobre.

Binuksan ito ng binata at dahan-dahang kinuha ang laman. Nang makita niya ay isa itong tseke na nakapangalan sa kaniya. Nagkakahalaga ito ng limang milyong piso.

“Nais niyang ibigay ito sa iyo upang makapagsimula ka sa iyong buhay. Sa tingin ng aming ama ay hindi ka nararapat sa lugar na ito sapagkat ang mabuti mong kalooban ay inilaan sa iyo upang ikaw ang mamuno sa iyong sariling negosyo. Marahil ay sapat na ang halagang iyan upang mamuhay ka ng maluwag. Gamitin mo ang pera na ipinamana ng aming ama sa iyo sa magandang paraan,” dagdag pa nila

Laking gulat ni Lando sa kaniyang nakita at narinig. Hindi niya akalain na sa isang pangyayaring iyon ay magbabago ang kaniyang buhay.

“Napakalaking halaga nito, mga ginoo. Pero ipinapangako ko sa inyo na gagamitin ko itong salapi na ito sa mabuti,” naiiyak niyang pasasalamat.

Ikinagulat din ng lahat na nasa karinderya ang balita. Agad na umalis si Lando at umuwi na ng probinsiya upang ipagamot ang kaniyang ama. Ginamit niya ang pera upang ipagawa niya g aknilang tahanan at magsimula ng isang maliit na manukan at babuyan. Isang karinderya din ang kaniyang binuksan para sa mga taong salat sa buhay.

Dito ay pinapakain niya ang mga pulubing walang mailaman sa kanilang tiyan bilang pagpupugay sa isang matandang lalaking nagpabago ng kaniyang buhay.

Advertisement