“Babe, sabi ko naman sa’yo diba, tigilan mo na yang kakainom mo pagkagaling mo sa trabaho?” narinig niyang sabi ng kanyang nobya, sabay buntong hininga.
“Imbes na magpahinga ka, inuuna mo pa yang pagsama-sama mo sa mga kaibigan mong wala na yatang ibang alam kundi ang lumaklak. Problema mo na ito simula pa nung isang taon,” pagpapatuloy pa ng kanyang nobya.
Naiinis na marahang napasabunot si Marion sa kanyang buhok. “Babe, saglit lang naman ako. Naglilibang lang ako kasi masyadong nakaka-pressure sa opisina ngayon,” pigil ang inis na sagot ni Marion sa nobya.
“Mar, wala namang kaso sa akin ‘yan. Ang ayoko ay ang pagmamaneho mo nang nakainom. Paano kung mapahamak ka? Grabe naman yang mga kaibigan mo, parang walang pakialam sayo!” mataas na ang boses ng nobya sa huli nitong sinabi.
Tila doon napatid ang pasensiya ng binata. Kuyom ang kamao, halos madurog nito ang tangang cellphone na nakatapat sa kanan nitong tainga. Sa mariin na boses, sinabi ng binata ang bagay na matagal na niyang napapansin sa kasintahan.
“O e ‘di lumabas din ang totoo! Ayaw mo lang talaga sa mga kaibigan ko, May!”
Ilang segundong namayani ang katahimikan sa kabilang linya.
“Sa dami ng sinabi ko, ‘yan talaga ang nakuha mo? ‘Wag mo akong sunduin, ayaw kitang makita,” matabang ang tono na saad nito, at tuluyan nang nawala sa kabilang linya.
Inis na nasipa ni Marion ang basurahan na nasa tapat niya.
Pumasok siyang muli sa bar na pinaggalingan. Nawala na siya sa mood, at magpapalam na siya sa kanyang mga kaibigan.
“Mga pare, alis na ako. Maaga pa ang pasok ko bukas,” paalam niya sa mga kabarkada.
Napuno ng kantiyawan ang kanilang mesa.
“Naku, pare! Under de saya ka talaga ni May!” humahalakhak na sabi ng kaibigan niyang si Jon.
Umahon na naman ang iritasyong naramdaman para sa kasintahan.
“Masyado kasing matuwid ‘yan si May, pare. Wala naman problema dun, kaso minsan ay sumosobra siya sa paghihigpit sa’yo. Hindi ka ba nasasakal?” seryosong tanong naman ni Ken.
Kahit naiinis sa kasintahan ay pinili niya pa ring ipagtanggol ito dahil alam niya naman na hindi din biro ang pag-aalala na nararamdaman nito sa tuwing nagmamaneho siya nang nakainom.
Alam niya yun dahil laging sinasabi iyon ng nobya sa kanya.
“Hindi, pare, ayaw niya lang na nagmamaneho ako ng lasing,” may hilaw na ngiti, na bahagyang naging ngiwi, sa kanyang mga labi.
“Pare, kung p*tay, e ‘di p*tay! Masyado kayong seryoso!” sabat ni JR, ang pinakapasaway sa kanilang magkakaibigan, sabay halakhak. Mukha itong lasing na lasing na.
Hindi na lamang sumagot si Marion dahil hindi siya sang-ayon sa sinabi ni JR. Alam niyang mahalaga ang buhay kaya kailangan niyang mag-ingat. At kailangan niyang ingatan ang buhay ng iba.
Naalala niya ang kasintahan. Unti unti niyang naunawaan ang pinag-aalala nito sa kanya.
Habang papalabas ng nasabing bar ay laman ng isipan ni Marion ang pag-uusap nila ng kasintahan.
Nakokonsensiya si Marion sa inasta niya sa kasintahan. Kaya naman kahit na sinabi ng kanyang nobya na hindi siya nito gustong makita ay dumaan siya sa paborito nitong kapehan at ibinili niya ito ng kape bilang peace offering.
Susurpresahin niya ito at manghihingi siya ng sorry. Napangiti siya nang maisip ang magiging reaksyon nito. Mahilig kasi ito sa surpresa.
Mabuti ay dumaan siya upang bumili ng kape hindi lang para sa nobya, kundi para sa sarili na rin. Nakakaramdam na kasi siya ng kaunting antok.
Siguro dahil nakainom ako ng kaunti, sa isip-isip niya habang nagmamaneho. Ilang kilometro na lamang ang layo ng kanyang sasakyan mula sa opisina ng nobya.
Saglit niyang inalis ang tingin sa kalsada upang subukang tawagan ang nobya subalit ganun na lamang ang kanyang gulat nang may maramdaman siyang isang malakas na pagbangga sa kanyang sasakyan.
Saglit siyang natulala nang mapagtanto na may nasagasaan ang kanyang sasakyan. Agaran siyang huminto at sa nanginig na kamay ay binuksan niya ang pinto ng kanyang sasakyan.
Dahan dahan siyang lumapit sa bulto na nakahiga malapit sa kanyang sasakyan. Bukas ang kanyang headlights kaya naman malaya niyang naaaninag ang bulto ng babaeng nasagasaan niya.
“Miss?” tawag niya dito, tinitignan kung may malay ito.
Umungol lamang ito.
Tinakbo niya ang distansya nila ng babae nang malaman niyang may malay ito. Maingat niya itong binuhat upang isakay sa kanyang ospital at dalhin sa ospital.
Ngunit tila gustong tumakas ng kanyang bait nang makilala ang babae.
“May!”
Hindi malinaw kay Marion kung paano sila nakarating sa ospital. Ang naaalala niya lang ay ang buong pagkasindak niyang pagsigaw at paghingi ng tulong nang mapagtanto na ang kanyang nasagasaan ay ang kanyang pinakamamahal na nobya.
Kasalukuyan siyang naghihintay ng balita mula sa doktor na nag-oopera sa kanyang nobya.
Pinalis ni Marion ang panibagong luha na tumakas mula sa kanyang mata nang makita ang paglabas ng doktor mula sa operating room. Agad siyang tumayo upang usisain ito.
“Nasaan ang pamilya ng pasyente?” tanong ng doktor.
“Ako ho. Girlfriend ko ho ang pasyente,” agaran niyang pagpapakilala.
“Ang sabi mo kanina ay ikaw ang nakasagasa sa pasyente?” tila naguluhan ang doktor sa sinabi niya.
“Ako nga ho,” tila may bikig sa kanyang lalamunan nang sabihin niya ang mga katagang iyon.
Tila nakakaunawa namang tumango-tango ang doktor nang mainitindihan ang sitwasyon.
“Ligtas na ang pasyente mula sa panganib. Hindi naman malubha ang kanyang naging lagay. Maari na siyang ilipat sa recovery room,” may bahagyang ngiti sa labi nito.
Sinipat nito ang itsura niya.
“Hijo, sa tingin ko ay kailangan mo din magamot. May sugat ka sa ulo, marahil ay dala ng impact ng pagtama ng sasakyan sa biktima…”
Unti-unting humihina ang naririnig ni Marion at unti-unting na ring bumibigat ang talukap ng kanyang mata. Pumikit siya at tuluyan nang nilamon ng kadiliman.
Nagising si Marion nang maramdaman ang mabining haplos sa kanyang mga pisngi. Nang kilalanin niya ang may-ari kamay ay ganun na lamang ang panlalaki ng kanyang mga mata nang makita ang nakangiti at maamong mukha ng kanyang nobya.
Ilang segundo lang matapos makita ang nobya sa maayos na kalagayan ay nag-unahan na sa pagpatak ang luha ni Marion. Hindi niya napigilan ang sarili at tuluyan nang humagulhol.
“Babe…” malambing na tawag ng nobya.
Sige pa din sa pag-iyak si Marion.
Natatawang hinaplos ng babae ang buhok ng kasintahan.
“Babe, ayos lang naman ako. ‘Wag ka nang mag-alala, okay?” pagpapakalma nito sa nobyong tila paslit na inagawan ng kendi.
Tumayo ang lalaki mula sa pagkakahiga at lumuhod sa harapan ni May na nakaupo sa wheelchair. Mahigpit nitong niyakap ang nobya.
“Takot na takot ako. Akala ko mawawala ka sa akin…” naramdaman ni May ang muling pagtulo ng mainit na luha ng nobyo sa kanyang mga balikat.
Mahinang natawa ang babae sa sinabi ng nobyo.
“Alam ko. Kaya nga pinuntahan agad kita nang magkamalay ako dahil ayaw kong sisihin mo ang sarili mo. Alam ko naman na hindi mo gugustuhing makasakit,” hinaplos niya ang likod ng nobyo.
“Sorry, babe…” muli na naman niyang naramdaman ang pag-alog ng balikat ng nobyo, tanda ng muli nitong pag-iyak.
Nang kumalas sa pagkakayakap ang nobyo ay biniro niya ito at tinignan nang matalim. “Ano, iinom ka pa?!”
Mabilis ang naging pag-iling ng lalaki. “Hinding hindi na ako titikim ng alak!”
“Mabuti naman,” bumalik sa pagiging malambing ang tono ng babae.
Nagyakap muli ang dalawa, at ipinangako nga ng lalaki na hinding-hindi na siya iinom ng alak upang maiwasan ang kahit na anong disgrasyang kaakibat nito.