Inday TrendingInday Trending
Pagbagtas Sa Ating Mga Pangarap

Pagbagtas Sa Ating Mga Pangarap

“Boy, gising na. Gising na…”

Inalog-alog ni Teroy ang kaniyang kapatid na si Boy. Himbing na himbing pa kasi ito sa pagtulog. Ni hindi na yata nakapaghilamos at nakapagpalit ng damit dahil napagod marahil sa paghuhugas ng malalaking kaserola at kawaling ginamit sa pagluluto ng kanilang Tiya Indang.

Umingit lamang si Boy na walong taong gulang lamang.

“Mahuhuli tayo. Bangon na.”

Pupungas-pungas na bumangon na nga si Boy mula sa kartong kanilang hinihigaan. Nauna na palang naligo si Teroy na labindalawang taong gulang naman. Nakapaglaga na rin ito ng itlog at nakapagtimpla ng gatas.

Matapos makapagsuot ng kaniyang lumang uniporme, handa nang pumasok sa paaralan ang magkapatid. Grade 3 si Boy samantalang Grade 6 naman si Teroy. Ulilang lubos na silang magkapatid kaya nasa ilalim sila ng pangangalaga, kung alaga man ang tawag dito, ng kanilang tiyahin na kapatid ng kanilang nanay. Pumayag ito na kupkupin sila kapalit ang pagtatrabaho nila sa bahay nito bilang mga utusan. Hindi rin maganda ang trato sa kanila ng mga pinsan. Para silang tinatratong mga busabos at hindi kaanak. Bago umalis, nagpaalam muna si Teroy sa kaniyang tiyahin.

“Tiya, alis na po kami ni Boy,” ilang na paalam ni Teroy sa masungit na tiyahin.

“Sige. Bilisan ninyo umuwi. Pagkagaling sa school umuwi na kaagad kayo’t maraming gagawin. Huwag na kayo maglakwatsa.”

Nilalakad lamang nina Teroy at Boy ang kanilang paaralan. Hindi sila binibigyan ng baon ng kanilang tiyahin. Binibigyan bigyan sila nito ng pera ngunit hindi sapat iyon para magamit nila sa kanilang pamasahe dahil madalang din ang dumaraang traysikel o dyip sa kanilang bayan. Halos isang oras din ang kanilang nilalakad makarating lamang sa paaralan.

Wala silang magawa kundi maglakad. 30 minuto rito ay kailangan nilang manulay sa isang pilapil na nasa bukid. Pagkatapos nito, kailangan nilang tawirin ang isang ilog sa pamamagitan ng salbabida. Ganito ang kalakaran ng mga mag aaral sa kanilang nayon makarating lamang sa paaralan. Ganito rin ang kanilang pinagdaraanan kapag pauwi na.

Pagkauwi naman galing sa paaralan, wala na silang panahon para makapag-aral pa dahil sabak kaagad sila sa mga gawaing bahay, depende sa kung ano ang ipag-uutos ng kanilang Tiya Indang o mga pinsan nila.

Habang naglalakad papasok, tinanong ni Boy ang kuya.

“Kuya hanggang kailan ba tayo ganito?”

Inakbayan ni Teroy ang kaniyang kapatid. “Huwag kang mag alala, Boy. Darating din ang panahon na makakaahon tayo sa hirap. Mabibili rin natin ang mga laruang gusto natin. Tapos lagi tayong kakain ng masarap.”

“Talaga kuya? Kailan kaya? Gusto kong maranasan yung nakikita ko malapit sa bayan na restawrang dinarayo, yung galing sa Korea, yung lulutuin natin yung kakainin natin,” tila kumislap ang mga mata ni Boy.

“Samgyeopsal ang tawag doon. Oo naman. Malapit na. Basta mag-aral tayong mabuti para kapag nakatapos tayo may maganda tayong trabaho,” paalala ni Teroy sa kaniyang kapatid.

Isang araw, hindi nakapasok si Teroy dahil masama ang kaniyang pakiramdam. Napuyat kasi siya sa paglalaba at pamamalantsa ng mga damit ng kaniyang mga pinsan, gayundin sa paglilinis ng kural ng kanilang mga alagang baboy.

“Kuya, hindi ako pwedeng umabsent. Magagalit si ma’am. May pagsusulit kami,” nag-aalalang sabi ni Boy sa kuya.

“Ganoon ba, sige babangon na ako…”

“Huwag na, kuya. Magpahinga ka na lang. Papasok ako. Kaya ko naman eh. Sasabay na lang ako sa ibang mga bata lalo na sa pagtawid sa ilog,” untag ni Boy. Isinukbit na nito ang lumang bag. Pursigidong pumasok.

“Sigurado ka ah? Mag-iingat ka,” pagpayag ni Teroy. Sanay naman ang kaniyang kapatid sa pagsakay sa salbabida.

“Bye kuya, pagaling ka. I love you!” pamamaalam ni Boy. Ngumiti ito nang ubod tamis sa kapatid. Nangako ito na bibilhan niya si Teroy ng santol na may bagoong na nabibili sa labas ng kanilang paaralan.

Hindi namalayan ni Teroy ang oras. Mabuti naman at nagkaroon ng kaunting puso ang kaniyang tiyahin nang malaman nitong masama ang kaniyang pakiramdam. Hinayaan siyang magpahinga nito kaya natulog lamang si Teroy. Hapon na nang siya ay magising. Nagtaka siya kung dumating na ba si Boy.

Hinanap niya si Boy sa kusina kung saan lagi itong nakatokang maghugas. Wala. Hinanap niya sa iba pang sulok ng bahay ang kapatid. Napansin siya ng tiyahin.

“Magaling ka na ba? Aba, tambak na ang mga pinagkainan. Maghugas ka na. Wala pa si Boy. Baka naglakwatsa na naman,” matabang na sabi ni Tiya Indang.

Nakaramdam ng pag-aalala si Teroy. Hindi ugali ni Boy ang maglakwatsa dahil dumidiretso kaagad sila ng pag-uwi pagkagaling sa paaralan.

Nang gabi pa rin at wala pa rin si Boy, labis na ang pag-aalala ni Teroy. Minabuti niyang hanapin ito. Sinagupa ni Teroy ang dilim ng gabi mahanap lamang ang kapatid. Pinuntahan niya ang baybay ng ilog kung saan sila tumatawid. Wala rin siyang Boy na nakita. Walang makapagsabi kung nasaan ito dahil madalang ang tao sa mga daang binabagtas nila papasok sa paaralan.

Umuwing luhaan at lulugo-lugo si Teroy. Sinabi niya kay Tiya Indang na nawawala si Boy. Tila hindi yata ito nakaramdam ng pag-aalala. Sinisi pa ang kapatid. Baka bulakbol daw. Manang-mana raw sa kanilang ama.

Walang nagawa si Teroy kundi mahiga at palipasin ang gabi. Bukas na bukas din ay hahanapin ni Teroy ang kapatid sa paaralan. Nakatulog siyang hilam ang mga mata sa luha.

Sa panaginip, nakita niya ang kaniyang kapatid na tumatakbo. Hinabol niya ito. Subalit lubhang matulin ang pagtakbo ni Boy. Humahalakhak sila. Binilisan pang lalo ni Teroy ang paghabol sa kapatid ngunit bigla itong naglaho sa kaniyang paningin.

“Boy? Boy?”

Hanggang sa narinig niya ang sumasaklolong tinig ni Boy: nasa ilog ito, kumakawag, humihingi ng tulong.

“Kuyaaaaa!!!!”

Kitang-kita ni Teroy na tinangay ng rumaragasang agos ng ilog ang kaniyang kapatid.

“Boy!!!!”

Bumalikwas ng bangon si Teroy. Panaginip lamang pala ang lahat. Isa itong bangungot.

Kinabukasan, maagang pumasok si Teroy upang tanungin ang guro at mga kaklase ni Boy kung pumasok ito kahapon. Iisa ang sagot ng lahat: hindi ito pumasok sa eskwela. Labis na nag-alala si Teroy. Baka totoo ang sinasabi ng kaniyang panaginip. Baka tinangay ng agos sa ilog si Boy nang mag isa itong pumasok. Baka… Baka…

“Kuya!”

Napalingon si Teroy sa pamilyar na tinig. Walang iba kundi kay Boy! Agad na sinalubong ni Teroy si Boy at niyakap ito. Mahigpit na yakap. Hindi napigilan ni Teroy ang pagdaloy ng mga luha sa kaniyang mga mata.

“Saan ka ba galing bata ka? Akala ko’y kung napaano ka na?”

“Kuya, nakita kasi ako ni Tiyo Agustin, naalala mo ba siya?” sabi ni Boy.

Nagtaas ng paningin si Teroy. May kasama pala si Boy. Ang kanilang Tiyo Agustin na isang OFW at kapatid ng kanilang yumaong ama.

“Pasensya na, Teroy. Napasarap kasi kami sa pagkain sa samgyeopsal kaya hindi na siya nakapasok kahapon. Nandito ako para magpaliwanag sa guro niya. Hinahanap ko talaga kayo. Patungo sana ako sa bahay ng tinutuluyan ninyo nang makasalubong ko siya. Ikinuwento na ni Boy sa akin ang lahat. Kaya gusto ko sanang isama na kayo. Sa akin na kayo tumira. Pag aaralin ko kayo,” sabi ni Tiyo Agustin.

Walang nagawa si Tiya Indang nang kunin ni Tiyo Agustin ang dalawang pamangkin, lalo’t pinagbantaan siya nitong kakasuhan dahil sa hindi magandang pagtrato sa dalawa. Isinama na nga ni Tiyo Agustin sa Maynila ang dalawa. Wala pa itong asawa at sariling pamilya. Pinaaral niya ang magkapatid hanggang sa makatapos ang dalawa sa kolehiyo. Naging matagumpay na inhinyero si Teroy habang arkitekto naman si Boy. Nagkaroon din sila ng sarisariling pamilya. Nang makaipon ng sapat na pera bilang puhunan, nagtayo ng negosyo ang magkapatid. Nagpatayo sila ng samgyeopsal-an.

“Naalala mo yung pangako ko sa iyo noong maliit pa tayo? Sabi ko balang araw kakain din tayo ng masasarap. Saka kakain tayo sa samgyeopsal,” paggunita ni Teroy sa nakaraan.

“Oo naman, kuya. At heto na nga. Magsawa tayo sa samgyeopsal,” natatawang sabi naman ni Boy.

Paminsan minsan ay bumabalik sa kanilang nayon ang magkapatid upang tulungan ang mga kagaya nilang bata na patuloy pa ring naglalakad papasok sa paaralan, patuloy na lumalaban at binabagtas ang daan patungo sa kanilang mga pangarap.

Advertisement