Isinandal ni Atty. Isagani Lopez ang kanyang pagal na katawan sa magarbong sofa sa kanyang opisina. Mariin niyang ipinikit ang mga mata.
Nakaidlip nang hindi niya namamalayan ang lalaki sa sofa. Naalimpungatan siya sa pag-iingay ng kaniyang cellphone.
“Boss, may magandang balita ako sayo,” tila excited na bulalas ng lalaki sa kabilang linya.
“Ano ‘yon?” naiinip na usisa niya.
“Boss, nahanap ko na siya!” tukoy nito sa babaeng matagal niya nang pinaghahahanap – si Mildred Marquez.
Napabalikwas ng upo ang abogado. Napangisi. “Sige, i-send mo sa akin lahat ng detalye na nakalap mo tungkol sa kanya, Jim.”
Si Jim ay ang kanyang tapat na tauhan. Ito ang gumagawa ng mga bagay na maari niyang ikasira bilang abogado, o yung tinatawag ng iba na “dirty jobs” – pamba-blackmail, pangha-hack, pambubugbog, pananakot, at kung minsan, pagpat*y.
Ito ang sikreto ng kanyang pagiging tanyag na abogado. Wala pa siyang kaso na natalo, kaya naman pila-pila ang mga gusto siyang kunin bilang abogado.
“Mildred, sabi ko naman sa’yo, hahanapin kita saan mang sulok ng mundo ka magtago,” mala-demonyo ang ngisi ng abogado habang tinitingnan ang impormasyon na ibinigay sa kanya ng tauhan.
Pasipol-sipol pa ang abogado habang nagmamaneho pauwi. Sinasabayan niya ang awiting tinutugtog sa radyo nang maramdaman ang pagtama ng kung ano sa harapan ng kanyang sasakyan.
Bumaba siya at bahagyang nagulat nang makita ang isang batang lalaking naliligo sa sarili nitong dugo. Sa tantiya niya ay mga nasa limang taong gulang lang ito. Mukhang malakas masyado ang pagtama nito sa sasakyan niya.
Saglit niyang nilinga ang paligid. Walang tao. Tinignan niya kung may CCTV, at wala siyang nakita. Dalawang bahay lamang sa hindi kalayuan ang kanyang nakikita.
Bagama’t may nadama na kaunting awa para sa bata, alam niyang magiging kumplikado lang ang lahat para sa kanya kung isusugod niya ang bata sa ospital.
Napapailing na kumuha siya ng tuwalya sa kanyang kotse at pinunasan ang dugo na nagmantsa sa harap ng kanyang kotse.
“Sorry na lang, boy. Nasa maling lugar ka sa maling panahon,” sinulyapan niya muli ang bata bago siya bumalik kanyang sasakyan.
Maya-maya pa ay pinaharurot niya na paalis ang kanyang sasakyan, at iniwan sa daan ang pobreng bata.
Hindi maunawaan ni Isagani ang bigat na nararamdaman sa pag-iwan sa bata, kaya naman makalipas ang labinlimang minuto ay bumalik siya sa pinangyarihan ng aksidente, ngunit wala na doon ang bata.
Sana ay okay ang bata. Natigilan siya sa naisip. Kahit pala ang mga halang ang kaluluwa na kagaya ko ay may konsensiya, sa isip-isip niya.
Dumating na ang araw na pinakahihintay ni Isagani. Ang muling pagkikita nila ni Mildred. Si Mildred ang kaisa-isang babae na minahal ni Isagani. Ito ang kanyang una at huling nobya.
Ngunit iniwan siya nito. Naalala niya pa ang huli nilang pag-uusap, mga limang taon na ang nakararaan.
“Ayoko na, Gani.” Walang mababanaag na emosyon sa mga mata nito.
“Anong ayaw mo na?” asik niya.
“Nasasakal na ako, at natatakot na ako sa mga pinaggagagawa mo!” sigaw nito.
“Parte yun ng trabaho ko!”
“Hindi, Gani, pwede kang magtrabaho ng malinis, pero hindi mo ginagawa,” at tuluyan na itong umalis.
Akala ni Gani ay magpapalamig lang ito ng ulo, ngunit iyon na ang huling beses na nakita niya ang nobya.
Napangiti ng mapait si Isagani. Ayaw ni Mildred na marumi siya magtrabaho kaya siya nito iniwan. Pero kailangan niya ipaalala rito na hinding-hindi ito makakawala mula sa anino niya.
Sa wakas ay narating ni Isagani ang address ni Mildred na ibinigay sa kanya ng tauhan na si Jim. Napahinto siya nang may mapagtanto. Dito rin sa lugar na ito nangyari ang aksidenteng kinasangkutan niya noong isang araw.
Nag-doorbell siya sa isa sa dalawang bahay. Walang nagbubukas ng pinto. Sinubukan niyang magtawag ngunit walang tao.
Kasalukuyang nagpipigil ng iritasyon si Isagani nang dumaan ang kapitbahay ni Mildred.
“Hijo, hinahanap mo ba si Mildred?” usisa nito.
“Ah, oho. Wala ho bang tao sa kanila ngayon?” tanong ni Isagani.
“Naku, walang tao diyan. Nung nakaraan kasi ay na-hit and run ang kanyang anak. Nasa ospital pa sila dahil kritikal ang bata.
Tila nanlaki ang ulo ni Isagani sa narinig.
Una, anak ni Mildred ang nasagasaan ko? Pangalawa, may asawa at anak na siya?
Madaming tanong ang naglalaro sa isip ni Isagani kaya napagdesisyunan niyang puntahan ang mag-ina sa ospital na nabanggit ng kapitbahay.
Mabilis niyang natunton ang kinaroroonan ng mag-ina. Naabutan niya itong masinsinan na kinakausap ng doktor.
Bahagya siyang nagtago upang madinig ang sinasabi ng doktor.
“Misis, maraming dugo ang nawala sa anak mo, at kailangang kailangan niya nang masalinan. Wala sa blood bank dahil rare ang AB negative na blood type. Nasaan ang tatay ng bata?” paliwanag at tanong ng doktor.
May bumundol na kaba sa dibdib ng nakikinig na si Isagani. AB negative ang blood type niya!
Hindi, imposible. Kumbinsi niya sa sarili.
Ngunit ang sumunod na sinabi ni Mildred ang tuluyang wumasak sa mundo niya.
“Naghiwalay na ho kami ng ama niya limang taon na ang nakalilipas,” umiiyak na sagot ni Mildred.
“Kung hindi natin masasalinan ng dugo ang anak mo, ikinalulungkot ko, pero maari siyang mawala sa’yo,” malungkot na sabi ni doktor.
Nanlalambot na napaupo naman sa sahig si Mildred.
Samantala, si Isagani ay tulala sa natuklasan. Hindi matanggap ng kanyang sistema na halos mapat*y niya na ang sarili niyang anak.
Kinatok niya ang opisina ng doktor na nakita niyang kausap ng dating nobya.
“Dok, AB negative ho ang blood type ko, at gusto kong mag-donate ng dugo sa anak ko,” panimula ni Isagani.
Nagmamadali naman tumalima ang doktor at dinala siya sa examination room.
“Dok, sana ho ay maging sikreto ito.”
Nakakaunawang tumango ang doktor.
Gulong-gulo pa rin ang isip ni Isagani nang umalis siya sa ospital. Hindi niya lubos akalain na bibiruin siya ng tadhana ng ganito katindi.
Makalipas ang ilang araw ng pag-iisip, bumalik siya sa ospital upang silipin ang kanyang mag-ina. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang unti-unti nang bumabalik ang sigla ng kanyang anak. Masigla na rin ang mukha ni Mildred.
Hindi alam ni Isagani kung kaya niyang humarap sa kanyang mag-ina matapos ang nagawa niyang kasalanan. Tumalikod na siya at nagsimulang maglakad palabas ng ospital.
Kailangan din ni Isagani ng oras upang mapatawad ang kanyang sarili. Sa ngayon, sisikapin niya na maging mabuting tao na nararapat maging isang padre de pamilya, kahit hindi siya sigurado kung posible pang mangyari iyon. Pangako niya na lamang sa kaniyang sarili, sa tamang panahon kapag tuluyan na siyang nagbago ay babalikan niya ang kaniyang mag-ina upang humingi ng tawad at bumawi sa lahat-lahat ng naging pagkukulang niya.