Inday TrendingInday Trending
Mga Lihim at Hinala

Mga Lihim at Hinala

“Hon, ikaw ba yung gumalaw sa cellphone ko?” tanong ni Allen na bakas ang pagkainis sa tinig.

Saglit itong nilingon ni Lina na noon ay nanonood ng telebisyon sa kanilang sala.

“Oo hon, ginamit ko lang dahil may tiningnan ako sa internet. Lowbatt kasi ang cellphone ko kanina eh,” sagot nito at muling ibinaling ang atensyon sa pinapanood.

“Sana nagpaalam ka muna bago mo pinakialaman.” Nagulat si Lina sa bahagyang pagtaas ng boses nito kaya naman nilingon niya ito, at hindi na rin napigilang magtaas din ng boses.

“Anong problema? Cellphone lang iyon pero nagagalit ka na agad d’yan.” Nawalan na ng gana sa pinapanood si Lina kaya padabog siyang tumayo. Bahagya namang natauhan si Allen at mabilis itong niyakap.

“Pasensya na, hon, sorry. Hindi ko sinasadyang magtaas ng boses,” mabilis na paliwanag ni Allen at hinigpitan pa ang yakap sa kaniya. Mabilis namang lumambot ang puso ni Lina, napapansin din kasi niyang lagi itong pagod at stressed dahil sa trabaho.

“Ewan ko sa’yo. Bitiw nga,” kunwari ay nagtatampong sabi niya. Imbes na bumitiw ay iniharap siya nito at pinisil ang pisngi niya.

“Sorry na nga. Huwag ka nang sumimangot dahil lalong lumilitaw iyang mga wrinkles mo oh,” biro nito upang tuluyang mapangiti ang asawa.

“Hoy mister! Wala pa akong wrinkles ‘no! Mukha nga daw akong teenager kahit na thiry two years old na ako eh. Isa pa, ang mukhang ito ang kinababaliwan mo,” ganting pang-aasar niya rito.

Ganiyan lang talaga silang mag-asawa. Sa loob ng isa’t kalahating taon nilang pagsasama ay marami na silang naging away at tampuhan pero dahil kuhang-kuha na nila ang timpla ng isa’t isa, nagagawa rin agad nilang mag-ayos.

“Asus, nagyabang naman ang misis! Sige na nga, para mapatawad mo na ako ay magsho-shopping tayo ngayon. Okay na?” sambit ni mister kay Lina na ngayon ay halos mapunit na ang labi sa laki ng ngiti.

“Talaga?! Salamat mahal ko! Wala nang bawian yan ha, love you!” sabay yakap dito.

Matapos ang kanilang mumunting eksena ay masayang nagtungo ang dalawa sa kalapit na mall. Sakto din dahil magkikita-kita sila ng mga kaibigan niya ng gabi ding iyon kaya nag-ayos siya ng husto at isinuot ang dress na ibinigay ng asawa, bagay daw iyon sa kaniya kaya nito binili.

Hindi pa siya nakakaupo ay pinagtutukso na agad siya ng mga matatalik na kaibigan.

“Aba Lina, parang paganda ka yata nang paganda ngayon ah! Hiyang sa pag-aasawa ah. Si Allen ba ang dahilan niyan?” pangunguna ni Abi, kaklase niya noon sa kolehiyo.

“Siyempre… hindi ‘no! Maganda talaga ako, ano ba naman kayo,” pabiro niyang sagot na naging sanhi ng halakhakan ng grupo.

“Biro lang, pero oo. Ikaw ba naman ay halos malunod sa pag-ibig, ‘di ka ba naman gaganda ng bongga,” may pagmamalaking dugtong niya.

“Ay ibang level! Ganyan lang sakin ang asawa ko kapag may ginawa siyang kasalanan eh,” hirit naman ni Marissa.

“Ganyan din ang boyfriend ko. Sweet lang kapag alam niyang may atraso siya sa akin, pinagshoshopping pa ko nun bago ko siya nahuling nambababae. Iyon pala ay ginogoyo lang ako para hindi makahalata,” nakataas ang kilay na sawsaw ni Abi.

“Grabe naman sila oh! Sobrang bait kaya ng asawa ko, hindi iyon katulad ng ibang lalaki,” nakangiting sabi ni Lina ngunit sa loob-loob niya ay may natanim na mumunting paghihinala.

“Eto naman, ‘di na mabiro. Matagal tayong ‘di nagkita-kita kaya share lang namin na pareho kaming pinagtaksilan at sawi sa pag-ibig,” mapaklang sabi ni Marissa.

“Walang hiyang ‘yon. Kaya pala ayaw ipahawak sa akin ang cellphone ay dahil may kinakalantaring iba,” pagpapatuloy ni Marissa na mukhang iiyak na.

Dinamayan niya ang dalawang kaibigan sa pagiging bigo ng mga ito. Sa haba ng naging kwentuhan nila ay halos alas-onse na sila natapos. Sigurado siyang tulog na si Allen dahil nagtext ito na nakauwi na ito ng bahay. Malamang ay pagod sa trabaho. Habang nasa biyahe ay naalala niya ang mga sinabi ng kaibigan nang magkwento siya tungkol sa kanila ng nobyo.

“Ano? Hindi niyo pwedeng galawin ang cellphone ng isa’t isa?” gulat na sabi ni Abi.

Ni minsan ay hindi naging issue sa kanila ang bagay na iyon. Maging siya ay ayaw na ginagalaw ang cellphone niya. Dapat ba talaga siyang mag-isip na may itinatago nga si Allen sa kaniya?

Hindi niya gusto ang mga agam-agam na naglalaro sa kaniyang isipan. Marahas niyang inalis ang mga ideyang pumasok sa kaniyang isip. Sigurado siyang tapat si Allen sa kaniya at hindi ito nagloloko kapag nakatalikod siya.

Pag-uwi ng bahay ay dumiretso siya sa kwarto nilang mag-asawa at naabutang tulog na ito. Hawak pa nito ang cellphone at mukhang nakatulugan nito ang pagtetext. Pinigil niya ang panginginig ng kamay at marahang kinuha ang cellphone nito.

“Hindi naman sa walang tiwala, ayoko lang talaga ng ganitong pakiramdam. Walang masama sa ginagawa ko, asawa ako kaya walang problema kung titingnan ko ang cellphone niya,” sa isip isip ni Lina.

Binuksan niya ang messages nito at halos hindi siya makahinga sa nakita. Isang text message mula sa malapit nitong kaibigan na ang sabi,

“Pare, sabihin mo na kasi kay Lina. Mahirap kalabanin mag-isa ang depresyon. Kailangan mong humingi ng propesyonal na tulong para gumaling ka. Maiintindihan ka ng asawa mo.”

Nanlambot ang kaniyang tuhod at tuluyan na siyang napaluhod. Tinadyakan siya ng kaniyang konsensiya sa ginawa niyang panghihinala, tapos heto pala ang totong lihim nito. Walang ibang tumatakbo sa utak niya kung hindi “may sakit siya, may sakit siya pero sinasarili niya lang”, tuluyan na siyang napahagulgol. Nagising sa ingay si Allen at nang makita siya ay natigilan. Sinugod niya ito ng mahigpit na yakap na ikinabigla nito.

“Bakit hindi mo sinabing may sakit ka ha? Alex naman eh,” sinok niya kasabay ng paghikbi. “Hindi biro ang depresyon at alam ko na napakahirap at napakalungkot ng sitwasyong iyon. Oh, Alex, asawa mo ako…” hagulgol ni Lina sa balikat ng asawa.

Doon lang din napansin ni Lina ang sugat-sugat nito sa mga braso. Marahil ay sinasaktan nito ang sarili kapag umaatake ang tusong sakit. Bakit ‘di niya napansin ito noon? Anong klaseng asawa siya? Nadurog ang puso ni Lina sa isiping maraming pagkakataong nahihirapan ito mag-isa.

Naramdaman ni Lina ang pagyugyog ng balikat nito at nang tingnan niya ay umaagos na rin ang luha nito na parang bata. “Baka kasi, baka kasi mahirapan ka lang din. Ayokong mahirapan ka. Hindi ko alam kung paano ipapaliwanag, patawarin mo ko mahal ko…” putol putol na sabi nito dahil sa paghikbi.

“Ssshhh… wala kang kasalanan. Magkakampi tayo sa labang ito. Nandito lang ako sa tabi mo at hinding-hindi kita iiwan,” sabi ni Lina na pilit pinatatag ang tinig.

Matagal nakipaglaban sa depresyon si Alex na bunga pala ng pinaghalo-halong stress at pagod, ngunit unti-unti nitong nalagpasan iyon sa tulong ng pagmamahal ng pamilya at ng kaniyang asawa. Nangako naman ang mag-asawa na iiwasan na nilang maglihim sa isa’t-isa dahil nagsumpaan sila sa harap ng altar na magiging magkasangga sa hirap o ginhawa.

Tuso ang sakit na ito dahil hindi kapansin-pansin lalo na dahil sa ingay ng mundo, kaya naman dapat ay maging mas mabuti at sensitibo tayo sa mga tao sa paligid, lalo na sa pinakamalalapit sa atin.

Advertisement