Tubig, bag, pakete ng mga gamot, extrang damit, handa na ang lahat. Kulang na lamang ay buhatin si Daisy sa sasakyan patungong ospital kung saan regular itong nagpapa-dialysis tatlong beses sa isang linggo dahil sa kidney failure.
“Kung mayroon lamang donor para kay Daisy,” sabi ni Alex na pinipikit-pikit ang mata upang pigilan ang luhang kanina pa gustong tumulo.
Isang taon na rin mula ng ma-diagnose si Daisy ng kidney failure na kinakailangan ng agarang kidney transplant. Mayroon namang perang pampaopera, ngunit walang bato na ipapalit sa kaniya. Araw-araw nasasaksihan ni Daisy kung paano mag-alaga ang kaniyang asawang si Alex. Wala silang anak sa edad na tatlumpu’t walo at apatnapu’t dalawang taong gulang. Parito’t pariyan si Alex na hindi magkandaugaga sa tuwing dadalhin si Daisy sa ospital, dahil anumang oras ay maaari itong atakihin ng heart attack at pagputok ng mga ugat dahil sa dialysis.
Sa bawat pagkakataon, hindi nawalan ng pag-asa si Alex na magiging ayos din ang lahat at babalik ang malusog na pangangatawan ng mahal na asawa. Ngunit si Daisy ay tila ba handa ng sumuko sa kamay ni kamat*yan.
“Ito, ibigay mo sa pamangkin mo Day, tapos ito pakiabot kay manay na naglalaba para sa amin,” bilin dito, bilin doon ang ginagawa bawat araw kay Duday na kanilang kasambahay.
“Kapag naiayos na lahat siguraduhin mo Day na wala ako matitirang gamit sa aparador ha? Ipamigay mo na ‘yong mga bago-bago ko pang mga damit at ibang pang gamit. ‘Yong mga luma naman, itapon mo na. Basta walang matitira,” dagdag na bilin ni Daisy kay Duday.
“Opo, ma’am,” laging tugon ng kasambahay.
Biyernes ng umaga, alas kwatro pa lamang, naalimpungatan si Alex dahil sa isang kalabog. Awtomatikong kinapa niya ang asawa ngunit malamig ang espasyo sa kaniyang tabi. Dali-dali siyang bumangon at tinawag ang pangalan ng asawa.
“Daisy, Daisy, saan ka? Daisy…”
Nang walang sumagot ay bahagya na siyang kinabahan. Pinaulit-ulit ni Alex ang pagtawag at pagdating sa banyo ay laking gulat niya nang tumambad ang katawan ng asawa na nakahandusay sa sahig.
Nataranta si Alex, hindi alam ang gagawin, nagbutil-butil ang pawis sa kaniyang noo at halos mabingi sa lakas ng kabog ng kaniyang dibdib. Mabilis siyang lumuhod sa tabi ng asawa at kinanlong ang ulo nito.
“Daisy, mahal ko, ayos ka lang?” tanong ni Alex. Nang walang imik at tugon ang asawa, lalong kumalabog ang kaniyang dibdib, nanghihina, halos pabulong na lamang na sinabi, “Daisy, mahal, lipat na tayo… doon sa kama.. tulog pa tayo ulit..” at tuluyan na nga siyang lumuha, humagulgol nang mapansing hindi na humihinga ang asawa at wala na rin itong pulso. Wala na ang mahal niyang asawa. Kumapit siya sa pag-asang gagaling pa ito ngunit mali pala siya. Naramdaman niyang unti-unting gumuho ang buong mundo niya ng mga panahong iyon.
Makalipas ang isang buwan mula ng pagpanaw ng mahal na asawa, mapapansin ang malaking kabawasan sa timbang ni Alex. Palaging nakayuko, tahimik, at tila ba parating malalim ang iniisip. Hindi mapakali at palaging wala sa sarili. Ang mga ito’y pansin na pansin ni Duday.
Isang araw, kinausap ni Alex ang kasambahay.
“Duday, handa mo na mga gamit mo, pasensya ka na, baka hindi ko na kailanganin ng kasambahay tutal ako na lang mag-isa ngayon dito sa bahay.”
Muling napaiyak si Alex, ngunit nagpatuloy, “Hanggang sa susunod na buwan, hanap ka muna siguro ng mapagtatrabahuan mo. O kaya’y umuwi ka muna sa inyo sa Ilocos,” mungkahi pa ni Alex.
Malungkot na tinanggap ni Duday ang sinabi ng amo. “Okay po, Ser,” ang tanging nasagot niya.
Nang gabi ring iyon, habang nag-iinom si Alex, pangalan pa rin ni Daisy ang sinasambit nito. Walang tigil sa kaiiyak, tatahan, iinom ng alak hanggang siya’y makatulog sa kanilang kusina. Nang sandaling iyon din, kukuha sana ng tubig si Duday nang mapansin si Alex na nakayuko sa kusina.
“Ser, Ser Alex… Ser, gising po kayo. Lipat na po kayo sa kwarto ninyo Ser,” marahan na paggising ni Duday sa kaniyang amo. Nagising si Alex nang bahagya, umakma na tatayo, ngunit siya’y nahulog. Kaya naman, tinulungan siya ni Duday hanggang sa marating ang kaniyang silid.
Nang papaalis na si Duday, hinawakan ni Alex ang kamay nito at sinabihang huwag umalis. Mapapansin ang pagkagulat ni Duday sa ginawa ng amo ngunit kasabay nito ay ang pagkaawa sa amo niyang lihim niyang minamahal.
Napaisip si Duday, “hiling din naman ito ni Mam Daisy… ang magka-anak si Ser Alex, ang maiiwan ni Mam Daisy sa kaniyang asawa”. Matagal niyang pinag-isipan ang desisyon niyang iyon, at nang gabing iyon, tinupad ni Duday ang hiling ng amo.
Masakit ang ulo, mainit, at hilong-hilong magising si Alex. Gulat na gulat siya sa kaniyang nakita, ang kaniyang sarili na walang saplot! Pinilit niyang alalahanin ang lahat, at naalalang si Duday ang naghatid sa kaniya sa kaniyang kwarto. Madali siyang nagbihis ng pambaba at nagtungo sa silid ni Duday. Ngunit huli na siguro ang lahat, pagkakita’y wala na ang mga gamit ng kasambahay, mayroon lamang puting lumang papel sa itaas ng lamesa sa may gilid ng papag ng kasambahay. Dinampot ito ni Alex at nakilala ang sulat-kamay ng kaniyang pumanaw na asawa.
“Duday, anuman ang mangyari sa akin, isa lang aking hiling. Iyon ay iwan ang mahal kong asawa na si Alex ng isang bagay na hindi ko na kailanman maibibigay sa kaniya. ‘Yon ay ang isang anak. Napakabait niyang asawa, at alam kong magiging mabait na ama rin siya sa kaniyang magiging anak. Alam kong mahirap ito, ngunit batid ko rin na may pagtingin ka sa aking asawa. Hindi ako nagagalit. Tila ba lumilinaw sa akin ang lahat dahil malapit na ako sa dulo ng buhay ko. Mahirap mang sabihin ito, ngunit tiyak kong aalis na ako. Baka mamaya, bukas, o kaya sa susunod na araw. Hiling ko lang ay maalagaan siya at hindi kailanman makaramdam ng pangungulila sa asawa pati na sa anak. Maraming salamat, Duday. Nagmamahal, Daisy”.
Napaluhod siya sa tindi ng emosyon na nararamdaman. Ang kaniyang mabuting asawa ay siya pa rin ang iniisip hanggang dulo. Sa totoo lang ay wala na siyang naiisip na rason upang mabuhay, ngunit heto at binigyan siyang muli ng dahilan upang magpatuloy.
Muli, bumuhos ang luha ni Alex dahil sa liham ng kaniyang asawa. Nang mula sa kaniyang likuran, isang haplos at pagtapik sa balikat ang kaniyang naramdaman, si Duday. Niyakap niya ito habang patuloy ang pagpatak ng luha. Ipinangako niya sa sarili na magpapatuloy ang buhay niya kagaya ng gusto ng asawa.