Hindi makakilos ng maayos si Mark dahil sa babaeng nakasandal sa balikat niya. Tulog na tulog ito at mukhang komportableng-komportable sa pagkakahilig sa kaniya. Halos nakakain na niya ang ilang hibla ng makapal nitong buhok na nakatakip sa mukha nito.
Nakasakay siya sa bus papunta sa kanyang trabaho. Pagkasakay pa lang ng babae ay napansin na niya ito. Paano ba naman ay napakaweirdo ng suot nitong mahabang bestida na may makikinang na disenyo. Punong-puno rin ang braso nito ng mga abubot, may suot na malaking kwintas, at ang lahat ng daliri nito ay may singsing na iba-iba ang kulay. Higit sa lahat, ang pinaka-nakakahatak ng atensyon ay ang malaking bolang kristal na dala nito. Halos lahat ata ng pasahero ay napalingon dito.
Nananakit na ang kaniyang balikat, sakto naman na kailangan na rin niyang bumaba. Marahan niya itong niyugyog, “Miss, miss,” tawag niya pa dito. Bigla itong naalimpungatan at nagtama ang kanilang mga mata.
Makapal ang kolorete nito sa mukha pero sa kabila noon ay hindi niya mapigilang mapahanga sa ganda ng mata nito.
“Lutang na lutang ang tsokolateng kulay na lalong pinatingkad ng liwanag mula sa araw na tumatama sa mukha nito…” Saglit siyang natigilan at nang matauhan ay saka naalalang kailangan na pala niyang bumaba. Dali-dali siyang tumayo at hindi na nilingon ang weirdong babae.
Hanggang matapos ang oras ng trabaho ay hindi pa rin mawaglit sa kaniyang isip ang weirdong babae sa bus. Napagpasyahan niyang maglakad-lakad at mamasyal sa parke upang maibsan ang pagkabagabag na hindi niya alam kung saan nagmumula.
Iba’t ibang kawiwilihan ang nakita niya sa parke dahil may pistang ipinagdiriwang sa araw na iyon. Kapansin-pansin ang isang itim na tent na may makikinang na display sa harapan. May isang karatulang nakapaskil sa harap na ang sabi’y, “Alamin ang iyong kapalaran. Pumasok sa pinto ng hinaharap!” Naalala niya na naman ang weirdong babae.
“May dala itong bolang kristal, hindi kaya isa itong manghuhula?”
May lumabas na magkasintahan sa tent na kaniyang tinitingnan at nahagip ng kaniyang mata ang isang babae sa loob. Hindi niya alam kung bakit labis ang tibok ng kaniyang dibdib at namalayan na lamang na dinala na siya ng mga paa sa loob ng tent.
Sa loob ay may isang lamesa at tatlong upuan. May isang bumbilya na nagbibigay ng malamlam na liwanag sa kabuuan ng tent. Sa gitna ng lamesa ay isang bolang kristal, at sa harap nito ay ang parehong babaeng nakasabay niya kanina.
Dahan-dahan siyang umupo sa upuang katapat nito. Nakapikit ang babae kaya malaya niyang napagmasdan ang hitsura nito.
“’Di ko alam kung anong mayroon sa babaeng ito. Hindi naman siya kagandahan. Matangos ang ilong ,oo, mahahaba ang pilik at—“ nagulat siya ng bigla itong magmulat ng mata at magsalita.
“Nais mong malaman ang iyong kapalaran,” sabi nito nang may katiyakan. Kinuha nito ang kaniyang mga kamay at ipinatong iyon sa bolang kristal. Nakaramdam siya ng kuryente ng saglit na nagdaiti ang kanilang mga kamay. Napansin niya ding bahagya itong natigilan dahil doon.
Muli itong pumikit at hinimas-himas ang bolang kristal habang bumubulong.
“Uso pa pala yung mga ganito? Hay naku, nagsasayang lamang ako ng oras dito.” Inisip ni Mark na umalis na lang nang bigla itong nagsalita.
“Matatagpuan mo ang babaeng nakalaan sa’yo sa tapat ng simbahan bukas. Malalaman mong siya na iyon kapag biglang bumuhos ang ulan at nasa tabi mo siya. Singkwenta pesos ‘yon,” walang kalatoy-latoy nitong sabi. Hindi niya alam kung bakit pero bigla siyang natawa.
Seryoso ang mukha nito ngunit may sumisilip na pagka-irita sa mata. “Singkwenta pesos ho iyon, sir,” sabi nito na may diin sa tinig.
“Hindi naman kapani-paniwala ang hula mo. Malamang maraming babae sa simbahan bukas dahil linggo, at saka maulan daw bukas sabi sa balita. Malamang narinig mo lang iyon,” sabi niya na pigil na pigil pa rin ang tawa.
“Ser, iyon po ang sinasabi ng bolang kristal. Pwede kayong maniwala, pwedeng hindi. Pero alinman dun, kailangan niyo pong magbayad ng singkwenta pesos,” sabi nitong halatang naiinis na. Ewan ba ni Mark pero naaaliw siya sa kanilang usapan, muli siyang tumawa.
Tuluyan ng nainis ang babae kaya naniningkit ang matang pinaalis na siya nito.
“Magbabayad ka ba o hindi? Kung wala kang balak ay lumayas ka na at nakaaabala ka ng hanapbuhay.” Tinulak na siya nito palabas ng tent at hindi na siya nakapalag pa. May balak naman talaga siyang magbayad pero pinagtabuyan na siya nito.
Nakonsensya naman si Mark sa ginawa kaya bumalik ulit siya sa parke kinabukasan. Iyon o gusto lang talaga niyang makita ulit ang babae.
Papasok na siya ng tent ng biglang humahangos na lumabas doon ang babaeng hanggang ngayon ay hindi niya pa rin alam ang pangalan. Nabunggo siya nito ngunit nagtuloy-tuloy lang ito sa pagtakbo. Kahit naguguluhan sa mga pangyayari ay sinundan niya ito. Sumakay ito ng jeep at dahil mukhang natataranta ito sa pagtipa sa cellphone nito, siya na rin ang nagbayad ng pamasahe nila. Bumaba sila sa hospital at sinalubong ito ng isang umiiyak na batang babae.
“Ate! Ate kailangang kailangan na raw masalinan ng dugo si tatay. Kung matagalan pa ay pwede siyang matuluyan,” hagulgol ng bata at saka yumakap dito.
“Ako nang bahala. Tahan na,” pang-aalo naman nito sa batang sa tingin niya ay kapatid nito.
Hanggang sa loob ng hospital ay sinundan niya ang babae. Handa itong magdonate ng dugo ngunit laking gulat nito na hindi match ang blood type nila.
“Ho?! Bakit?” naluluhang sabi ng babae sa doktor.
Nagpasya siyang sumabat na sa usapan dahil nakita niyang pareho naman sila ng blood type ng tatay nito.
“Ako po ay type AB. Ako na lang po ang magdodonate ng dugo,” pagrerepresenta niya. Dahil sa panghihina ay napatango na lang ang babae na para bang nagtataka kung sino siya.
Pagkatapos niyang magpakuha ng dugo ay hinanap niyang muli ang babae.
“Nasaan ang ate mo?” tanong niya sa batang sumalubong sa kanila kanina.
“May bibilhin lang daw po sa labas si Ate Sherly,” sagot naman ng bata. Sherly pala ang pangalan nito. Maganda, bagay sa kaniya.
Nagpasalamat siya at saka tumakbo palabas. Hindi niya ito matagpuan sa mga katabing tindahan. Maraming tao dahil pista at may banda pa sa harap ng simbahan. Babalik na sana siya sa ospital ng makita ang isang babaeng nakabestida. Mahaba at makapal ang buhok nito. Nilapitan niya ito at nakitang nagdadasal ito ng maimtim habang tumutulo ang luha.
Nakaramdam siya ng awa at ng pagnanais na aluin ito. Dahil walang ibang magawa ay sinamahan niya ito sa pagdadasal kahit di niya alam ang sasabihin. Pagdilat niya ay nakita niyang nakatingin ito sa kaniya at nakangiti.
“Maraming salamat sa pagdodonate mo ng dugo sa tatay ko. Nahihiya ako sa inasal ko sa’yo kahapon. Pasensya ka na,” nahihiya nitong sabi.
“Ayos na yun. Walang problema,” sagot naman niya.
“Dahil sa’yo napagtanto ko na may mga tao pa ring gagawan ka ng mabuti kahit pa hindi ka naging mabuti sa kanila. At ang dapat mong gawin ay bumawi at suklian din ito ng kabutihan. Wala akong maibibigay na pera sa iyo ngayon, pero kung magpapahula ka, libre na yon,” sambit nito sa mahinang tinig. Nakayuko ito pero nakikita niyang nakangiti ito.
“Ang tunay na nagbibigay ay hindi nanghihingi ng kapalit. Masaya akong makatulong,” tugon ni Mark.
“At tingnan mo oh, mukhang tama nga ang hula mo,” sabay turo sa labas ng simbahan kung saan kitang-kita ang biglang pagbuhos ng masaganang ulan.
Doon na nagsimula ang matamis na pagtitinginan ng dalawa. Sino nga bang mag-aakala na sa isang hula magtatagpo ang landas ng dalawang ito?