Matalik na magkaibigan sina Glen at Carrie. Nakapagtrabaho sa ibang bansa ang ina ng una kaya doon sila tumira. Samantala ay nanatili sa baryo nila ang ama ni Carrie. Pinagyaman nito ang mahigit dalawampung ektaryang lupaing minana nito sa kanyang lola.
Sa tuwing umuuwi sa Pilipinas ay nagbabakasyon si Glen sa probinsya nina Carrie.
“Magda-dalawang buwan nang pumanaw ang Lola Simang mo… bakit nakasara at nakakandado pa rin iyang kwarto niya, Carrie?” usisa ni Glen.
“May mga gamit pa kasi riyan ang lola na hindi pa nagawang iligpit nina inay at itay dahil abala pa sila sa tubuhan,” sagot ng kaibigan.
“Hindi kaya ipinamana ng lola mo ang agimat niya sa iyong itay?” sabi ni Glen.
Bali-balita kasi na may itinatago raw na agimat ang kanyang Lola Simang. Kaya raw umabot ito ng mahigit isandaang taon dahil may itinatago itong agimat.
“Naku, hindi naman totoo iyon. Alam mo kaya humaba nang buhay ni lola ay dahil laging gulay at mga prutas ang palagi niyang kinakain noong nabubuhay pa siya. Wala rin siyang bisyo kaya inabot siya nang ganoon katanda,” paliwanag ni Carrie.
“A, basta… palagay ko, kung ‘di niya ipinamana iyon ay nariyan lang sa loob ang agimat niya,” saad ng kaibigan.
Nagkibit-balikat na lamang si Carrie. Pero sa likod ng isipan, naroon pa rin ang pagdududang may katotohanan ang haka-haka sa kanyang lola. Naaalala niya kasi na noong bata pa siya ay palaging nakakandado ang lumang baul ng kanyang Lola Simang sa ilalim ng kama nito. Lagi ring iniiba ng lola niya ang usapan kapag nagtatanong na siya ng anumang tungkol sa agimat. Lagi rin niyang naririnig na nagdadasal ng orasyong Latino ang Lola Simang niya tuwing kabilugan ng buwan habang may hawak na pilak na batong bungo.
Kinaumagahan ay sinabi ni Glen kay Carrie na kung maaari niyang papuntahin sa bahay ang kaibigan niyang babae sabay ipinakita nito ang litrato ng babae sa cell phone.
“Kay ganda namang babae niyan, pare,” sambit ni Carrie.
“Malapit ko siyang kaibigang babae, siya si Emma. Nais niya rin kasing magbakasyon dito kung papayag ka?”
“Oo naman. Walang problema. Kailan ba ang dating niya para makapaghanda kami?”
“Sige tawagan ko na siya ngayon para makapunta na siya dito bukas,” sagot ni Glen.
Naging abala si Carrie sa paglilinis ng bahay para sa darating na bisita. Hanggang sa handa na ang lahat. Dumating na rin ang kaibigan ni Glen na si Emma galing sa Maynila. Mabilis na nakagaanan ng loob ni Carrie ang dalaga dahil mabait ito at hindi maarte. Sa maikling pagkakilala pa lang ng binatilyo kay Emma ay nahulog na agad ang loob niya rito. May lihim siyang pagtingin sa kaibigang babae ng kanyang matalik na kaibigan.
Isang araw ay nagyayang mamasyal ni Carrie. Niyaya niya si Emma ngunit ayaw sumama ni Glen.
“Wala kang kasama rito sa bahay dahil buong araw na nasa tubuhan sina inay at itay…” wika ni Carrie.
“Kayo na lang ang mamasyal ni Emma. Gusto kong magpahinga lang dito sa bahay. Huwag kang mag-alala at marami akong pagkakaabalahan dito. Dala ko ang laptop ko at may mga dala akong libro na babasahin,” tugon ng kaibigan.
“Siguradong hindi ka sasama?” tanong ni Emma.
“Hindi ka papabayaan ni Carrie. Laki dito iyan sa probinsya. Mag-enjoy kayo!”
Pinabayaan na lamang ni Carrie ang kaibigan. Pabor pa nga sa kanya ang hindi pagsama ng kaibigan para walang istorbo sa kanilang pag-uusap ni Emma.
Kinagabihan, naalimpungatan si Carrie kaya bumangon siya sa higaan. Nakaramdam siya ng tawag ng kalikasan kaya dumiretso siya sa palikuran ngunit napansin niya na wala sa tabi niya ang kaibigang si Glen. Magkatabi kasi sila sa pagtulog habang nasa kabilang kwarto naman si Emma. Maya-maya ay nakita niyang may liwanag na nagmumula sa loob ng kwarto ng kanyang yumaong Lola Simang. Napagtanto niya na mayroong tao sa loob.
Nang buksan niya ang pinto ay nagulat siya nang makitang nakaupo sa sahig si Glen at may inuusal na orasyong Latin habang nakaharap sa nakasinding itim na kandila. May hawak din itong kulay pilak na bato na hugis bungo na sa tingin niya ay ang agimat ng kanyang lola.
“Anong ginagawa mo rito, Glen? Bakit mo pinakialaman ang mga gamit ni Lola?” sigaw ni Carrie.
Sa sobrang pagkabigla ay nakabig ni Glen ang kandila at agad na lumikha ng apoy. Nataranta ang magkaibigan sa pag-apula niyon. Nakalikha sila ng ingay na ikinagising ng mga magulang ni Carrie at ni Emma. Mabuti na lamang at mabilis nilang napaapula ang apoy.
“Anong ibig sabihin nito? Anong ginagawa niyo dito sa kwarto ng inay at bakit nakalabas ang mga gamit niya? Hindi niyo dapat na pinakialaman ang alaala ng isang yumao,” galit na wika ng ama ni Carrie.
“K-kasalanan ko po. Paumanhin po tito,” pagpapakumbaba ni Glen.
“Sa uulitin ay huwag niyo na ulit pakikialaman ang mga gamit ng inay. Hindi niyo alam kung anong kapahamakan ang maaari nitong dalhin sa inyo!” sabi pa nito habang inilalagay sa baul ang maliit na librong dasalan, pilak na bato at kandilang itim na ginamit ni Glen at sinunog.
“Kung ganoon, itay… totoo ang tungkol sa agimat ni lola,” tugon ni Carrie na may hinanakit na tono.
“Sinadya talaga naming ilihim iyon sa iyo anak dahil ayaw na naming magkainteres ka pa na mapasaiyo iyon,” pang-aalo ng ina ni Carrie.
“Minana pa raw iyon ng Lola Simang niyo sa ating mga ninuno, anak. Pero matagal na niyang tinigilan ang pag-oorasyon sa agimat. Hindi rin niya ito ipinasa sa aming magkakapatid. Gusto niya na sa kanya matapos ang maling gawain ng angkan natin. Bago siya pumanaw ay inihingi niya iyon ng patawad sa Diyos. Nagbilin siya sa akin na sunugin ko ang lahat ng mga gamit niya pati na ang pilak na batong agimat ngunit nakalimutan kong gawin dahil sa naging abala kami ng iyong ina sa tubuhan. At kahit paulit-ulit pang orasyunan ng kaibigan mo ang agimat ay hindi na iyon magkakaroon ng kapangyarihan dahil ang agimat daw na hindi naipasa ng may-ari habang siya ay nabubuhay pa ay kusang mawawalan ng bisa. T-teka natapos mo ba ang orasyon, Glen?” tanong ng ama ni Carrie.
“Hindi po tito. Bakit po?” takang tanong ng binatilyo.
“Mabuti naman at hindi dahil ang orasyong ginamit mo ay hindi orasyon para sa agimat. Ang binasa mong orasyon ay ang ikalawang orasyon na kailanman ay hindi sinubukan ng iyong lola dahil ang orasyong iyon ay orasyon sa nag-aalay ng kaluluwa sa demonyo. Delikado raw iyon sabi ng inay dahil kung hindi raw makayanan ng isang tao ang presensiya ng demonyo ay agad daw na kukunin nito ang kaluluwa ng taong gumawa ng orasyon,” hayag pa ng ama ni Carrie.
Kinilabutan ang magkakaibigan sa ibinunyag ng ama. Mabuti na lamang at hindi natapos ni Glen ang orasyon kundi ay napahamak na ito ng tuluyan. Mula noon ay binaon na nila sa limot ang mga nangyari sa kanila sa probinsya. Kinalimutan na nila ang tungkol sa orasyon at agimat ni Lola Simang. Para naman kay Glen, pangako niya’y hinding-hindi na siya mangingialam ng mga bagay na hindi naman sa kaniya.