Bata pa lamang ay magkasama nang lumaki sina Ella at Hannah. Mga nasa anim na taong gulang lamang noon ang dalaga nang kupkupin siya ng pamilya ni Hannah. Naaksidente kasi ang mga magulang nito kaya maagang naulila ang bata. Mahigpit na ibinibilin dati pa man ng mga magulang ni Ella na huwag ibibigay sa mga kapatid o sino mang kamag-anak nila ang bata sa takot na pabayaan lamang ito. Kaya bilang ninang ni Ella ay sila na ang nagpalaki at tinuring na sarili nilang anak si Ella.
“Ella, samahan mo na muna ang ate mo sa practice nila sa cheering squad para hindi ka maiwang mag-isa rito sa bahay. May kliyente lang akong kailangan kitain mamayang hapon,” wika ni Rica, ang tumayong nanay na niya.
“Hay naku, mama, kahit hindi mo sabihin ay sasama talaga sa’kin ‘yan. Sumali na rin kasi!” pang-asar na wika ni Hannah, ang nag-iisang tunay na anak ni Rica.
“E idol kasi kita, ate!” sagot naman kaagad ni Ella.
“Sus, sabihin mo ayaw mo lang nagpapaiwan mag-isa rito sa bahay!” saad naman ni Hannah at saka sila nagtawanan. Limang taon ang agwat ng dalawa, mas matanda si Hannah at tunay na bunsong kapatid na ang naging turing niya kay Ella.
Naging kasangga niya ito sa lahat ng bagay, kasa-kasama sa araw-araw hanggang sa sila ay nagdalaga, nakapagtapos ng pag-aaral at nagkaroon ng nobyo si Hannah. Palagi siyang sabit sa mga lakad nilang magnobyo. Pambansang third wheel na nga ang tawag niya sa sarili.
“Ella, may sasabihin ako sa’yo,” masayang pahayag ni Hannah.
“Ano ‘yun, mahal kong ate?” bungisngis na sagot naman ni Ella.
“Magiging maid of honor ka na! Niyaya na akong magpakasal ni Jeremy! Ikakasal na kami sa susunod na taon!” rebelasyon ng babae at maligayang-maligaya ito. Halos siya na mismo ang nagtatatalon sa tuwa at niyakap niya ng mahigpit si Ella.
“O, bakit hindi ka nagsasalita? Hindi ka ba masaya para kay ate? O natatakot kang maiwan?” mabilis na pahayag ni Hannah nang mapansing hindi nga makapagsalita si Ella sa balitang narinig niya.
“Hindi, nagulat lang ako! Ilang taon na ba kayo ulit? Tatlong taon pa lang kayo ate, tapos ikaw naman ay nagsisimula ka pa lang sa karera mo bilang nurse. Siya naman ay wala pa ring permanenteng trabaho at umaasa lang sa pakanta-kanta sa banda nilang hindi naman sumisikat hanggang ngayon. Sigurado ka na ba?” baling ni Ella.
“Hoy! Para kang si mama kung makapagsalita ka sa’kin! Tigilan mo nga ‘yan at maging masaya ka na lang. Malaki na ako at mas alam ko na ang buhay kaysa sa’yo. Saka bago naman ako nag-yes kay Jeremy ay napag-isipan ko nang mabuti ang magiging buhay namin. Five years in advance pa, kaya yakapin mo na lang si ate at maging masaya ka! Para sa pag-ibig!” kontra naman kaagad ni Hannah sabay yugyog pa sa balikat ni Ella.
Wala naman nagawa ang babae kung ‘di ang maging masaya para sa nag-iisa niyang kapatid. Mahal na mahal niya si Hannah at habambuhay niyang tatanawing utang na loob na naging pamilya niya ang babae.
Kinaumagahan ay maagang umalis si Ella para puntahan ang nobyo ng kaniyang kapatid na si Jeremy. Alam niyang nasa bar pa ito ng ganitong oras at kailangan niyang bilisan dahil mahuhuli na rin siya sa trabaho.
“Niyayaya mo ‘yung kapatid ko na magpakasal tapos nakikipaghalikan ka pa sa ibang babae? Wow naman, Jeremy! Ang kapal ng apog mo!” sigaw ni Ella sa lalaki nang maabutan niyang nakikipaghalikan ito sa ibang babae.
“Long time no see, Ella! Kumusta ka na?” bati naman ni Jeremy saka inalis ang babae na nasa kandungan niya.
“Akala ko ba nagbago ka na kaya niyaya mo na si ate magpakasal? E bakit ang dami mo pa ring babae?! Hindi ko na kaya, isusumbong na kita sa kaniya,” baling ni Ella.
“Ako? Isusumbong mo? Sana dati mo pa ginawa, pero alam ko namang hindi mo kaya kasi alam mong hindi ka paniniwalaan ng kapatid mo. Lalo na kapag nalaman pa niya ‘yung lihim mo,” natatawang pahayag ng lalaki.
“Umalis ka na nga rito, sinisira mo araw ko. Saka kaya lang naman ako magpapakasal sa ate mo dahil urat na urat na siyang magka-anak! Ibibigay ko na dahil siya naman nagpapalamon sa’kin,” dagdag pa nito.
Hindi napigilan ni Ella ang sarili at mabilis niyang nasampal si Jeremy.
“Tang*nang ‘to! Masakit!” sigaw ni Jeremy sa kanya.
Hindi na nagtagal pa ang dalaga at mabilis din siyang umalis. Tumakbo ito na lumuluha ang mga mata niya.
“Makakaya ko bang sabihin kay ate ang totoo?” loob-loob nito. Ilang beses pinag-isipan ni Ella kung ano ang dapat niyang gawin sa mga lihim ni Jeremy pangbabae sa kanyang kapatid. Alam niyang masasaktan si Hannah kapag nalaman iyon ngunit mas masasaktan siyang makita na magdudusa ang kapatid niya sa pagsasamang siya lang ang seryoso.
Kaya naman hinintay niyang makauwi si Hannah at doon na nga niya ibinunyag ang matagal na niyang kinimkim na katarantaduhan ni Jeremy.
“Ate, alam kong mahal na mahal mo si Jeremy pero may kailangan kang malaman,” seryosong pahayag ni Ella sa kapatid.
“Naku, kung tungkol na naman sa pambabae ni Jeremy ang sasabihin mo. Huwag ka nang mag-abala. Ganun naman talaga ang mga lalaki, magbabago rin lahat ng ‘yun kapag mag-asawa na kami at kapag may anak na rin,” sagot ni Hannah sa kanya.
“Ate, seryoso ako. Hindi si Jeremy ang lalaking para sa’yo. Matagal ko na siyang nahuhuli, hindi ko lang masabi. Kasi alam kong hindi ka maniniwala, kasi mahal na mahal mo siya,” wika ni Ella.
“Alam kong makakarating ito sa kaniya at alam ko rin na walang lihim na hindi mabubunyag. Pero ate, lolokohin ka lang ng paulit-ulit ni Jeremy dahil ako mismo ay naging biktima niya,” dagdag pa nito. Doon na napatingin si Hannah sa kaniyang kapatid.
“Hindi ko alam kung paano basta bigla na lang kaming naging malapit sa isa’t-isa. Pinilit kong pigilan dahil alam kong nobyo mo siya noon pero siguro dala na rin ng kasalanan at demonyo ay naging mahina ako. Nagkaroon kami ng relasyon habang kayo pa, may nangyayari sa amin kapag wala ka pa rito sa bahay. Noong una ay masaya pero habang tumatagal ay mas nasasaktan akong niloloko ka namin,” rebelasyon ni Ella. Namimilog naman sa galit ang mga mata ni Hannah sa kaniyang narinig.
“Pwede kang magalit, pwede mo akong isumpa. Pwede mo akong itakwil dahil niloko kita, niloko ko kayong tumanggap sa’kin bilang kapamilya. Pero kailangang malaman mo ang totoo, mas gugustuhin kong mawala ako sa’yo at sa pamilyang ‘to dahil sa pagkakamali ko kaysa sa makita kitang magdusa pagdating ng araw. ‘Yung araw na mas malalim na ang sugat na magagawa ko. Patawarin mo ako, ate,” pahayag ni Ella at doon na bumagsak ang kaniyang mga luha.
Malakas na sampal naman ang binigay sa kaniya ni Hannah sa magkabilang pisnge ng babae. Tinanggap naman ito ni Ella at saka siya umalis. Siya na ang nahiya sa kasalanang matagal na niyang kinimkim. Tumagal ng halos limang buwan ang maling relasyon nila ni Jeremy at buong akal niya’y magbabago na ang lalaki. Pero mas marami pa pala itong naging biktima bukod sa kanya.
Halos tatlong buwan na hindi kinibo ni Hannak si Ella kahit nga paulit-ulit siyang humingi ng tawad sa kapatid. Hanggang sa isang araw.
“Umuwi ka na sa atin, namimiss ka na namin,” mensahe ni Hannah sa kaniya. Napaiyak naman ang dalaga dahil nabalitaan niyang naghiwalay na raw ang dalawa.
“Ate, kasalanan ko ang lahat kung bakit kayo naghiwalay. Habambuhay kong pagbabayaran ‘yun sa’yo, sa inyo ni mama. Patawarin mo ako,” wika nito sa telepono. Tinawagan niya kaagad ang kapatid nang mabasa niya ang mensahe.
“Naku, hindi lalaking katulad ni Jeremy ang sisira sa ‘tin. Tara na! Miss na kita,” masayang sagot ni Hannah.
At doon na muling nagkaayos ang dalawa. Hiniwalayan ni Hannah si Jeremy dahil sa napakaraming babae nito. Matagal na siyang nagbubulag-bulagan sa ginagawa ng nobyo at napagtanto niyang hindi si Jeremy ang nababagay na lalaki para sa kaniya.
Sa kabilang banda naman ay mabilis niyang napatawad si Ella, kahit na hindi niya kadugo ito ay mahal na mahal din naman talaga niya ang babae. Dahil sa nangyari, mas pinagtibay ang relasyon ni Hannah at Ella.