“Anak, sigurado ka na bang gusto mo talagang sa barko mag-OJT? Baka nakakalimutan mong hindi ka marunong lumangoy, ha?” naniniguradong tanong ni Mang Erwan sa kaniyang nag-iisang dalagang anak, isang araw bago ito sumampa ng barko.
“Doon ko po talaga gusto, papa. May mga life vest naman po doon, paniguradong hindi ako malulunod kung sakaling magkaaberya man,” nakangiting paliwanag ni Hope habang nag-aayos ng mga dokumentong kailangan niyang dalhin.
“Naku, anak, ako ang kinakabahan sa kagustuhan mong ‘yan. D’yan ka na lang kaya sa isang restawran mag-OJT? Para malapit lang, makakauwi ka pa rito sa bahay,” pangamba ng ama, halata sa mukha ang kaniyang pag-aalala.
“Eh, papa, kapag kasi maganda ang pinasukan ko ngayon, malaki ang tiyansang makakuha ako ng magandang trabaho pagkatapos kong mag-aral,” pangungumbinsi pa ng dalaga.
“O, sige. Basta mag-iingat ka doon, ha? Huwag mong papabayaan ang sarili mo doon. Iligtas mo kaagad ang sarili mo kapag nagkaaberya,” ‘ika ni Mang Erwan saka tinapik-tapik sa likod ang anak, ngumiti lamang ito sa kaniya saka nagpatuloy sa pag-aayos ng kaniyang mga papeles.
Kasalukuyang nasa ikaapat na taon na sa kolehiyo ang anak ni Mang Erwan. Kumukuha ito ng kursong Hotel ang Restaurant Management dahilan upang gustuhin nitong mag-OJT sa barko para nga naman, makakuha ng magandang trabaho sa hinaharap.
Gustuhin man niyang sa malapit na lamang ito pumasok upang kaniyang masubaybayan ngunit hindi niya ito magawang mangumbinsi. Hindi niya mawari kung bakit ganoon na lang ang kaba at pag-aalalang bumabalot sa puso niya. Lalo na’t alam niyang hindi marunong lumangoy ang kaniyang dalaga. Tanging panalangin na lamang ang kaniyang nagagawa at magtiwalang hindi mapapahamak ang anak.
Kinabukasan, maaga siyang ginising ng kaniyang asawa upang kaniyang mahatid ang anak sa daungan. Halata sa mukha ng dalaga ang saya’t pagkasabik lalo pa noong makita na ang kaniyang mga kaklaseng kasama niyang magtatrabaho sa barko sa loob ng tatlong buwan.
Niyakap niya ng mahigpit ang dalaga at halos ayaw niyang pakawalan. Nagdadalawang-isip pa rin siya kung papatuluyin niya ito ngunit naisip niya, alang-alang sa pangarap ng anak niya, susugal din siya.
Tuluyan nang nakaalis ang barkong sinasakyan ng kaniyang anak. Pinagmasdan niya lamang itong makaalis hanggang sa hindi niya na ito matanaw.
Malungkot man at puno pa rin ng pangamba ang kaniyang puso, wala na talaga siyang ibang magawa kundi ang manalangin.
Naging maayos naman ang pagtatrabaho ng dalaga sa naturang barko. Tuwing gabi, tumatawag ito sa kanilang upang mangamusta. Palagi kinukwento nito ang kaniyang mga ginagawa sa barko. Labis naman ang saya ni Mang Erwan dahil kahit papaano, nakakampante na ang kaniyang puso sa tuwing masisilayan ang kaniyang anak kahit pa sa video chat lamang.
Ngunit pagkalipas ng dalawang linggong gabi-gabing tumatawag ang anak, lubos siyang nagtaka kung bakit hindi ito nakatawag noong sumunod na gabi.
“Baka naman nasobrahan sa pagod, kaya nakatulog na. Hayaan mo, tatawag din ‘yon bukas ng gabi. Matulog ka na d’yan,” sambit ng kaniyang asawa saka nagtalukbong ng kumot. Ngunit hindi talaga siya mapakali, ni hindi siya makatulog. Kaya upang dalawin ng antok, naisipan niyang buksan ang kanilang telebisyon.
Pagkabukas na pagkabukas niya, nakita niya sa telebisyon ang barkong sinasakyan ng kaniyang anak, tumaob ito dahil sa lakas ng hangin. Kasalukuyan itong nasa dagat ng Cebu, ayon sa balita. Mas nakumpirma niya pang ito talaga ang barkong sinasakyan ng anak dahil interbyu ng media ang isa sa mga kaklase nito. Agad niyang ginising ang asawa at halos manlumo ito.
Naisip niyang tawagan ang anak ngunit naka-off ang selpon nito. Iyak nang iyak ang kaniyang asawa dahilan upang mas lalo siyang mataranta. Hindi niya na alam ang gagawin, ni hindi niya man lang magawang makapunta doon dahil sa layo. Mas lalong nangamba ang mag-asawa nang ibalitang tatlong dalaga raw ang sumakabilang buhay dahil sa pagkalunod habang walo ang kasalukuyang walang malay na nasa ospital na.
Halos hindi na makaiyak ang mag-asawa dahil dito. Labis ang kanilang pag-aalala na baka kasama ang kaniyang anak sa mga nalunod ngunit maya-maya, bigla silang nakatanggap ng tawag.
“Kayo po ba ang tatay ni Ms. Hope? Nagkamalay na po siya, gusto niya pong ipaalam sa inyo na ayos lamang siya. Huwag na raw po kayong mag-alala.” sambit ng isang hindi pamilyar na boses dahilan upang mabunutan ng tinik ang mag-asawa.
Doon nalaman ng mag-asawa na kaya napasama ang dalaga sa mga nawalan ng malay, tumulong daw itong maisalba ang ibang mga pasahero nang ianunsyong lumulubog ang barko. Agad daw nitong kinuha ang mga life vest at binigay sa mga matatanda’t bata, pinatalon niya ang mga ito sa tubig at nakalimutan niyang magtira ng isa para sa kaniyang sarili.
Kaya kahit hindi marunong lumangoy, tumalon daw ito sa dagat. Buti na lamang at nagtulong-tulong ang kaniyang mga natulungan upang iangat siya mula sa pagkakalubog. Doon na siya nawalan ng malay.
Halos hindi makapaniwala si Mang Erwan sa ginawa ng anak. Hindi niya lubos akalaing itataya nito ang kaniyang buhay makaligtas lamang ng kapwa. Magkahalong saya at pangamba ang kanilang nararamdaman ngayon ngunit ang mahalaga, maayos ang kalagayan ng dalaga.
Lumipas ang halos isang linggo, nakauwi na ang dalaga. Agad silang niyakap nito na puno ng kagalakan sa mukha.
“Muntik ka na malunod, tuwang-tuwa ka pang bata ka!” pabirong sermon ni Mang Erwan habang yakap ang anak.
“Sino ba ang hindi matutuwang makaligtas ng mga tao? Sa katunayan nga papa, kasama ang may-ari ng isang sikat na hotel at restwaran sa Maynila sa mga nabigyan ko ng vest at ngayon, kinukuha niya akong empleyado doon, hindi ba masaya ‘yon?” halos maiyak ang mag-asawa dahil sa balitang iyon. Agad nila muling niyakap ang anak.
Napagtanto ni Mang Erwan na kung hindi sumugal ang kaniyang anak, hindi ito mabibigyan ng pagkakataong magtagumpay. Nakakakaba man, tagumpay naman ang kapalit sa dulo.
Nagsimula nga ang dalaga sa pagtatrabaho sa naturang hotel pagkatapos niyang mag-aral. Doon nagsimulang umalwan ang kanilang buhay.
Minsan, kailangan talagang sumugal upang magtagumpay sa buhay. Huwag kang mag-alala, kontrolado ng Diyos ang lahat ng bagay at hindi ka niya papabayaan.