“Yana! Nasaan ba yung polo ko? Alam mo naman papasok ako hindi mo pa hinanda kagabi! Mahuhuli na naman ako sa trabaho, bawas na naman sa sweldo!” bulyaw ni Bugoy sa kaniyang asawang hinehele ang bunsong anak na umiiyak.
“Paano ko ihahanda? Eh, halos sabay na sumususo sa akin itong mga anak mo! Ni ayaw magpababa nitong bunso mo tapos itong panganay mo, nakikisabay pa!” daing ni Kari ngunit mas lalong nagalit ang kaniyang asawa at masumbatan pa siya.
“Dahilan ba ‘yan para hindi mo mahanda ang damit ko? Gusto mo ‘yan, ‘di ba? Maging responsable ka!” sigaw habang hinahanap pa rin ang kaniyang damit.
“Ako ba ang may gusto? Hindi ba ikaw? Kakapanganak ko pa lang, siniping mo na ako agad! Ayan tuloy, nagbunga na naman!” sagot ng ginang habang unti-unti nang nangingilid ang mga luha nito.
“Edi sana pinalaglag mo! Wala ka talagang utak!” sigaw ng kaniyang asawa saka pabadog na umalis nang mahanap na ang kaniyang damit. Naiwan namang mangiyakngiyak ang babae habang hinehele ang sanggol at tinatapik-tapik ang panganay, bahagya kasi itong nagising sa sigawan nilang mag-asawa.
Wala pang tatlong taong kasal ang mag-asawa ngunit tila lumabas na kaagad ang tunay na ugali ng lalaki. Bukod sa binihira itong magbigay ng pera, palagi nitong sinisisi ang babae dahil sa pagkakaroon nila ng anak na halos sabay isinilang dahilan upang magkanda hirap hirap sila sa pag-aalaga.
Wala pa kasing isang taon ang kanilang panganay nang mabuntis muli ang babae dahilan upang naisin ng lalaki na ipalaglag ito noong una pa lang.
Ngunit hindi pumayag ang kaniyang asawa dahil ‘ika nito, kasalanan daw ang pagpapalaglag. Pumayag siyang buhayin ang sanggol ngunit nang maisilang na ito, doon na sila nagkaroon ng problema.
May pagkakataong sabay na umiiyak ang dalawa mapa-madaling araw man o umaga. Madalas silang walang tulog dalawa. Madalas na pumapasok sa trabaho ang lalaki ng walang tulog dahilan upang hindi siya maayos makapagtrabaho. Ito ang naging dahilan upang wala rin siyang sahurin dahil madalas, nakakatulog lamang siya sa trabaho.
Kaya naman, ganoon na lang sinisisi ng lalaki ang kaniyang asawa sa lahat ng problemang kinakaharap nila ngayon. Laging sambit niya, “Kung noong una pa lang pinalaglag mo na ‘yang bata, Edi sana maalwan ang buhay natin ngayon, mas matututukan pa natin ang panganay natin!” na labis na dumudurog sa kaniyang asawa.
Kinagabihan ng araw na iyon, pagkauwing galing trabaho, nagulat siya nang karga ng kaniyang asawa ang kanilang panganay na anak. Hinanap niya ang bunso, at nagulat siya sa sinabi ng asawa.
“Binenta ko na, tutal nahihirapan ka na, ‘di ba?” sambit ni Kari habang pinipigil ang kaniyang luha.
“Na- nasisiraan ka na ba? Bakit mo binenta?!” galit na tanong ni Bugoy sa asawa saka niya ito niyugyog sa balikat ngunit hindi siya nito pinansin at patuloy na hinele ang panganay na anak.
“Saan mo binenta? Babawiin ko!” dagdag pa nito, bakas sa mukha niya ang pag-aalala.
“Bakit mo pa babawiin? Ayaw mo no’n? Hindi ka na mahihirapan, may pera ka pa!” sagot ng kaniyang asawa sabay hagis sa kaniya ng isang sobreng puno ng pera.
Hindi malaman ng lalaki ang gagawin nang makita ang sandamakmak na pera wala siyang ibang masabi kundi, “Bakit, bakit mo ‘to ginawa?” habang hindi makaiyak sa sobrang sakit na nararamdaman.
Pinilit niya ang kaniyang asawang sabihin kung saan niya binenta ang anak ngunit ayaw nitong sabihin. Nagmakaawa siya’t lumuhod upang bawiin ito. Nangako pa siyang hindi na sisisihin ang asawa sa kanilang paghihirap at aalagaan ang sanggol mabawi lamang ito.
Lumuhod siya sa harapan ng kaniyang asawa habang umiiyak ngunit maya-maya biglang may kumatok sa bahay nila. Isang babae, karga karga ang kanilang bunsong anak.
“Anak ko!” sigaw niya saka nagmadaling kunin ang anak bahagya niya itong niyakap habang naiyak.
“Thank you po, ma’am. Bukas po ulit, ha? D’yan po ulit kami sa tapat kukuha ng bidyo,” sabi ng dalagang kumatok sa kanila, labis namang nagtaka ang lalaki sa sinabi nito kaya agad niyang tinanong ang kaniyang asawa kung ano ba talagang nangyari at saan ang galing pera nila.
Doon niya nalamang kinuha pala bilang extra ang kanilang bunsong anak sa isang teleseryeng kinukuhanan sa tapat ng kanilang bahay. Kaya rin sila may pera dahil dito.
Ganon na lang napabuntong hininga ang lalaki. Napagtanto niyang hindi niya pala talaga kakayanin kung totoong nawala ang kaniyang anak. Naisip niya ring ang anak na nagpapainit sa kaniyang dugo ang siyang nakapagbigay swerte sa kanilang pamilya.
Nang makita kasi ito nga mga manunuod, labis itong minahal ng bayan dahil sa angking kagandahan nito kahit pa sanggol pa lamang dahilan upang magkapera sila sa paextra-extra nito sa teleserye.
Simula noon, labis nang pinagtuunan ng pansin ni Bugoy ang kaniyang pamilya. Hindi na niya rin sinisisi ang asawa sa kanilang paghihirap at puno ng pagmamahal ang kaniyang binibigay sa mga ito. Kahit pa madalas mahirapan pa rin, ang mahalaga na sa kaniya ngayon, kumpleto ang kaniyang pamilya.
Madalas kapag nahihirapan tayo, napagbubuntungan natin ng galit ang mga mahal natin sa buhay. Nawa’y huwag nating hintaying mawala sila bago pa natin makita ang kanilang halaga.