Inday TrendingInday Trending
Reklamadorang Dalaga

Reklamadorang Dalaga

“Ano ba naman ‘tong pagkaing ‘to? Kwarenta pesos na ‘to? Napakakonti ng kanin, tapos halos ga-papel lang yung ham? Tingnan mo pa yung itlog hindi pa masyadong luto!” reklamo ni Charisse habang pinagmamasdan ang kaniyang pagkain.

“Naku, kumain ka na lang d’yan! Makareklamo ka akala mo naman ikaw ang gumastos! Saka tulong na lang natin kila nanay ‘to, nakita mo namang wala nang kumakain sa kanila simula nang umusbong ‘yang mga restawran na ‘yan,” paliwanag naman ng kaniyang kaibigang si Reese saka sumubo ng kanin.

“Wala na talagang kakain dito kung ganito ang tinda!” tugon pa niya saka padabog na tinusok ang kaniyang ulam.

“Tigilan mo na nga ang pagrereklamo! Kumain ka na lang d’yan! Magpasalamat ka na lang at may makakain ka!” saway ng kaniyang kaibigan, inirapan niya lamang ito saka nagsimulang kumain.

Likas na sa dalagang si Charisse ang pagrereklamo sa lahat ng bagay. Laki kasi ito sa yaman, halos lahat ng mararangyang gamit ay mayroon siya noon, mga masasarap na pagkain, at laging laman ng mga naggagandahang lugar.

Ngunit nang biglang bumagsak ang kanilang pamilya sa kahirapan, doon na natutong magreklamo ang dalaga sa lahat ng bagay. Hindi kasi siya sanay ng ganitong klaseng pamumuhay at kahit pa nagkaedad na siya, hindi na natanggal sa ugali niya ang palagiang pagrereklamo.

Kasalukuyang siyang nagtatrabaho bilang call center agent sa isang mall sa Maynila. Balak niya kasing mag-aral sa kolehiyo kaya siya kumakayod ngayon.

Ngunit dahil nga kapos sa pera, madalas sa may bangketa sila kumakain ng kaniyang natatanging kaibigan upang makatipid pero katulad ng nakasanayan ng dalaga, palagi siyang may nasasabi tungkol sa pagkain doon.

Kinaumagahan, maagang nakalabas mula sa trabaho ang magkaibigan. Agad silang pumara ng jeep para makauwi na. Ngunit isang upuan na lamang ang bakante kaya naman pinaupo na siya doon ng kaniyang kaibigan habang sumabit na lamang ito sa jeep.

Ngunit katulad ng nakasanayan, nagreklamo pa rin ang dalaga dahilan upang mainis sa kaniya ang isa sa mga pasahero.

“Nagrereklamo ka pang masikip ‘yang inuupuan mo, samantalang yung kaibigan mo nakasabit doon! Maging masaya ka naman sa kung anong mayroon ka! Balang-araw mawawala lahat ‘yan dahil sa pagiging reklamador mo!” sigaw nito sa kaniya ngunit inirapan niya lamang ito saka nagsalpak ng earphones sa kaniyang tenga at pumikit, nagsimula na kasing magbulungan ang ibang sakay ng jeep.

Ngunit maya-maya lang biglang tumigil ang tugtog ng kaniyang selpon at tanging mga sigaw ng mga pasahero ang kaniyang narinig dahilan upang mapadilat siya. Pagdilat niya, wala siyang makita puro itim na lamang, ni walang tao o kahit anong bagay.

“Reese? Nasaan ka? Reese! Lapitan mo ako! Natatakot na ako, Reese! Bakit puro itim lang nakikita ko? Reese!” takot na takot na sigaw ng dalaga. Halos humagulgol na lamang siya sa kaniyang kinauupuan, ilang minuto na ang nakalipas ngunit wala pa ring kulay ang mundong nakikita niya.

Nagsimula na ring kumulo ang kaniyang tiyan, bigla niyang naalalang may biscuit nga pala sa kaniyang bag dahilan upang hiklatin niya ito ngunit pati ito, wala na. Doon na nagsimulang mag-isip ang dalaga.

“Siguro, ito na yung sinasabi nilang parusa sa akin dahil sa pagiging reklamador ko. Diyos ko, patawarin mo po ako! Hindi ko kaya nang ganito!” nakapikit niyang iyak at pagdilat niya, akma na siyang sasampalin ng kaniyang kaibigan.

“Kanina pa kita ginigising! Halika na bababa na tayo!” sambit nito saka siya hinila pababa, doon na nakahinga nang maluwag ang dalaga. Sambit niya, “Salamat, panaginip lang pala.”

Habang naglalakad sila ng kaniyang kaibigan, doon na niya ikinuwento dito ang kaniyang panaginip. Noong una’y natatawa ito at sinabihan siyang, “Buti nga sa’yo!” ngunit nang sabihin niya na ang kaniyang natutunan, doon na ito naging seryoso.

“Dapat pala talaga, magpasalamat ako sa kung anong mayroon ako, ano? Kahit pa maliit na bagay man ‘yon o malaki dahil sa isang iglap, pwedeng kunin lahat sa akin at maging itim ang mundo ko. Wala ni selpon o biscuit,” nakatungong kwento ni Charisse.

“Tama ka, huwag mo nang hayaang totoong mangyari ‘yon bago ka magbago,” tugon ng kaniyang kaibigan saka siya tinapik tapik sa likod.

Doon rin pinangako na ng dalaga sa sarili na pipigilan na ang pagiging reklamador bagkus magiging mapagpasalamat siya sa lahat ng bagay at pangyayaring dadating sa kaniya.

Nagbunga nga ang pangakong iyon ng dalaga, lumipas ang isang buwan at ibang-iba na siya. Kuntento, masayahin at mapagpasalamat dahilan upang dumami na rin ang kaniyang kaibigan.

Imbes na magreklamo sa kung anong wala sa atin, bakit hindi na lamang tayo magpasalamat sa kung anong mayroon tayo?

Advertisement