“Hija, nakalimutan mong dalhin ang baon mo!” narinig ni Ysa ang marahang sigaw ni Nanay Esther.
Dali-dali siyang bumalik sa pintuan upang kunin ang kanyang lunch box na iniaabot ng matanda.
“Salamat po! Alis na po muna ako, ‘nay!” nakangiting sabi ni Ysa at yumakap pa sa matanda bago mabilis nang naglakad palayo dahil male-late na siya.
“Mag-iingat ka, Marites! Magdahan-dahan ka at baka madapa ka pa!” paalala pa nito.
“Opo!” kinawayan pa niya ito. Hindi niya na itinama ito. Nitong mga nakaraang araw kasi ay panay ang pagtawag sa kanya nito ng Marites, ang pangalan ng kanyang ina.
Napangiti si Ysa nang makasakay sa bus na maghahatid sa kanya sa eskuwelahan nang matuon ang kanyang atensiyon sa lunch box na kipkip niya.
Matagal nang panahon naninilbihan sa kanila si Nanay Esther. Bata pa siya ay ito na ang nag-alaga sa kanya at sa kanyang kapatid na si Jayson. Sabi ng ng Mommy niya, si Nanay Esther din daw ang nag-alaga dito. Kaya naman mahal na mahal nila ito, at itinuturing na nila itong parang tunay na Lola.
Wala kasing pamilya si Nanay Esther. Ulilang lubos na ito, at sumakabilang buhay na ang kapatid nito higit limang taon na ang nakararaan. Marahil sa sobrang pag-aalaga nito sa kanila kaya hindi na rin ito nakapag-asawa.
“Nay, nandyan na po ba sila Mommy?” bungad niya sa matanda nang makauwi siya sa bahay.
“Naku, wala pa. Pero pauwi na raw. Halika, mag-merienda ka muna. Nagluto ako ng paborito mong spaghetti,” paanyaya ng matanda.
“’Nay, si Mommy po ang mahilig sa spaghetti,” natatawang pagtatama ni Ysa sa matanda.
Marahang napatampal ang matanda sa noo nito. “Naku! Tumatanda na kasi ako, hija. Pasensiya na,” marahang natawa ang matanda.
“Ikaw ‘nay ha! Sabi na nga ba at si Mommy ang paborito mo, e!” kantiyaw niya dito na sinuklian lamang nito ng pabirong kurot sa kanyang tagiliran.
Maghahapunan na nang dumating ang kanyang mga magulang mula sa kani-kanilang mga trabaho.
“Anak, kumusta naman ang pagrereview mo para sa entrance exam?” tanong ng kanyang ama.
“Okay lang po, Daddy. Masasabi ko naman po na handa na ako,” nakangiting sagot ni Hazel sa ama.
“Mabuti naman,” tumatango-tangong sagot ng kanyang ama na ipinagpatuloy na ang pagkain.
Naagaw naman ang pansin ni Ysa nang mapansin ang panginginig ng kamay ni Nanay Esther habang sinasalinan nito ng tubig ang baso niya.
Magsasalita sana siya nang marinig ang kapatid na nagsalita.
“’Nay, ako na ho,” boluntaryo nitong ipagpatuloy ang ginagawa ng matanda. “Umupo na ho kayo dito, kumain na rin ho kayo,” paanyaya pa ng kapatid niya na ikinangiti naman ni Ysa.
“Naku, hijo, okay lang ako. Kumain kami kanina ni Ysa. Dun na muna ako sa kusina at may tinatapos akong gawain. Tawagin ninyo ako kung may kailangan kayo, ha?” sabi ng matanda bago pumunta sa kusina.
“Sa tingin ko, masyado nang matanda si Nanay Esther para sa mga gawaing bahay,” komento ng ama.
“Nung isang araw, nasunog niya yung polo ko. Hindi na lang ako nagsalita dahil baka magtampo ang matanda,” napapailing pang pagpapatuloy ng ama.
Naalala ni Ysa ang mga panahong madalas siya tawagin ni Nanay Esther na “Marites.” Tila nag-uulyanin na nga ang matanda. Pero hindi siya nagsalita.
“Sa tingin ko—” hindi nito naituloy ang sasabihin nang sawayin ito ng kanyang ina. Nagkatinginan nang makahulugan ang kanyang mga magulang.
Tahimik silang nagpatuoy sa pagkain. Maya-maya ay nabulabog sila ng tunog ng isang nabasag na kung ano.
Pagsilip nila sa kusina ay nakita nilang gulat na nakatingin ang matanda sa sahig, kung saan nagkalat ang pira-pirasong pinggan. Akmang pupulutin ng matanda ang mga bubog nang muling mag-bountaryo ang kanyang kapatid na linisin ang kalat.
“Ako na ho, ‘nay, baka masugatan pa kayo.”
Hiyang-hiya naman ang matandang humingi ng paumanhin sa kanyang magulang.
“Naku, pasensiya na.”
“Ayos lang ho ‘nay, magpahinga na ho kaya kayo nang mas maaga? Mukhang hindi ho maganda ang kondisyon ninyo eh,” nag-aalalang sabi ng kanyang anak.
Tumalima naman naman ang matanda. Mukhang pagod na pagod nga ito.
Bago matulog ay napagdesisyunan ni Ysa na bisitahin ang matanda sa kwarto nito.
Pagpasok niya ay nakita niyang nagtatawanan ang kanyang kapatid at si Nanay Esther. Mukhang nag-aalala rin ito para sa matanda.
“Ayos lang ako, Jayson,” narinig niya pang sabi ng matanda sa kanyang kapatid.
Sumali si Ysa sa kwentuhan ng dalawa. Maya-maya ay may bagay na pumukaw ng kanyang atensiyon.
“’Nay, ano pong laman ng malaking box na ‘yun?” turo niya sa isang magarbong kahon na kulay ginto.
“Ah, ang mga kayamanan ko!” Natawa ang matanda.
“Talaga ‘nay? Mukhang marami kayong pera ha!” biro ng kapatid niya.
“Naku, mas mahalaga pa sa pera ang laman niyan!” pagyayabang naman ng matanda.
Minasdan ni Ysa ang maaliwalas na mukha ng matanda. Makikita ang saya nito habang pinag-uusapan ang “yaman” nito.
Hindi niya tuloy maiwasang ma-intriga dito. Ano kayang laman ng kahon na ‘yun?
Yun ang nasa isip ni Ysa habang naglalakad papunta sa kwarto niya. Napatigil siya nang marinig ang kanyang mga magulang na nag-uusap.
“Ano? Hindi, hindi ako papayag! At hindi din yan gugustuhin ni Jay at Ysa!” narinig niyang sabi ng kanyang ina.
Alam ni Ysa na mali ang makinig sa usapan ng iba ngunit na-kuryoso siya nang marinig ang pangalan nilang magkapatid.
“Ayaw ko rin naman na mawalay sa inyo si Nanay Esther, Tess. Alam kong kapamilya na ang turing niyo sa kanya. Ang kaso ay tumatanda na si Nanay Esther. Hindi na niya kaya pang magtrabaho nang maayos para sa atin,” malumanay na paliwanag na ama.
“E ‘di pahintuin natin siya sa pagtatrabaho!” hindi nagpapatalong sagot ng ina.
“Sige, pwede nating gawin yan. Pero sino’ng mag-aalaga sa kanya? Nagtatrabaho tayo. Nag-aaral ang mga bata.”
Natigilan ang ina. Tila noon lamang nainitindihan ang pinupunto ng asawa. Maya-maya pa ay narinig niya ang mahinang paghikbi ng ina.
“Kawawa naman si Nanay Esther. Buong buhay niya ay tayo ang kasama niya. Ngayon ay dadalhin natin siya sa ibang lugar, na siya lang mag-isa?” umiiyak na sabi ng kanyang ina.
“Tess, ipapaliwanag naman natin na sa kanya na para rin yun sa kapakanan niya,” pag-alo ng kanyang ama sa nanay niyang patuloy sa pag-iyak.
Si Ysa naman ay hindi makapaniwala sa narinig. Pumihit siya patalikod at nagulat pa na may tao pala sa kanyang likod. Si Jayson. Tila narinig din nito ang pag-uusap ng mga magulang. Namumula na din ng mata nito, tila maiiyak na. Niyakap siya ng kapatid.
“Kuya, ayokong iwanan nang ganun si Nanay Esther,” doon na siya napahagulhol.
“Alam ko…” naramdaman niya din ang pagluha ng kapatid.
Nang sumapit ang almusal ay tila walang may gustong kumain sa mag anak.
“Ayaw niyo ba ng niluto ko?” tanong ng matanda nang mapansing tila walang gana ang mag-anak.
“Naku, hindi ho ‘nay! Masarap ho ang pagkain,” pagpapasigla ng ama sa atmospera ng bahay.
Totoo naman iyon. Masarap talaga magluto si Nanay Esther. Tila gusto na namang tumulo ng luha ni Ysa pero pinigilan niya yun. Ayaw niyang mag-alala si Nanay Esther.
“Ano ba ang meron at tila iba ang ikinikilos ninyo?” takang tanong ng matanda.
Ang ama niya ang sumagot. “‘Nay, may sasabihin ho sana kami e.”
“E ano ba iyan?”
“Alam ho kasi namin na tumatanda na ho kayo at nahihirapan na kayo sa gawaing bahay,” pagsisimula ng kanyang ama.
“Kaya ho naisip namin na dalhin kayo sa isang lugar kung saan hindi niyo na kailangan magtrabaho. Dun ho, kayo ang aalagaan.” Maingat ang bawat salitang binibitiwan ng padre de pamilya.
“’Nay, napakatagal na panahon nang nagtatrabaho kayo, siguro oras na para magpahinga kayo mula sa pagtatrabaho,” pagtatapos ng ama.
Tila agad naman naunawaan ng matanda ang sitwasyon.
“Naku, mukhang maganda yan. Nitong mga nakaraang araw nga ay talagang mabilis akong napapagod. Siguro nga ay panahon na para magpahinga ako mula sa pagtatrabaho. Bisitahin ninyo ako doon, ha?” Hindi kakikitaan ng lungkot ang mukha ng matanda, bagkus ay nakangiti pa ito.
Doon na tuluyang bumuhos ang luha ng mag-iina.
Tumayo ang magkapatid at niyakap ang matanda. “Bibisitahin ho namin kayo araw araw, ‘nay,” pangako nila.
Ang kanilang Mommy naman ay tahimik lamang ngunit patuloy sa pagluha. Niyakap ito ni Nanay Esther.
“Naku, iyakin pa din ang alaga ko hanggang ngayon.”
Mas lalo lamang napahagulhol ang kanilang ina. Tila nagdadalamhati sa napipintong pag-alis ng taong itinuturing nitong ina.
Dumating ang araw ng pag-alis ni Nanay Esther. Tahimik ang lahat sa sasakyan papunta sa Home for the Aged. Ang matanda ay tahimik lamang na nakatanaw sa labas ng sasakyan.
Maya-maya ay nagsalita ang matanda. “Maraming salamat sa pagturing ninyo sa akin bilang isang tunay na kapamilya. Masaya ako sa naging buhay ko sa bahay ninyo.”
Ginagap ni Ysa ang kamay ng matanda.
Walang nakapagsalita. Tila anumang salitang lalabas sa bibig ng mag-anak ay magiging dahilan ng pagbulwak ng mas maraming luha, kaya pinili nilang manahimik.
Nakarating sila sa destinasyon.
Isa-isa nilang inilabas ang bagahe ng matanda. Binitbit nila ang mga gamit nito papasok ng pasilidad.
Nagsimula nang muling umiyak ang magkapatid. Si Jayson, sa panlalabo ng mata dulot ng pag-iyak ay aksidenteng nabitiwan ang gintong kahong pagmamay-ari ni Nanay Esther.
Kumalat ang laman ng kahon. Makikita sa sahig ang mga litrato. Litrato ng pamilya nila. Nandoon ang mga larawan nila sa iba’t-bang okasyon – pasko, bagong taon, kaarawan, pagtatapos, at marami pang iba.
Makikita din ang iba’t-ibang gamit na niregalo nila sa matanda sa iba’t ibang okasyon. May bag, relo, alampay, sapatos, at kung ano-ano pa. Karamihan ay maingat na nakabalot sa plastik.
“’Nay, ito ba yung sinasabi mong kayamanan mo?” takang tanong ni Jayson.
Nahihiyang napangiti ang matanda. “Oo, anak. Ang kayamanan ko ay ang pamilya niyo.”
Tila sinampal ang bawat isa sa sinabi ng matanda.
Ang kanyang ina ay hindi nakapagpigil at tinakbo ang distansiya nito at ng matanda at niyakap ito ng mahigpit. Sa garalgal na boses, paulit-ulit nitong sinabi ang mga salitang “Sorry, ‘nay!”
Ang kayamanan ay pamilya. Ang kayamanan ay iniingatan, at hindi sinasayang. Ang pamilya ay hindi iniiwanan. Yun ang nasa isip ni Ysa nang mga sandaling iyon.
Nahagip ng kanyang tingin ang pasimpleng pagpupunas ng kanyang ama ng luha. Tila naantig din ang damdamin nito sa sinabi ng matanda.
Nang araw na iyon, walang paghihiwalay na nangyari. Iniuwi nila ang matanda sa kanilang bahay – sa kanilang pamilya.