Dalawang Pirasong Kendi At Ang Matandang Pulubi

“Tanghali na, gising na Lena! Ano ba naman yan, matutulog ng alas dose, gigising ng alas dose din! Aba naman, bente anyos kana, ayusin mo na buhay mo’t hindi patambay-tambay ka lang diyan sa kanto kasama ng mga tropa mong bulok!” paalmusal na sermon ng nanay ni Lena ng umagang iyon.

Araw-araw ay dinig na dinig sa buong barangay ang ganitong eksena nilang mag-ina dahil lapit-lapit lamang ang mga bahay. Dahil dito ay kaliwa’t kanan ang maririnig na chismis tungkol sa kaniyang pagiging “palamunin”, pagiging “walang kwentang anak” at “salot sa lipunan”. Sa katunayan nga ay binansagan na siyang “Lenang Gala” sa kanilang barangay sapagkat gabi-gabi siyang laman ng tambayan simula pa noong natigil siya sa high school at mamatay ang lola niyang nagpalaki sa kaniya.

Sa paglipas ng panahon na paulit-ulit niyang naririnig ang mga chismis, di namalayan ng kaniyang murang isip na unti-unti na rin siyang naniniwala dito. Kung ang tingin sa kanya ay patapon na, puwes wala na siyang pakialam doon. Hindi na niya pinakikinggan ang mga ito at tinaanggap niya nang pagtambay na lang ang magiging buhay niya.

“Kung ayaw nila sa’kin, pwes manigas sila kakachismis! Ayoko din sa kanila no!” ani ni Lena habang ngumunguya ng tig-lilimang pisong chichirya sa may tapat ng tindahan kung saan siya ay nakatambay kasama ang kaniyang tropa.

Malakas na nagtawanan ang magtotropa na naging dahilan upang sigawan sila ni Aling Nena na may-ari ng tindahan.

“Hoy! Puro utang na nga iyang mga nginangata ninyo ay nag-iingay pa kayo diyan! Mga walang silbi, hmp!” masungit na saway sa kanila ng ale.

Hindi ito pinansin ng kaniyang mga kaibigan, sa halip ay ipinagpatuloy ang pambubuyo sa kaniya. “Ayos lang ‘yan Lena! Sasamahan ka naming tumambay dito kahit habangbuhay!” malakas na sabi ni Bikoy na kababata niya at kaparehong di nakapagtapos ng hayskul.

Muli na namang nagkantyawan ang magkakaibigang tambay. Kahit nakikitawa siya sa mga ito, may katiting na kurot pa rin sa kaniyang dibdib.

Advertisement

“High school na nga lang ay di niya pa natapos,” lihim niyang palatak. Paano ba naman ay puro pamamahiya lang ang sinapit niya sa paaralan. Mula sa mga tukso tulad ng “negra” o “natutulog ang utak”, pati mga guro ay ganoon na lamang kung maliitin ang kakayahan niya.

“Hay naku! Puro bad vibes ngayong gabi ah. Bahala na kayo diyan at uuwi na lang ako,” sigaw niya sa kaniyang mga kasama.

Tumuloy siya sa isang masikip na eskinita kung saan niya naisip na lumipat ng tambayan. Hindi naman niya talaga gustong umuwi, gusto niyang mapag-isa. Umupo siya sa isang tabi at nagpasak ng earphones sa kaniyang tenga. Habang kinakalikot ang kaniyang cellphone ay nagulat siya nang biglang tumambad sa paningin niya ang isang madungis at kulubot na kamay.

Kumunot ang noo at nagsalubong ang kaniyang bagong ahit na mga kilay, tinanggal niya ang earphones sabay sabi sa matanda, “Wala ho akong pera kung iyon ang kailangan niyo, doon sa mga tropa ko sa may tindahan, baka meron,” sabay turo sa pinanggalingang direksyon kung saan niya iniwang nakatambay ang mga kaibigan.

Muli niyang itinuon ang pansin sa hawak na cellphone ngunit mapilit ang matanda at hindi inalis sa pagkakalahad ang maduming palad sa kaniya. Nag-umpisa na siyang mairita at inihanda ang matalim na tingin. Ngunit nang tignan niya ng maigi ang matanda ay at saka lamang lumusot sa kaniya ang kaawa-awang hitsura nito, lalong higit ang labis na gutom at lungkot sa mga mata nito. Naibsan ang kaniyang pagkairita at sa halip ay kinapa ang bulsa ng maikling shorts na suot. May natitira pa siyang dalawang pirasong kendi kaya’t ito ang iniabot niya sa matanda.

“Pasensya na po, wala kasi talaga kong pera, tambay lang po ako kaya heto lang ang mabibigay ko sa inyo,” ani ni Lena. Laking tuwa namang kinuha ng matanda ang mga kendi at ang sunod na tanong nito ang nakakuha ng atensyon ni Lena.

“Paano mo nakikita ang sarili mo, sampung taon mula ngayon?” banayad na tanong ng matandang plubi.

“Ah…Eh… Wala po akong pangarap eh,” nahihiyang sagot ni Lena.

Advertisement

“Iyan ang pinaniniwalaan mo. Pero hanapin mo lang sa iyong puso, tiyak akong may matatagpuan ka,” matalinhagang sagot ng matanda na may tipid na ngiti sa mga labi.

Naalala ni Lena bigla ang kaniyang yumaong Lola. Isa itong mahusay at mabait na guro. Kung katulad sana nito ang mga naging guro niya ay baka naengganyo pa siyang ipagpatuloy ang pag-aaral.

“Baka po… maging isang teacher,” nag-aalangang tugon ni Lena.

“Ayun! Pero paano ka naman magiging isang teacher kung gabi-gabi kang nandito sa lansangan? Hindi sa ika’y aking pinagagalitan ah, habang may panahon ka pa ay dapat kang magsikap, kasi baka matulad ka sa akin na huli na ang lahat at nanghihingi na lamang sa kalye,” payo ng matanda na mababakas ang matinding pagkahinayang sa tinig.

Mas nangibabaw sa awa ang pagkaantig ni Lena sa mga narinig mula sa matanda. Sobrang tagal mula noong huling may nagsabi sa kaniya ng mabubuting salita. Dahil dito ay hindi na napigilan ni Lena na magkwento at ibahagi ang kaniyang hinanakit.

“Sa totoo lang ho, gusto ko naman talaga mag-aral kaso wala namang naniniwala sakin eh, wala na raw akong magandang kinabukasan. Pero salamat po at heto, ngayon lang meron naniwala sakin, at ikaw pa yun, Tay! Yung pamilya ko at mga tao sa paligid ko, lahat sila nawalan na ng pag-asa at tiwala na kaya ko pang magbago,” nanahimik nang saglit si Lena at muling nagpatuloy.

“Kaya ikaw, Tay, hindi ka lang na nanghihingi lamang sa mga tao sa kalye, naniniwala ka rin sa kakayahan ng mga tao kahit na sino o ano pa sila, isa po iyong trabaho na higit pa sa pagiging propesyunal!” maligayang tugon ni Lena sa matanda. Ang mga salitang ito ay tumimo sa puso ng matanda at laking pasalamat niya sa dalawang pirasong candy ni Lena na nakapagpabago ng buhay nilang dalawa.

Nang gabi ring iyon, alas-dies pa lamang ay umuwi na ng bahay si Lena at sinabihan na din ang mga kaibigan na umuwi na rin. Nangako siya sa matanda, at higit doon, sa kaniyang sarili, na sampung taon mula nang gabing iyon, siya ay isang magiging isang guro na maniniwala sa kakayahan ng bawat bata at tao sa kaniyang paligid. Dahil minsan, isang tao lamang ang kailangang maniwala upang magkaroon tayo muli ng pag-asang magbago at abutin ang ating mga pangarap.