Si Yael Veranda ay dalawampu’t apat na taong gulang. Siya ay isang lalaking isinumpa. Isang libong taong na siyang nabubuhay sa mundo ng hindi tumatanda. Sa kadahilanang isinumpa siya ng isang babae na niloko at sinaktan niya noong unang panahon. Isinumpa siya nito na patuloy siyang mabubuhay hangga’t hindi niya nahahanap ang babaeng magtatanggal sa kanya ng sumpa. Paulit-ulit siyang isisilang at mabubuhay hanggang hindi niya natatagpuan ang babaeng magmamahal sa kanya ng wagas at totoo at kayang tanggapin ang kanyang pagkatao. Kapag nangyari iyon ay saka lamang matatapos ang sumpa.
“Kailan kaya siya darating sa buhay ko? Ayoko ko na ng ganito…” bulong ni Yael sa sarili.
Maraming babae na ang dumaan sa kanya. Minahal naman siya ng mga ito ngunit kahit isa sa mga babaeng iyon ay hindi natanggap ang kakaiba niyang pagkatao. Nakikipaghiwalay ang mga ito o di kaya ay kusang lumalayo sa kanya at hindi na nagpapakita. Gustung-gusto na niyang maging tulad ng isang normal na tao. Tumatanda, nagkakasakit at namam*tay.
Isang araw ay may nakilala siyang isang babae, ang pangalan nito ay Janina. Nagta-trabaho ito bilang sekretarya sa isang kilalang kumpanya sa Makati . Isang kumpanyang madali siyang makakapasok, dahil siya ay naging isang mainpluwensyang tao sa kasalukuyan panahon. Maaari siyang magpanggap bilang isang empleyado, dahil sa matalik niyang kaibigan ang may-ari ng kumpanyang iyon. Tiyak hahayaan nito na gawin ang gusto niya.
“Hi, Miss, ako nga pala si Yael, Yael Veranda,” pakilala ng binata sa dalaga na nakaupo lang sa mesa nito.
“I’m Janina,” pakilala nito at saka inilahad ang kamay.
“Bago ka dito di ba? Ngayon lang kasi kita nakita e,” tanong ni Yael.
“Ah, oo. Wala pa akong isang buwan,” sagot ng dalaga.
“Ikinagagalak kitang makilala. Sana ay maging magkaibigan tayo,” hayag pa ng binata.
“Bakit naman hindi? Mukha ka namang mabait. Tiyak na magkakasundo naman siguro tayo,” sagot naman nito.
Nakaramdam ng kakaibang tuwa si Yael sa sinabi ng dalaga.
“Hindi ba pwedeng mahalin mo na lang ako agad, tiyak sa taglay kong karisma doon din ang punta natin,” bulong ni Yael sa isip.
Akala niya ay magiging madali ang takbo ng lahat, akala niya ay madaling mapapa-ibig ang dalaga ngunit nagkamali siya dahil si Janina ay ang tipo ng babae na maysadong ginugugol ang sarili sa trabaho. Mas mahal pa nito ang trabaho kaysa sa sarili.
“Mukhang mahihirapan ako sa kanya. Pagod na akong mabuhay pa. Siya na lang ang paraan upang makapagpahinga na ako,” wika ni Yael sa sarili.
Samantala, dahil naman sa magandang ipinapakita ni Janina sa kumpanya ay na-promote ito sa trabaho. Dahil sa promosyon na iyon, isang party ang inorganisa ng mga ka-trabaho nito sa opisina.
Habang nagkakasiyahan ang lahat at si Yael ay nasa isang sulok lang at umiinom ng alak, bigla siyang nilapitan ni Janina.
“Hinay-hinay lang sa pag-inom Yael,” wika sa kanya ng dalaga. “Alam mo, isang taon na ko sa trabaho ay hindi man lang kita nakitang nagtrabaho, wala kang ibang ginawa kundi ang kulitin ako at yayain akong lumabas. Kung ako ang boss mo, siguradong sisante ka na,” dagdag pa nito.
“B-bakit kasi hindi ka na lang pumayag?!” humihikbing taas boses na tanong ni Yael.
“Naisip kong matagal na ka nang nagpaparamdam sa akin pero hindi pa kita napagbibigyan. Pasensya na kung masyado akong nakatuon sa trabaho ko. Ako lang kasi ang inaasahan ng pamilya ko e. May mga kapatid pa akong nag-aaral at ako ang tumutustos kaya kailangan kong magtrabaho ng maayos. Nakikikita ko naman na matiyaga ka, sige na payag na ako na lumabas tayo,” sagot nito.
Laking tuwa ni Yael sa pagpayag na iyon ng dalaga. Hindi siya makapaniwala na sa tinagal-tagal niyang nagpapahiwatig rito ay ngayon lang ito nagpaunlak ng oras nito sa kanya.
Napadalas ang paglabas-labas nilang iyon hanggang sa ang pagiging magkaibigan nila ay napunta na sa sumunod na lebel. Natutunan na ni Yael na mahalin ang dalaga. Kung dati ay gusto lamang niya na mapa-ibig si Janina para mawala ang kanyang sumpa, ngayon ay tuluyan na siyang nahulog rito. Umiibig na siya sa kanyang ka-opisina.
“Sa araw-araw na nakikilala kita ay araw-araw mo rin na ipinaparamdam sa akin na mahal mo ako, Yael. Salamat, at dahil diyan ay sinasagot na kita,” nakangiting sabi ng dalaga sa binata.
Napamulagat si Yael. Hindi makapaniwala na sinasagot na siya ni Janina.
“Ang ibig bang sabihin nito ay mahal mo rin ako?” gulat niyang tanong.
“Bakit naman hindi? Tingin mo ba ay hindi ko napapansin lahat ng ginagawa mo para sa akin? Hindi ka mahirap mahalin. Kaya maniwala ka sa sinabi ko sa iyo. Mahal na kita, Yael. Mahal na mahal,” sagot pa nito.
Tumibok ng mabilis ang puso ni Yael ng marinig ang salitang mahal kita na hindi naman niya hiniling. Maya-maya ay hinarap niya ang dalaga upang ipagtapat na rito ang pinakatagu-tago niyang lihim. Isinalaysay niya rito ang tungkol sa kanyang sumpa. Nang masabi na niya ang buong katotohanan ay tinanong niya ito kung handa pa rin ba siya nitong mahalin sa kabila ng naiba niyang pagkatao?
Sa una ay nagulat ang dalaga sa kanyang ibinunyag ngunit pagkaraan ng ilang minuto ay sinagot ang kanyang katanungan.
“Mula noong makilala kita ay wala kang ibang ipinakita at ipinaramdam sa akin kundi ang iyong kabutihan at pagmamahal. Sino ba naman ako para hindi tanggapin ang katauhan mo? Hindi na mahalaga kung isinumpa ka ng kung sinuman, ang mahalaga sa akin ay ang makasama ka habang ako ay nabubuhay. Wala na akong pakialam kung una akong mawawala sa buhay mo, ang gusto ko ay makapiling ka hanggang sa aking maging huling hininga,” sagot ni Janina sabay yakap sa kanya nang mahigpit.
“Mahal na mahal kita, Janina. Nang dumating ka sa buhay ko ay natutunan ko ang magmahal ng totoo. Hindi na rin mahalaga sa akin kung mawala man ang sumpa o hindi. Makasama lang kita ay sapat na para ipagpatuloy ko ang mabuhay,” wika ng binata.
Itinuloy nila ang kanilang pagmamahalan. Ikinasal ang dalawa at biniyayaan ng tatlong anak. Lumipas ang maraming taon at nabigla si Yael sa nangyayari sa kanyang katawan. Nagsimula ng mangulubot ang kanyang balat at tumanda ang kanyang mukha.
“Diyos ko, salamat po at natapos na rin ang sumpa,” tangi niyang nasambit.
Sa ngayon ay magkasama na nilang hinihintay ni Janina ang oras na lilisanin na nila ang mundo. Masaya sila dahil nakatitiyak na sila na sa kanilang pagpanaw ay makakasama ulit nila ang isa’t isa sa kabilang buhay.