Inday TrendingInday Trending
Pangako Mong Inaasahan Ko

Pangako Mong Inaasahan Ko

Mga bata palang si Cheky at Gerald ay nangako na ang binata na liligawan ang babae pagdating ng panahon, kapag pareho na silang nasa tamang edad. Hindi iyon kinalimutan ni Cheky at dala niya hanggang ngayon.

Ngunit kasabay yata ng pagbibinata nito’y nakalimutan na rin ni Gerald ang ipinangako nito sa kanya. Habang siya naman ay umaasa pa ring matutupad iyon. Palihim na naghihintay.

Nang kinailangan niyang umalis sa probinsya nila upang makipagsapalaran sa ibang bansa ay ipinangako niya sa sariling babalik siyang maganda at maaakit ito sa kanya, saka niya ipapaalala sa lalaki ang ipinangako nito noon.

Lumipas ang limang taon na pamamalagi sa ibang bansa ay nagdesisyon siyang umuwi na sa Pinas, parang nais naman niyang magpahinga na muna at bigyan ng kaligayahan ang sarili.

Hindi pa rin nawala sa puso niya si Gerald. Ibang-iba na nga siya ngayon at hindi na ang neneng na si Cheky noon, sabi ng karamihan dalagang-dalaga na ang kanyang awra, kaya naman baka sakali ay matupad na ang kanyang matagal nang hinihiling.

“Oy, Cheky alam mo ba narinig ko lang kanina sabi ni Gerald ikakasal na raw siya. Malapit na,” wika ng pinsan niyang si Jean.

“Sino naman daw ang bride niya?”

Nagkibit-balikat ito. “Iyon ang hindi ko alam.”

Grabe, todo effort pa naman sana siya tapos ang ending butata parin pala? Hindi parin pala siya mamahalin ng lalaking matagal na niyang pinangarap. Kasi malapit na pala itong ikasal. Sino naman kaya ang ma-swerteng babae?

“Hi Cheky,” nakangiting bati sa kanya ni Gerald habang nakasalubong niya ito sa daan.

“Hello–” agad din siyang natigilan nang may naalala. Komprontahin niya kaya ito at sumbatan? Tanungin kung anong kulang sa kanya? Sabagay malapit narin naman itong ikasal, kung hindi niya gagawin ngayon kailan pa? “Teka nga Gerald,” agad naman itong napahinto sa paglalakad.

“Sabihin mo nga sa’kin kung may naaalala ka pa bang pangakong ginawa mo sa’kin noong mga sipunin at uhugin pa tayo? Gusto ko lang malaman kung naaalala mo pa ba iyon. Isipin mo nalang na closure natin ito, gusto ko na rin magmove-on sa’yo kasi para naman akong tanga nito na maghihintay sa’yo tapos ikaw pala’y malapit ng ikasal.

Kasi ako hindi ko nakalimutan ang pangako mo e, umasa ako na balang araw tutuparin mo iyon. Ano, may naaalala ka ba?” pigil ang hiningang hinintay niya ang isasagot ng lalaki.

“Oo meron,” sagot nito.

Kung ganoon ay naalala nga nito, pero hindi naman itinuloy. Baka kasi hindi siya nagdalagang maganda para rito, ganoon ba? Na napag isip isip nitong..marami palang iba. Tatalikod na sana siya nang muling magsalita ang binate.

“‘Di ba nga sabi ko noon na paglaki natin liligawan kita at pakakasalan. Teka, ni hindi mo pa ako na-congratulate kasi ikakasal na ako. Pati sarili mo, batiin mo na rin,” nangingiting wika nito.

“Ano?”

“Wala naman akong ibang pakakasalan kundi ikaw lang. Humahanap lang kasi ako ng tyempo kung paaano kita liligawan. Kapag kasi tinitingnan kita, parang hindi ka naman lumaki, parang bata ka pa rin katulad noon.”

Sumaya na sana siya ngunit agad ding nawala dahil sa sinabi nito. “Hindi por que mahal ka ng langit at mahal ako ng lupa ay iinsultuhin mo na ang pagkapandak ko Gerald.”

Tatawa-tawa ito habang marahan na lumapit sa kanya. “Pwede ba kitang yakapin?” hindi na niya ito sinagot at siya na mismo ang yumakap sa lalaki. Kay tagal niyang hinintay ang ganitong tagpo, ang dami na niyang ginawa sa sarili para lang mapansin siya nito. Hindi niya aakalain na sa pag-uusap lang pala madadaan ang lahat. Kung alam lang niya sana noon niya pa kinausap ang lalaki.

“Salamat at kinausap mo ako ngayon, salamat at nilabas mo ang sama ng loob mo sa’kin. Nagpapakalat ako ng kwento para makarating sa’yo. Ang akala ko naman ay na-gets mo na agad na ikaw iyon dahil ikaw lang naman ang pinangakuan ko noong mga bata pa tayo. Inisip ko na baka nakalimutan mo na. Salamat at hindi pala,” hinalikan nito ang kanyang noo.

“Ang akala ko talaga sa iba ka magpapakasal, lalamayan ko na sana ang puso ko. Dapat kasi noon pa kinausap mo na ako, babae ako kaya hinihintay kitang ligawan ako para tuparin ang ipinangako mo.”

Tabingi itong ngumiti. “Kung gaano ako kadaldal noon, gano’n naman ako ka-torpe ngayon.”

“Tama, kaya sabi nga sa relasyon dapat may kumunikasyon. Kaya simula ngayon, huwag kang panay palipad hangjn at kausapin ako ah.”

“Opo.” muli ay naghinang ang kanilang labi.

Sabi nga nila ay huwag mahihiyang magtanong, para hindi ka maligaw. Gano’n lang din ang pag-ibig, mas mabuting pag-usapan at hindi puro paramdam lang.

Advertisement