Inday TrendingInday Trending
Hustisya o Medalya?

Hustisya o Medalya?

“Paano ba yan Liza, mas mataas nanaman ako sayo!” ika ni May habang binabalandra ang kanyang sagutang papel.

“Yabang mo talaga! Mauungusan rin kita balang araw at magiging valedictorian ako!” sambit ni Liza na may halong pagkainis sa dalaga.

Kilala sila Liza at May bilang dalawa sa pinakamatatalino sa kanilang paaralan. Kaya naman nagpapaligsahan sila kada may pagsusulit. Sabi nga ng iba, para silang mga batang nag-aagawan sa iisang ice cream. Dahil wala ni isa sa kanila ang nais magpatalo, pareho nilang gustong maging valedictorian.

Isang araw naiwan ni Liza ang kanyang notebook sa kanilang silid kaya naman binalikan niya ito kahit ganap na alas siyete na ng gabi dahil kailangan niyang mag-aral. Ngunit akma niya pa lang bubuksan ang pintuan, may naririnig na siyang ingay sa loob ng silid. Wala siyang makita dahil nakapatay ang ilaw kaya naman dahan-dahan siyang pumasok at binuksan ito.

Kitang-kita niya kung paano inuntog ng isang lalaki ang babaeng walang saplot sa kanyang harapan sa lamesa, sakto sa pagbukas niya ng ilaw. Nagulat siya at halos hindi makagalaw sa kinatatayuan. Agad naman siyang nilapitan nito bitbit-bitbit ang walang malay na katawan ng dalaga, hindi niya alam kung may buhay pa ito.

“Itikom mo yang bibig mo at kalimutan mo lahat ng nakita mo.” pananakot ng lalaki.

“P-pero Sir, o-okay lang ba si M-may?” nangangatal na tanong ni Liza, hindi niya matingnan ang walang malay na dalagang buhat ng guro.

“Sabi nang kalimutan mo na ang nakita mo! Hayaan mo gagawin kitang valedictorian! Basta huwag ka lang maingay! Naiintindihan mo?” sigaw ng guro saka labas sa silid buhat ang dalagang walang saplot, naiwan naman si Liza na tulala at nanghihina.

Kinabukasan pumutok ang balitang natagpuan ang walang buhay na katawan ni May sa isang liblib na lugar ng walang saplot, hindi kalayuan sa kanilang paaralan. Narinig ni Liza ang mga usap-usapan ng mga kamag-aral dahilan para mapatungo na lang siya sa kanyang lamesa at doon umiyak. Takut na takot ang dalaga at kitang-kita sa kanyang mga mata ang pangamba.

“Subukan mong magsalita, ikaw ang isusunod ko.” isang tinig ang kanyang narinig sa tenga dahilan para mapabangon siya sa lamesa, ngunit pagbangon niya, wala ni isang tao ang malapit sa kanyang kinauupuan. Sa labis na takot ng dalaga, kung anu- ano na ang naiisip niya.

Dumating ang guro nila, nagsiayos ng upo ang lahat ngunit diretso lang itong nakatingin sa kanya dahilan para mapatungo siyang muli.

“Alam kong nalulungkot kayong lahat dahil sa sinapit ng inyong kamag-aral. Sayang, ilang araw na lang at graduation niyo na. Ngunit andito ako para ipagbigay alam sa inyo na ang ating valedictorian ay walang iba kundi si Liza!” ganadong wika nito, nagpalakpalakan naman ang lahat. “Hindi ka ba masaya?” tanong nito sa dalaga, tila nandidilat ang mga mata nito.

“S-sadyang hindi lang po ako makapaniwala.” matipid na sambit ng dalaga.

Maya-maya pa may mga pulis na dumako sa kanilang silid upang mag-imbestiga. Bawat estudyante ay kinakausap nila, todo titig naman ang kanilang guro sa kanya, para bang sinasabing, “Itikom mo ang bibig mo.” At dahil nga sa takot, nagsinungaling ang dalaga noong siya ay tinanong na ng mga pulis.

Lumipas ang mga araw at hindi pa rin pinapatulog ng konsensya niya si Liza. Wala siyang ginawa kundi umiyak at humingi ng gabay sa Panginoon. Hanggang sa napagtanto niyang, kailangan na niyang magsalita kundi buong buhay siyang hindi matatahimik. “Alam mo Diyos ko ang katotohanan, tulungan mo akong maisiwalat ito.” sambit ng dalaga habang humahagulgol sa kanyang silid.

Kaya naman sa mismong graduation nila, sa harap ng daan-daang tao, isiniwalat niya ang nasaksihan. Wala mang kasiguraduhan ang kanyang kaligtasan mula sa guro, alam niyang kasama niya ang Diyos sa labang kinakaharap niya.

“Hindi ko kailangan ng mga medalyang ito kung galing lang rin ito sa kahayupang nasaksihan ko.” huling mga katagang sinabi ng dalaga sa kanyang talumpati bilang isang valedictorian. Agad namang dinampot ng mga nakadestinong guwardya ang gurong tinukoy niya.

Nakulong nga ang nasabing guro at nabigyan ng hustisya ang pagkawala ng kanyang matalik na ka-kumpitensyang si May.

“Walang ano mang medalya ang mas mahalaga sa hustisya. Salamat, Panginoon ko.” sambit ng dalaga, para bang nabunutan siya ng isang malaking tinik sa puso.

Advertisement