“Tita, malapit nang mag-isang taon ang anak ko. Pwede bang ikaw na ang sumagot ng spaghetti?”
“Kuya, birthday na ni Prince! Ikaw na sa ice cream ha?”
“Friend birthday na sa isang Linggo ng inaanak mo, sagutin mo na ang cake niya ha.”
Ilan lamang ito sa mga mensaheng ipinadala ni Cheche sa mga kamag-anak at kaibigan niya sa messenger. Malapit na kasi ang kaarawan ng kanyang isang anak at gusto niya sanang mabigyan ito ng engrandeng handaan kung saan maiimbitahan niya ang lahat ng ka-barangay niya.
Ngunit dahil nga sa hirap ng buhay, wala siyang sapat na pera para sa kagustuhan niyang ito kaya niya naisipang manghingi nalang. May tulong naman na inaabot ang iba ngunit karamihan wala kaya labis ang kanyang kalungkutan.
“Kapag sila naman ang nangangailangan ng tulong wala pang ilang minuto rumeresponde ako sa kanila, pero bakit kapag usapang pera hindi man lang nila ako mabigyan.” sumbong ni Cheche sa asawa.
“Sabi ko naman kasi sayo, ayos lang na dalhin na lang natin sa simbahan si baby tapos kain lang tayo sa labas. Okay na yun!” ika naman ng kanyang mister habang pinupunasan ng bimpo ang kanilang nilalagnat na anak.
“Ano ka ba? Isang beses lang mag-iisang taon ang anak mo tapos ganon lang? Bigyan naman natin siya ng masayang selebrasyon!” inis na ika ng babae.
Lumipas ang mga araw at kaunti pa rin ang nagbibigay kay Cheche. Naiinis na siya sa mga kaibigan at kaanak na hindi man lang binabasa ang kanyang mga mensahe. Kaya naman tinatadtaran niya ang mga ito ng message, ang iba pa ay tinatawagan niya.
Habang aligaga siya sa cellphone, biglang sumigaw ang kanyang asawa mula sa kanilang kwarto. Humahangos namang nilapitan niya ito. Pagbukas niya ng pinto, nakita niya ang nanlalambot na anak na karga ng kanyang mister, napakataas ng lagnat ng bata.
“Dalhin na natin sa ospital si baby, Cheche. Sobra na ang pagsusuka niya saka iba na ang taas ng temperature niya.” nag-aalalang ika ng lalaki.
“Kaso wala tayong pera, pang birthday niya itong perang itinatabi ko. Basang bimpo lang katapat ng lagnat niyan, saglit kukuha ako.” sambit ni Cheche, halatang natataranta na siya pero pinipigilan niya.
“Pwede ba Cheche gumising ka sa kahibangan mo? Aanuhin mo yang birthday na sinasabi mo kung wala na ang anak mo sa araw na yon?” galit na sabi ng kanyang asawa, saka ito lumabas para dalhin sa ospital ang anak.
Pagkadala nilang ng baby sa ospital, doon agad nalaman ng doktor na may dengue ang bata. At kapag may lumabas nang dugo sa kahit anong parte ng katawan nito, ibig sabihin ay nanganganib na ang baby.
Labis namang ikinagulat ni Cheche ang mga nalaman. Wala siyang nagawa kundi maiyak sa gilid. Labis na pagsisisi ang kanyang nadarama dahil mas pinagbalingan niya ng pansin kung paano mabibigyan ng magandang kaarawan ang anak kaysa sa kalusugan nito.
“Gumaling ka lang anak, kahit na wala tayong panghanda sa kaarawan mo basta lumaban ka lang. Huwag mo kami iwan ng papa mo, pangako, mas aalagaan kita. Ngayon alam ko ng mas importante ka kaysa sa gusto kong maging maganda ang birthday mo.” ika niya sa anak habang hawak-hawak ang maliliit nitong mga paa.
Walang oras na hindi nagdarasal si Cheche upang humingi ng gabay at kapatawaran. Nagbunga naman ang matiyaga niyang pagdarasal sa Panginoon, dahil unti-unting lumalakas ang bata at saktong isang araw bago ang kaarawan nito, tuluyan na silang nakalabas ng ospital.
“Naku! Salamat talaga sa Diyos at okay na ang anak ko! Diyos ko, wala kang katulad!” sambit ni Cheche habang niyayakap-yakap ang bata. “Simba tayo bukas ha, tapos kahit bili na lang tayo ng pansit sa kanto.” ika niya sa kanyang asawa, agad naman itong sumang-ayon.
Nagpunta nga sila sa simbahan at doon labis silang nagpasalamat sa Panginoon. Katulad ng kanilang plano, bumili sila ng pansit sa kanilang kanto. Ngunit pagbukas nila ng kanilang pintuan, tumabad sa kanila ang mga pagkaing inihanda ng mga kaibigan ni Cheche sabay sabing, “Surprise! Happy Birthday Baby!”
Mangiyak-ngiyak naman ang babae sa ginawa ng mga kaibigan. Labis na saya ang kanyang nadarama. Dahil bukod sa may handa ang kaarawan ng kanyang anak, ang mas importante sa lahat, magaling na ito.
Minsan ay nahahasap tayo sa nakikita natin sa ibang tao- engrandeng birthday, mamahaling gamit, maraming pera. Laging tandaan na ang tunay na kayamanan ay ang ating pamilya. Kahit kapos sa buhay, basta kumpleto, masaya.