Sa Likod ng Matatamis na Ngiti
“Tol, pupunta ka ba? Huling araw na ngayon eh. Halika na!” wika ni Marlon sa nakatambay na kaibigan sa daan.
“Oo naman, andon ang buong tropa eh tapusin ko lang tong iniinom ko, saglit.” sambit ni Dantes, habang nainom ng softdrinks.
Isang taon na ang nakalipas noong huling pagsasama-sama nila Marlon, Dantes at apat pa nilang mga tropa. At hindi nila lubos na akalain na ang magiging dahilan muli ng kanilang pagkikita-kita ay sa burol pa ng isa sa pinaka-kuwela nilang kaibigan.
“Bert, bakit mo naman ginawa yun? Andito naman kami para tulungan ka eh. Bakit naman bigla mo kami iniwan?” sabi ni Marlon sa walang buhay na katawan ng kaibigan habang hinihimas-himas ang salamin ng kabaong nito.
“Pogi mo sana tol o, kung hindi ka lang nakapikit. Nangako tayo na magsusuot lang tayo ng barong kapag ikakasal na ang isa sa atin diba? Inunahan mo naman agad kami.” ika naman ni Popoy habang humahagulgol sa balikat ni Marlon.
“Hoy! Tama na yan. Ayaw niyan ni Bert na ma-drama tayo diba? Ano ang lagi niyang sinasabi kapag umiiyak si Popoy dahil iniwan ng girlfriend?” pagtatanong ni Dantes.
“Happy lang!” sabay-sabay na wika naman ng magkakaibigan.
Lumabas na sila sa bahay at naupo sa mga bangkuang nakahilera sa tapat. May saglit na misa kasing gaganapin upang ipagdasal ang kaluluwa ng yumao nilang kaibigan.
Pagkatapos ng misa, may pinanood sa mga nakilamay na isang video na naglalaman ng mga litrato ni Bert kasama ang kanyang pamilya at mga kaibigan.
“Hindi talaga inaasahan. Napakamasayahin niya, sino ang mag aakalang..kaya niyang tapusin ang buhay dahil sa dinadalang problema?” tulalang wika ni Jijo, pinakamalapit kay Bert.
“Oo, hindi ko nga akalain na may dinadala na palang problema yang anak ko eh, lahat ng problema niya itinatagao niya sa matatamis niyang ngiti at nakawiwiling tawa.” sabat ni Aling Lanis, ina ng binata. Nagulat ang magkakaibigan na naroon na pala ito at kanina pa nakikinig sa kanila.
“W-Wala ho ba siyang nabanggit sa inyo kung ano ang pinagdaraanan niya?” tanong nila.
“Gusto na niya daw matapos ang mga problema niya. Ito basahin niyo ang sulat niya.” maluha-luhang wika ng ale sabay abot ng isang dilaw na papel.
Para sa pinakamamahal kong nanay,
Nay, hindi ko na po kaya eh. Sobrang bigat na po, kung anu-ano nang pumapasok sa isip ko. Patawarin niyo po ako ha. Saka pakisabi po sa mga kaibigan ko, sila ang dahilan kung bakit nagtagal pa akong mabuhay, sila ang isa sa mga rason kung bakit sumasaya ako. At syempre kayo rin po Nanay, kaso siguro hanggang dito na lang po ako. Pagod na po akong maging pabigat sayo. Mahal na mahal kita, maraming salamat sa walang sawang pagmamahal at pag-iintindi, Nanay ko.
Nagmamahal,
Bert
“Nakita ko yan sa lamesa namin, kaya dali-dali akong nagpunta sa kwarto niya, pero huli na ang lahat. Bumubula na ang kanyang bibig at wala na siyang buhay.” tuluyan ng tumulo ang luha ng ale, nagsiiyakan na rin ang magkakaibigan.
“Hinala ko sobrang nahihirapan na ang anak ko sa buhay namin, wala siyang makuhang maayos na trabaho dahil hindi siya nakapagtapos sinabayan pa ng nobya niyang ayaw na sa kanya. Nagpatung-patong na ang problema ng anak ko, hindi ko man lang napansin.” ika ng humahagulgol na ale, ikinakalma naman ito ng mga kaibigan ng anak, pigil pigil ang mga luha dahil marami ng tao ang nakatingin sa kanila.
“Pasensya na po kayo Nanay, hindi rin po namin nakamusta man lang ang anak niyo. Sa totoo lang po, nagsisisi rin kami sa nangyari. Wala man lang kaming nagawa para iligtas siya sa sarili niyang pagkalubog.” ika ni Marlon, habang tinatapik sa likod ang ale, tumigil naman ito sa pag-iyak at pumasok sa loob ng bahay.
Napagtanto ng magkakaibigan na may pagkukulang pala talaga sila sa yumaong kaibigan. Nakonsensya silang lahat dahil wala man lang silang nagawa para kay Bert. Noong tumahimik na ang lahat at nahimasmasan na ang ale, bigla ulit itong lumapit sa kanila.
“Wala kayong kasalanan mga iho. Napagtanto ko na siguro gusto ni Bert na maging aral sa inyo na huwag niyo kalimutang kamustahin ang bawat isa. Dahil lahat tayo may kanya-kanyang bigat na dinadala. May magaling magdala ng problema, meron namang katulad ng anak ko na nawawalan agad ng pag-asa. Maging lakas kayo ng isa’t isa, bilang magkakaibigan.” nakangiti nang sabi ng ale, “O, ito tinapay saka juice, kain muna kayo.” alok pa nito.
Ang simpleng ‘kumusta’ ay maaaring makapagligtas ng buhay. Laging maging mabuti at huwag manakit ng kapwa. Huwag maging mapanghusga, dahil bawat isa sa atin ay may pinagdaraanang sarili lang ang nakakaalam.