Inday TrendingInday Trending
Pangit Ka Man sa Kanilang Paningin

Pangit Ka Man sa Kanilang Paningin

Noon ay iniisip na ni Aika kung bakit napaka-malas niyang nilalang. Minsan ay tinanong niya rin ang Diyos kung bakit siya isinilang na pangit ang hitsura. Bakit ba hindi na lang siya biniyayaan ng kagandahan, iyong mapapansin at hahangaan ng mga tao at hindi ang hitsura niya na kulang na lang ay layuan siya ng mga makakatabi niya. Nang magpaulan ng kapangitan ang langit ay sinalo niyang lahat.

Ang tanging humahanga sa kanya ay ang mga magulang niya na gandang-ganda sa kanya. Noong bata pa siya ay naniniwala siya sa mga sinasabi ng mga ito na maganda siya ngunit nang magdalaga siya ay doon siya sinampal ng masakit na katotohanan na ang mga sinabi ng mga magulang ay kabaliktaran nang nakikita ng lipunan. Sa panahon ngayon, kapag hindi ka maganda, kakawawain ka ng mundo.

Isang araw, papasok na sa eskwelahan si Aika nang biglang dumating ang kanyang matalik na kaibigan.

“Hoy, Aika, tara pasok na tayo!” malakas na sigaw ni Charles. Natatawa pa ito habang nakatingin sa kanya. Inirapan naman niya ang binata.

“Naku, narito na pala ang bestfriend mo, e! Charles, pagsabihan mo iyang anak ko, sabihan mo na mag-ayos naman sa sarili. Mula ng magdalaga iyan ay tinamad nang maglagay man lang ng pulbos sa mukha,” sabi ng nanay niya na si Aling Tasya.

“Palagi ko naman po pinaaalalahanan iyan, Tita pero ayaw naman makinig. Mas gusto pa niya iyong nagmumukha siyang bruha, kaya walang magkamaling manligaw, e!” natatawang wika ng kaibigan.

“Tse! Tumahimik ka na diyan, mayabang na lalakai. Halika na at mahuhuli na tayo sa klase!” inis na yaya niya rito.

Walang araw na hindi siya inaasar ng binata ngunit kahit ganoon ito sa kanya ay mahal na mahal niya si Charles hindi lang bilang matalik na kaibigan kundi bilang lalaki. Noon pa man ay may lihim na siyang pagtingin rito, ayaw lang niyang ipaalam dahil siguradong pagtatawanan lang siya nito. Nahulog ang loob niya kay Charles dahil sa kabaitan ng binata. Kahit palagi siya nitong inaasar at tinutukso ay mahal na mahal siya nito bilang matalik na kaibigan. Ayaw na ayaw nito na naaagrabyado siya at nakahanda itong makipag-away para sa kanya.

Habang naglalakad ay tinanong ni Aika ang kaibigan kung mayroon na itong kapareha sa nalalapit na prom night.

“Teka, may kapareha ka na ba sa prom natin? At sino naman ang malas na babae?” nang-iinis niyang sabi.

“Aba, e loka ka pala, e! Bakit mo sinabing malas ang makakapareha ko? Napakasuwerte nga niya na ako ang kapareha niya,” pagyayabang naman ng binata.

“Aysus, nagyabang ka na naman! Ibig sabihin may kapareha ka na?”

“Oo, meron!” matipid na sagot ni Charles.

Biglang nakaramdam ng lungkot si Aika nang malaman na mayroon na itong kapareha. Bigla siyang natahimik.

“Hoy at natahimik ka diyan? E, ikaw sinong malas na lalaki ang escort mo?” nakangisi nitong tanong.

“Buwisit ka! Wala, alam mo namang wala di ba? Nagtatanong ka pa! Hindi na ako umaasa na magkakaroon ako ng escort,” aniya na nakasimangot ang mukha.

“M-malay mo naman at may magkamali. Huwag ka mawalan ng pag-asa,” sabi ng binata sa nang-iinis na tono.

Mabilis na lumipas ang mga araw at sumapit na ang prom night. Ibinili siya ng kanyang tatay na si Mang Roly ng napakagandang bestida para sa party. Kulay pula iyon na tinernuhan ng kulay pula ring sapatos.

Inayusan naman siya ng kanyang nanay. Nang matapos ang pagpapaganda sa kanya ay napatingin siya sa salamin.

“Para namang walang nagbago, ganoon pa rin ang mukha ko, pangit pa rin,” bulong niya sa sarili.

Mayamaya ay dumating na si Charles, bihis na bihis na rin ito. Kitang-kita niya ang napakaguwapo nitong mukha na tinernuhan pa ng kulay itim na tuxedo.

“Hayy, napakaguwapo naman ng mahal ko,” patuloy na bulong niya sa sarili.

“Ano, tara na!” matipid nitong sabi. Saglit lang siya nitong sinulyapan at nagyaya na papunta sa party.

Nang makarating sila sa prom ay napansin na niya agad ang mga kaklase niyang nakatingin sa kanya habang tumatawa. May narinig pa siya na kung bakit raw pumunta pa siya roon, hindi naman daw kailangan na naroon ang mga pangit.

Hindi na lamang niya pinansin ang mga bulung-bulungan sa kanya dahil alam niyang masisira ang gabi niya kapag nagpaapekto siya at ayaw niyang mangyari iyon. Napasulyap siya sa kaibigan pero wala itong kaimik-imik.

“Ano kayang nangyari sa mokong na ito at napakatahimik?” aniya.

Nang biglang tumugtog ang isang romantikong kanta. Ilang magkapareha na rin ang nagsimulang magsayaw sa gitna ng bulwagan. Hindi pa rin maalis ang tingin niya sa binata. Para itong kinakabahan na kung paano. Palakad-palakad din ito sa gitna ng dance floor.

“Hoy, loko ka, umalis ka nga riyan, nakakaistorbo ka sa mga nagsasayaw!” sigaw niyang sabi rito.

Lumapit ito sa kanya na inaayos ang suot na tuxedo.

“Kinakabahan kasi ako, ngayon na ako magtatapat sa babaeng pinakamamahal ko. Siya rin ang sinasabi ko sa iyong kapareha ko ngayong gabi,” bunyag ng binata.

“Ha? -magtatapat ka na?” tanong niya sa kaibigan na lihim na nasaktan sa sinabi nito.

“Oo. Gusto ko kasing gawing espesyal ang gabing ito para sa kanya,” anito.

“G-ganoon ba? Nasaan na ba siya, bakit di pa siya dumarating?” tanong ng dalaga kahit sa loob-loob niya ay parang tinutusok ang kanyang puso.

“Narito na siya. Kaso kinakabahan ako, e,” sabi pa ng binata.

“Ano pang hinihintay mo, sabihin mo na sa kanya! Huwag mo na palampasin ang pagkakataong kagaya nito. Hangad ko ang kaligahayan mo, Charles,” wika niya rito.

“Sige, salamat Aika sa pagpapalakas ng loob ko.”

“Ikaw pa ba, e paano pa at naging mag-bestfriend tayo di ba? Kaya push mo na iyan!”

Nang biglang umalis ito sa kanyang harapan at pumunta kung saan naroon ang speaker.

“Ehem, ehem, mic test. Magandang gabi sa inyong lahat mga kapwa ko kamag-aral!” sigaw ng lalaki.

“Aba at talagang ibobrodkast pa talaga sa buong eskwelahan ang pagtatapat niya,” ani Aika sa sarili.

“Ehem, gusto kong marinig niyo kung paano ko ipagtatapat sa babaeng pinakamamahal ko ang aking wagas na pag-ibig sa kanya. Mula nang makilala kita ay narito ka na sa puso ko,” aniya.

Kinilig naman ang mga babaeng naroon, bawat isa ay umaasang sila ang tinutukoy ni Charles.

“Ano man ang sabihin sa iyo ng mga tao, ang mas importante sa akin ay ikaw, at ikaw lang.” unti-unting bumaba ang binata sa stage. Naglakad ito papalapit sa kinaroroonan ni Aika.

Kahit palagi tayong nag-aasaran at nagkakapikunan kung minsan ay ikaw pa rin ang gusto kong makasama sa araw-araw. Pangit ka man sa kanilang paningin, ang puso ko ay binihag ng maganda mong personalidad,” lahad pa nito sabay unti-unting naglakad palapit kay Aika.

Hindi makapaniwala ang dalaga sa mga sinasabi ng kaibigan.

Nang magkatapat na sila ay dahan-dahan nitong hinawakan ang mga kamay ni Aika.

“Mahal kita, Aika. Ang babaeng sinasabi ko sa iyo kanina at ang aking kapareha ngayong gabi ay ikaw,” bunyag nito.

Hindi na naiwasang mapaluha ng dalaga sa ipinagtapat sa kanya ng binata.

“P-pero, bakit ako? Pangit ako!” naguguluhan pa ring tanong ni Aika.

“Para sa akin ay maganda ka sa aking paningin, mahal ko.” nakangiting sabi ng kaibigan habang pinapahid ang luha sa pisngi ng dalaga.

Bulung-bulungan ang pagtatapat na iyon ni Charles kay Aika. May mga kinilig at mayroon ding magtaas ng kilay ngunit para sa kanila ay wala silang pakialaam ang mahalaga ay ang nararamdaman ng kanilang mga puso.

“Alam mo ba na noon pa ay mahal na din kita?” pagtatapat din ng dalaga.

“Talaga? Sabi ko na nga ba, gusto mo rin ako e. Iba talaga ang karisma ko,” muling pagyayabang na sabi ng binata.

“Ewan ko sa iyo, ayan ka na naman, lumabas na naman kayabangan mo!” sabi ni Aika sabay kurot sa tagiliran ng binata.

Sinagot niya si Charles at naging masaya ang pagsasama nila bilang magkasintahan. Di nagtagal ay nakapagtapos rin sila sa pag-aaral at nakahanap ng magandang trabaho. Dumating ang araw na ikinasal din sila ng binata at nagkaroon sila ng dalawang anak.

Ang pag-iibigan ng dalawa ang piping saksi na hindi kailangan ang kagandahang panlabas para makahanap ng totong pag-ibig. Kusa itong darating sa tamang panahon at pagkakataon.

Advertisement