Kinakabahang nagpabalik-balik si Arnie sa kaniyang kwarto. Kanina pa siya balisa at palakad-lakad. Paano’y nasa ibaba ang kaniyang ama at muntik na siyang abutan nitong kuntodo ang kolorete sa mukha kanina. Biglaan kasi itong umuwi mula sa probinsya habang kararating pa lang niya mula sa pag-raket sa isang comedy bar. Isa kasi siyang working student. Mabuti na lang at mabilis siyang nasabihan ng mga kaibigan niyang nariyan ang ama niya kaya’t bago pa siya nito makita ay nakapasok agad siya ng banyo.
Mabilis ang kabog ng dibdib niya. Sobra siyang kinabahang baka mahuli siya ng Papa niya. Baka malaman nitong hindi siya isang tunay na lalaki at sigurado siyang hindi nito iyon magugustuhan.
Pigil na pigil ang tawa ng mga kaibigan niyang kasama niya sa inuupahang apartment nang lumabas siya sa kaniyang kwarto. Nakasimpleng t-shirt lang kasi siya at naka-shorts. Lalaking-lalaki kung titingnan, at hindi iyon ang karaniwan niyang isinusuot. Palagi kasi siyang nakadaster kapag nasa bahay.
“Sorry, ’pa, naligo pa ho kasi ako e,” hinging paumanhin niya matapos magmano.
“Ayos lang, anak. Kumusta ka rito?” tanong nito.
Napansin niyang titingin-tingin sa paligid ang kaniyang ama. “Maayos itong apartment na tinitirhan n’yo. Malinis,” sabi pa nito.
“Salamat ho. Ayos lang naman ho ako rito, pa, kayo ho roon sa atin?” siya naman ang nagtanong.
“Ayos din naman kami, anak. Ako nga’y nahihiya sa iyo, e. Dahil imbes na kami ang magpadala sa ’yo rito ng pera dito dahil ikaw ang nag-aaral, e, kasama pa kami sa iniintindi mo. Hamo’t kapag gumaling-galing na itong opera ko’y mag-a-apply ulit ako ng trabaho para matulungan kita.” May himig ng lungkot ang boses ng kaniyang ama.
Isang buwan pa lang kasi ang nakalilipas noong maoperahan ito sa buto sa braso nang maaksidente sa pagmamaneho ng motor na service nito papuntang trabaho. Kaya naman nagdoble kayod si Arnie—o mas kilala nito bilang Arnel—upang tustusan ang sarili at ang pamilya sa probinsya.
“Naku, papa, hindi naman ho ako nagrereklamo ah! Huwag na ho kayong mag-apply. Kaya ko ho ito,” sagot naman ni Arnie.
Napangiti ang kaniyang ama. Nasa mukha nito ang pasasalamat para sa napakasipag at napakabuting anak. Para rito’y isa siya sa pinakamasuwerteng ama na nagkaroon ng anak na katulad ni Arnel.
“E, kumusta naman ang trato ng mga kasama mong iyan sa ’yo rito? Hindi ka naman ba ginagawang utos-utusan lang?” maya-maya’y may pag-aalalang bulong ng kaniyang ama habang patingin-tingin sa mga kasama niya sa bahay.
“Naku, hindi po, pa! Takot lang ng mga iyan sa muscles ko!” nangingiwi namang katuwiran ni Arnie.
Sa gulat niya ay bigla siyang hinawakan ng ama sa kaniyang balikat. “Anak,” sabi nito. “Hindi mo kailangang magpanggap kapag ako ang kaharap mo. Dahil kahit anong tago mo ay mararamdaman ko kung ano ka. Ako ang tatay mo, hindi ba?” seryosong sabi nito.
Pinanlakihan ng mga mata si Arnie. Nabuking siya ng kaniyang papa!
“P-papa, magpapaliwanag po ako…” Ngunit hindi na natapos pa ni Arnie ang kaniyang sasabihin nang bigla siya nitong hapitin ng yakap.
“Huwag kang mag-alala, anak, tanggap kita,” sabi nito. “Ang ipinag-aalala ko lang ay baka pinahihirapan ka ng mga taong nakapaligid sa iyo. Malayo pa naman kami, hindi ka namin maipagtatanggol,” dagdag pa ng kaniyang ama.
Nang sandaling iyon ay tila ba gustong humagulgol ng iyak ni Arnie dahil sa sobrang saya. Tanggap siya ng kaniyang ama! Tanggap siya nito, kahit binabae siya!
“P-Papa!” Iyon na lang ang tanging namutawi sa bibig ni Arnie bago yumakap pabalik sa kaniyang ama. Panay ang agos ng kaniyang luha dahil sa sobrang tuwang nararamdaman niya.
Maya-maya pa’y nagpahid siya ng luha. “Ayos lang po ako rito, pa.” Sabay baling niya ng tingin sa kaniyang mga kaibigan. “Katulad po ninyo’y tanggap din ako ng mga iyan. Hindi po sila katulad ng ibang kalalakihan na ang tingin sa mga katulad ko ay salot at laruan lang. Kaya nga po pinili kong dito na kang manirahan dahil sa ganda ng trato nila sa akin,” aniya. Totoo naman. Kahit kailan ay hindi siya itinuring na iba ng mga ito. Maloloko nga lang ang mga kaibigan ngunit marurunong silang gumalang.
“Mabuti naman kung ganoon,” sagot ng kaniyang papa. Nagpasalamat din ito sa mga kaibigan niya.
Laking tuwa kang ni Arnie dahil sa wakas, ay hindi na niya kailangan pang itago sa iba kung ano siya. Ang tanging kailangan na lang niyang gawin ay ang huwag sirain ang tiwala ng kaniyang mga magulang. Manatili lang siyang disente’t may pinag-aralan ay sapat nang sukli para sa pagmamahal ng mga ito.
“Tandaan mo, anak, sa mundong ito, Diyos lang ang may karapatang manghusga sa tao. Kung sa tingin ng iba ay kasalanan ’yang kasarian mo, puwes, sa Diyos ka may kasalanan at sa Kaniya ka hihingi ng kapatawaran. Wala kang kasalanan sa ibang tao, kaya wala silang karapatang husgahan o hatulan ka. Anak, maging malaya ka, pero panatilihin mong malinis ang iyong konsensiya. Alam mo kung ano ang tama at mali kaya hahayaan kita. Narito lang ako para maging gabay mo… Mahal ka namin, anak,” ang huling makabagbag damdaming saad ng kaniyang ama, bago ito umalis at bumalik sa probinsya.
Ipinangako ni Arnie sa sarili niyang iyon ang susundin niya.