Sa pagbubuntis pa lamang ni Vina sa kaniyang anak ay nagkaroon na ng komplikasyon. Ngunit ipinagpatuloy niya ang pagbuhay sa bata kahit pa nalagay sa piligro ang sarili niyang buhay.
Maagang nabuntis si Vina. Isa kasi siyang biktima ng panggagahasa. Ganoon pa man ay hindi niya itinuring na galing sa kasalanan ang kaniyang anak, bagkus ay minahal niya ito kahit noong nasa sinapupunan pa lang.
Ngunit tila talagang sinusubukan siya ng tadhana, dahil nagkaroon ng malubhang sakit ang kaniyang anak nang mag-isang taong gulang ito. Tanging paglalabada lang ang pinagkukuhanan ni Vina ng pangkabuhayan, kaya’t ganoon na lang ang pamomroblema niya.
“Vina, huwag mo sanang mamasamain itong iaalok ko sa ’yo…” minsa’y sabi ng isa sa kaniyang mga kostumer na regular na nagpapalaba sa kaniya. Si Mrs. Lim, isang may kayang pinay na nakapangasawa ng chinoy. “Kung wala kang perang pampagamot sa anak mo, ako na lang ang gagastos ng lahat,” sabi pa nito.
Agad namang umaliwalas ang mukha ni Vina. “T-talaga po, Mrs. Lim?!”
Tumango ang babae. “Pero sa isang kondisyon.”
“A-ano po iyon, Mrs. Lim?” Kinakabahan si Vina. Parang alam na niya kung anong gusto nitong hilingin. Wala itong kakayahang magkaanak! Posible kayang gusto nitong ampunin ang anak niya?
“Sa akin na titira ang anak mo. Ako ang kikilalanin niyang ina.”
Hindi nga nagkamali ng hula si Vina. Gusto nitong kunin ang anak niya, kapalit ng pagpapagamot nito sa bata.
Nasapo na lamang ni Vina ang kaniyang sariling mukha. Doon, siya’y humagulgol sa harapan ni Mrs. Lim.
Labag man sa loob, napaisip si Vina. Kapag ibinigay niya sa babae ang anak ay siguradong mabubuhay ito. Maging ang kinabukasan nito’y sigurado na rin!
“Pumapayag na p-po ako, Mrs. Lim…” sumisinghot pang sabi ni Vina sabay punas ng luha. “Pero pakiusap po, huwag ninyong ilalayo ang anak ko sa akin. Hayaan n’yo lang po akong makita siya habang lumalaki,” hiling pa niya.
Ngumiti naman si Mrs. Lim at marahang tumango.
Matapos iyon ay pumirma sila sa isang kasunduan. Nang oras na naibigay niya ang kaniyang anak ay nagsimula na rin ang gamutan. Sa kabutihang palad ay tuluyan ngang gumaling ang sanggol. Isang masigla at masayahing sanggol, na kalauna’y natutong maglakad at magsalita.
Labis ang tuwa ni Vina, habang pinanunuod na lumaki ang kaniyang anak nang malusog at mabuting bata… kahit pa nga hindi siya ang tinatawag at itinuturing nitong ina.
Nasasaktan man ay hindi pinagsisihan ni Vina ang ginawa. Dahil minahal naman nang lubos ng mag-asawang Lim ang kaniyang anak. Sagana rin ang buhay ng mga ito dahil sa kabi-kabilang negosyo. Wala na siyang dapat pang ipag-alala para sa kinabukasan nito.
Nakatapos na ng college si Miguel, o mas kilala sa palayaw na Migs ng mga kaibigan at mga kapamilya niya. Nasa bahay lang ito nang araw na iyon. Naglilinis siya ng bodega, dahil may papeles siyang hinahanap… nang isang lumang papel ang kumuha ng atensyon niya!
Ganoon na lang ang gimbal ni Miguel sa kaniyang sarili nang mabasa ang nakasaad sa papel na iyon. Isa iyong kasulatan ng kasunduan ng kaniyang kinilalang ina at ng tunay na babaeng nagluwal sa kaniya!
“Ampon ako, ma?! Bakit hindi n’yo sinabi sa akin?!” puno ng emosyong tanong ni Miguel sa kinilalang ina.
“Patawarin mo ako, anak, kung itinago ko ito sa iyo!” hagulgol ng kaniyang Mommy nang komprontahin niya ito tungkol sa sulat.
Sandaling nagalit sa mga ito si Miguel, ngunit agad din iyong napawi nang makapag-isip at mahimasmasan siya. Malaki pala ang utang na loob niya sa kinilalang magulang.
Samantala, ang tunay na ina naman niyang si Nanay Vina ay napatawad na rin niya. Alam niyang ginawa lamang nito iyon upang iligtas siya, ayon na rin sa kuwento ng kaniyang Mommy.
Kaya pala noong mga panahong lumalaki siya’y ganoon na lang kung alagaan siya ng kanilang labandera. Busog siya sa pangaral nito. Kahit naman hindi ito ang inang kinikilala niya’y ipinaramdam pa rin nito ang pagmamahal para sa kaniya. Isa iyon sa dahilan kung bakit lumaki siyang mabuting tao.
Ngunit ang tunay na ina niyang si Aling Vina ay ilang buwan na ring hindi dumadalaw sa kanila. Kaya’t mabilis niyang ipinagtanong-tanong kung saan ito nakatira.
Sa isang barung-barong niya natagpuan ang hinahanap. Mag-isa ito sa bahay na tanging garapa lang ang nagsisilbing ilaw tuwing gabi. Nakaratay, dahil sa sakit.
Gustong mag-iiyak ni Miguel sa nakitang kalagayan ng tunay niyang ina. Ang inang nagsakripsyo para sa kaniya, ang inang tiniis ang sakit para lamang mabuhay siya.
Kung sa karaniwang kuwento’y galit ang isinusukli ng isang anak sa magulang na nakagagawa ng ganoong kasalanan sa kanila, iba ang kuwento ni Miguel. Labis niyang kinikilala ang sakripisyong iyon ni Nanay Vina. Malaking utang na loob niya iyon sa kaniya.
Sa kasamaang palad, ilang buwan lang makalipas malaman ni Miguel ang lahat ay pumanaw si Nanay Vina. Ganoon na lang ang pasasalamat nito sa kaniya na hindi raw siya nagtanim ng sama ng loob.
Masakit man ay kailangang tanggapin ni Miguel ang pagkawala nito. Ang ipinagpapasalamat niya sa Diyos ay ang ibinigay nitong panahon para sa kanila bago ito mawala. Salamat at nayakap niya muna nang mahigpit ang kaniyang butihing ina, bago ito kunin. Kahit papaano’y masaya nitong iniwan ang mundo. Nakita niya ang ngiti nito… mga ngiting kahit kailan ay hindi malilimutan ni Miguel.