Inday TrendingInday Trending
Pakinggan Mo Rin Ako

Pakinggan Mo Rin Ako

“Bakit gabi ka na namang umuwi?!”

“Alam mo bang kanina pa ako hintay nang hintay saʼyo?!”

“Halos mamuti na ang mga mata ko rito, ah!”

Sunod-sunod ang naging sigaw na iyon ni Maricel, pagkauwing-pagkauwi pa lang ng kaniyang asawang si Andres.

“Overtime ako sa trabaho,” walang ganang sagot nito habang nagtatanggal ng butones ng kaniyang polo.

“Anong overtime, overtime? Sinoʼng niloko mo?!” tuloy-tuloy lang ang bibig ni Maricel. “Siguro, dumaan ka pa sa babae mo, ʼnoh?!” akusa pa nito.

Napahinga nang malalim si Andres. “Nakakasawa na,” bulong ng isipan niya. Palagi na lang kasing ganito ang set-up nilang mag-asawa. Kaunting kibot, magbubunganga si Misis, kaunting ma-late ng uwi, kung anu-anoʼng inaakusa. Ni hindi na maalala ni Andres kung kailan iyong huling nag-usap sila nang walang sumisigaw. Matagal na rin sigurong panahon ang nakakalipas.

Walong-taon na silang kasal. Tanggap naman niyang ganito na ang babae simula noon. Malaki kasi ang naging impact ng pambababae ng ama nito noon na laging iniiyakan ng kaniyang ina… ngunit nakakasawa rin pala.

Palala na kasi ito nang palala. Wala na itong pinipiling lugar. Kapag naisipan siya nitong sigawan ay sisigawan siya, sa loob man ng bahay o sa labas. Sila mang dalawa lang o maraming kaharap. Nanliliit na si Andres sa kaniyang sarili. Mahal na mahal niya ito, pero rinding-rindi na siya. Andres de saya na nga ang bansag sa kaniya ng mga nakakakilala sa kaniya!

“Ano na? Baʼt hindi ka na makasagot diyan?!” muli na namang hiyaw ni Maricel, maya-maya.

Walang emosyong hinarap ito ni Andres. “Maniwala ka man o hindi, nag-overtime ako sa trabaho,” sabi niya.

“Talagang hindi ako naniniwala! Laging ganiyan ang katuwiran mo!” sigaw pa nito.

“Wala ka bang tiwala sa akin?” naitanong ni Andres sa asawa.

“Wala!” sagot naman ni Maricel nang walang kagatul-gatol.

“Anoʼng ginawa ko sa ʼyo para hindi ka magtiwala sa akin? Mayroon ba?” seryoso pa ring tanong ni Andres kay Maricel na biglang nagpatahimik dito sandali.

Ngunit hindi rin iyon nagtagal dahil ilang sandali lang ang nakalipas at umariba na naman ang bibig ng asawa.

“Pare-pareho lang kayong mga lalaki! Mga manloloko kayo!” sigaw nito.

Parang may kung anong sumabog sa dibdib ni Andres nang mga sandaling iyon. Uminit ang ulo niya. Sa pagkakataong iyon ay hindi na niya napigilan pang sigawan ito pabalik.

“Kung ganoʼn, maghiwalay na tayo!” hiyaw niya, na sa pangalawang pagkakataon ay nakapagpatikom ng bibig ng asawa.

“Sawang-sawa na ako, Maricel. Sawang-sawa na akong nakakarinig ng napakasasakit na salita galing saʼyo!” napapaluha nang aniya. “Saan ba ako nagkamali? May ginawa ba akong masama para magkaganiyan ka sa akin? Alam mo bang kinukutya na ako ng mga tao dahil sa ginagawa mo? Cel, hindi ako ang tatay mo! Hindi ako ang may kasalanan sa ʼyo…” Napapikit na lang ang lalaki. Humina na rin ang boses niya. “Cel, pakinggan mo rin naman ako.”

Matapos ang mga katagang binitawan nito ay tumalikod ito at dumiretso sa kwarto upang mag-empake ng ilang damit. Nang gabing iyon ay umalis si Andres ng bahay at iniwang mag-isa si Maricel na hanggang sa makaalis siyaʼy naiwang tulala.

Tahimik na ang bahay. Nag-iisa na si Maricel. Nang mga sandaling iyon ay walang Andres na nangungulit sa kaniya na huwag na siyang magalit dahil wala naman itong ginagawang masama. Walang naglalambing na asawa.

Napaiyak si Maricel nang bumalik sa kaniyang ala-ala ang mga sandaling sinisigaw-sigawan niya si Andres sa tuwing mainit ang ulo nʼya. Pati na rin ang mga sandaling pinagpapasensiyahan siya nito.

Sa pagkakataong iyon ay napatanong siya sa kaniyang sarili… may ginawa nga ba itong masama para tratuhin niya nang ganoon ang asawa?

“Wala.” Sa huli ay sarili niya rin ang sumagot sa tanong niya.

Paano pa siya hihingi ng tawad sa asawa? Paano pa nga ba niya itatama ang kaniyang pagkakamali?

Nang gabing iyon ay nakatulugan na niya ang pag-iyak at pag-iisip kung ano ang gagawin niya para magkaayos silang mag-asawa, ngayong inaya na siya nito ng hiwalayan?

Hanggang sa panaginip ay iyon ang laman ng utak ni Maricel.

Kinabukasan ay nagising siya na mugtong-mugto ang kaniyang mga mata. Halos hindi na niya maimulat iyon, nang maaninag niya kung ano ang nasa kaniyang harapan.

Breakfast in bed…

Binasa niya ang note na nakadikit sa maliit na mesang pinaglalagyan ng mga pagkain.

“Iʼm sorry, Love. Hereʼs a peace offering. I love you… – Andres.”

Hinanap ng kaniyang mga mata ang asawa at natagpuan niya itong nakasilip sa pinto. Agad na tinakbo ni Maricel ang kinaroroonan nito at dinamba ito ng yakap!

“Ako dapat ang nagso-sorry sa ʼyo, mahal! Iʼm so sorry!” iyak niya. “Iʼve learned my lessons. Sana mabigyan mo pa ako ng isa pang chance?”

“Siyempre naman!”

Sa pagkakataong iyon ay naganap ang kanilang make-up kiss. Nangako si Maricel na pipilitin niyang baguhin ang ganoong ugali para sa ikagaganda ng kanilang pagsasama ni Andres. Habang si Andres naman ay ipagpapatuloy ang pagiging mabuting haligi ng tahanan.

Normal lang na mag-away ang mag-asawa. Kaya lang, kung halos araw-araw na at walang palya, ibang usapan na. Matutong makinig sa isaʼt isa. Isang mabisang paraan iyon para mas lalong mapabuti ang pagsasama ng dalawang nagmamahalan at upang hindi ito mauwi sa hiwalayan.

Advertisement