Inday TrendingInday Trending
Ninong Ako ng Anak ni Ex!

Ninong Ako ng Anak ni Ex!

Matagal nang magkarelasyon si Joshua at Bernadeth, mula second year highschool hanggang sa nagkolehiyo ay nanatili silang matatag. Nagkalabuan lamang sila mula nang pareho na silang nagkaroon ng trabaho.

“Hindi ko na kaya ang ganito, Bernadeth.Wala na tayong oras sa isa’t-isa,” malungkot na wika ni Joshua.

“So anong gusto mong gawin ko?” balik tanong naman ni Bernadeth.

“Maghiwalay muna tayo. Try naman natin na hindi natin kasama ang isa’t-isa.”

“Gano’n lang ba kadali para sayo ang lahat, Joshua?”

“Hindi lang naman ito para sa’kin, para narin sa’yo.” mariing sagot ng binata.

Napagkasunduan na nga nilang magkanya-kanya muna sa buhay. Masyado na kasi silang nasanay na magkasama mula pa noon at hanggang ngayon kaya nahirapan silang mag-adjust.

Nakapagdesisyon si Joshua na mag-abroad at baka nandoon ang kanyang swerte, habang si Bernadeth ay nanatili lamang sa Pinas. Lumipas ang dalawang taon at muling nagbalik binata dahil tapos na ang kontrata niya sa abroad. Sabik din siya dahil ayon sa mga batchmate nila ay may alumni homecoming daw na magaganap para sa batch nila noong highschool.

“Welcome back anak,” masayang wika ng kanyang Mama at Papa.

“Namiss ko kayo, Ma at Pa.” niyakap niya ang mga ito ng mahigpit.

“Kumusta ka naman doon? Nakahanap ka ba ng babaeng mamahalin?” pilyong tanong ng ama.

“Si Papa kahit kailan palabiro,” natatawa niyang sambit.

“Ay. Lugi ka pala, kasi si Bernadeth may asawa na’t kapapanganak lang,” segunda ng kanyang ina.

Natulala naman siya sa sinabi nito. “O-Oo nga Ma e. Gagawin nga daw akong ninong sa anak niya.”

“Ay talaga ba? Ayos lang ba sa’yo?” tanong nito.

“Hindi daw kasi pwedeng umayaw Ma,” maiksi niyang sagot.

“Sabagay, pero hindi ba masasaktan ang puso mo no’n anak? Syempre, kung iisipin mo ay dapat ikaw ang ama ng anak niya. Hindi iyong hanggang ninong ka lang.”

Wala siyang mahagilap na sagot sa tanong ng mama niya kaya idinaan niya na lamang iyon sa pagngiti.

Noong huli niyang nakausap si Bernadeth ay nagpaalam ito sa kanyang magpapakasal na sa nobyo nito.

“Bakit ka pa nagpapaalam sa’kin? Kung mahal mo at sa palagay mo ay siya na ang lalaking para sa’yo ay mas maiging magpakasal kayo.” sagot niya rito isang beses ng tumawag ito sa kanya. Nasasaktan siya ngunit wala siyang karapatang hadlangan ang desisyon ng babae.

“Hindi naman sa nagpapaalam ako. Gusto ko lang na malaman mo iyong nangyayari sa buhay ko kasi kahit papaano ay may pinagsamahan tayo, matagal din iyon.”

Nagpakasal na nga si Bernadeth sa nobyo nito at lumipas ang anim na buwan ay tumawag ulit ito sa kanya upang ipaalam na buntis na ito ng dalawang buwan. Kitang-kita niya sa mukha ni Bernadeth ang nag-uumapaw na saya. Ang sayang alam niyang hindi dahil sa kanya.

“Ninong ka ah,” wika nito.

“Ayoko nga.”

“Oy. Masama kayang tanggihan ang bata.”

Walang magawang um-oo siya dahil sabi nito ay bawal ang tumanggi. Noong kabuwanan na ni Bernadeth ay madalang nalang itong tumawag sa kanya. Pero isang araw habang abala sa pagdidilig ng mga halaman ay bigla siyang nakatanggap ng text mula sa babae..

“Nanganak na ako, dalawin mo naman ang inaanak mo at ang ex mo. Nandito kana sa Pinas ‘di ba?” ang laman ng text na nagpangiti sa kanya.

Kinabukasan ay agad naman niyang dinalaw ang babae. Nakita niya kung gaano ito kasaya nang makita siya.

“Joshua,” malapad ang ngiting tawag nito sa kanya. “Sabi ko na nga ba’t nandito kana sa Pinas e,” anito habang hawak-hawak ang sanggol na natutulog sa bisig.

“Ikaw lang mag-isa? Nasaan ang asawa mo,” aniya at tumabi rito at inabot ang sanggol na napaka-cute. Kung titingnan ay para silang totoong pamilya.

“Nasa trabaho. Alam mo na, kailangan niyang kumayod para sa’min ni baby.”

Habang tinititigan niya ang batang karga-karga ngayon ay naisip niyang sana siya nalang ang ama nito. Sana siya ang nalang ang asawa ng nanay nito. Sana, ang daming sana na biglang nagsulputan sa kanyang isipan. Nang magsawa ang mga mata niya sa pagtitig sa batang natutulog ay tinitigan naman niya ang mukha ni Bernadeth na may malawak na ngiti sa labi.

“Nais ko mang magsisi sa lahat ng nangyari, alam ko naman na huli na ang lahat.” wika ni Joshua. “Mahal na mahal pa rin kita at hindi iyon nawala sa puso ko. Malamang habangbuhay kitang mamahalin, pero masaya ako sa nangyayari sa buhay mo ngayon. Masaya ako kasi nakikita kitang masaya. Hindi man ako ang naging ama ng anak mo. Pangako, ituturing ko parin siyang akin.. bilang ninong niya ako.”

“Joshua,”

“Gano’n talaga Bernadeth, hindi ako itinakda bilang maging asawa’t ama ng anak mo. Itinakda ako para maging ninong niya. Atleast, para niya pa rin akong ama. Iyon nga lang hindi kita asawa,” aniya dahilan upang magtawanan silang dalawa.

Ito pala ang tinatawag nilang pinagtagpo, pero hindi itinadhana. Sandali lang pinadaan ng Diyos sa buhay niya si Bernadeth, masakit man para sa kanya, ayos na rin dahil kita niya namang masaya ang babae sa naging buhay nito.

Advertisement