Limang taon nang kasal si Mariel at Jeffrey, may dalawang anak- ang panganay ay tatlong taon na habang ang bunso ay dalawang taon na mahigit. Sa limang taon nilang pagsasama ay hindi nagkulang ang kanyang mister sa kanila. Madalas pa nga itong nag-oovertime upang hindi sila ma-short sa budget, mula noon hanggang ngayon ay hindi siya namroblema sa pera, di tulad ng mga kaibigan niyang may mga asawa na rin.
Isang gabi habang tulog na ang lahat ay nanatiling gising pa si Mariel dahil kakatapos niya lang magkuwenta ng gastusin, tatabi na siya sa kanyang asawa nang bigla itong magsalita.
“Vanity,” anas ni Jeffrey.
Agad nagsalubong ang kilay niya. Sino si Vanity? Biglang nais niyang gisingin ang mister at komprontahin kung sino ang babaeng sinasambit nito. Pero sa halip na gawin iyon ay mas minabuti niyang tingnan ang cellphone nito, baka doon siya makakahanap ng sagot sa mga katanungan niya. Ngunit wala siyang makitang kakaiba, walang nagtetext na babae, kahit sa mga social media nito ay walang kakaiba. Wala siyang makitang ebidensya kung sino si Vanity. Nakatulugan niya ang pag-iisip sa narinig.
“Hoy! Mare, sama naman tayo minsan doon sa club na sinasabi ng barkada ko. Masaya daw doon alam mo iyong mga beking magaganda na nagpa-pageant, ang dami daw doon. Naggagandahan,” masayang wika ni Ellaine.
“Talaga kailan ba ‘yan?”
“Bukas kung pwede ka. May ticket na kasi at iisa nalang ang kulang kaya sa iyo nalang iyon.”
“Sige Mare, push lang natin iyan. Magpapaalam nalang ako sa asawa ko,” iyon lang at umuwi na siya.
Kinabukasan ay masaya silang magkakasamang pumasok sa sinasabi nitong pupuntahan nila na puro beking magaganda. Mahilig siya sa mga gano’n kaya excited siya. Sa Vanity na binabanggit sa panaginip. Siya naman ay walang ibang lalaki, barkada lang ang kasama niya.
Nagsimula na ang pageant, nagpakilala ang bawat isa. Hindi mo masasabing mga beki ang nagpe-perform dahil hindi talaga halata, kutis babae ang mga ito at pati na ang hubog ng katawan.
“Hi good evening everyone. My name is Vanity, twenty-nine years old at naniniwala sa kasabihang maganda man ako sa iyong paningin, bukas titigan mo ako. Baka mas pogi pa ako sa’yo.” nakuha nito ang atensyon niya. Makapal ang make-up ng beki, mukha itong babae pero kilala niya ito pamilyar na pamilyar sa kanya ang tindig. Nang tuluyan itong humarap sa kanya ay napatunayan niyang kilala nga niya ang lalaki.
“Jeffrey?” puno ng katanungan ang kanyang isipan at naalala niya ang ipinakilala nitong pangalan.
Vanity.
Tuwang-tuwa ang kanyang mga kaibigan habang siya ay hindi mapakali sa kinauupuan.
Nang hindi makatiis ay pinuntahan niya ito sa likod. “Jeffrey?” mahina niyang wika habang nakatalikod ito sa gawi niya. Kitang-kita niya ang pagkabigla sa mga mata nito. “Ikaw nga ba iyan Mahal?”
“Mariel?”
“Ikaw si Vanity? Kailan pa, bakit hindi mo sinabi sa’kin? Bakit kailangang umabot pa sa ganito?”
“Mariel, patawarin mo ako kung hindi ko agad nasabi sa’yo ang totoo. Natakot akong baka husgahan mo ang pagkatao ko, kaya mas pinili ko nalang na i-tago..”
“Jeffrey, asawa kita at mahal kita. Mahuhusgahan ka ng iba, pero hindi ako. Uunawain kita, iintindihin kita dahil minsan ay hindi mo kami pinabayaan ng mga anak mo. Tatanggapin kita kahit sino ka man, dapat noon mo pa sinabi sa’kin.
Halos mabaliw-baliw ako sa kakaisip kong may babae ka ba kasi panay ang sambit mo sa pangalang Vanity, tapos ngayon malalaman kong ikaw pala iyon. Mahal kita kahit si Jeffrey ka man o si Vanity, tatanggapin kita.”
“Mariel, patawarin mo ako kung inilihim ko ang lahat sa’yo. Ito ako, pero mahal na mahal ko kayo ng mga anak natin. Kayo ang buhay ko, kayo ang diyamanteng hindi ko kayang mawala,” mangiyak-iyak na wika ni Jeffrey sabay yakap sa asawa.
“Mahal rin kita Jeffrey, hinding-hindi magbabago iyon. Alam kong nahihirapan kang magtago sa totoo mong pagkatao, simula ngayon ay magpakatotoo kana mahal, susuportahan kita. Basta ipangako mo lang na hindi ka maghahanap ng lalaki ah,” nakangiti niyang wika.
“Lalaki ang puso ko at ikaw lang ang nandito, kayo ng mga anak natin. Masaya lang ako sa ganitong itsura hanggang doon lang. I love you Mariel.”
“I love you too, Vanity.” Nagtawanan nalang sila.
Walang lihim na hindi nabubunyag, kaya mas maiging ipakita ang totoong ikaw. Ang tunay na nagmamahal ay tatanggapin ka maging sino ka man.