Kulang ang Pambili ng Gamot ng Matanda Para sa Kaniyang Misis; Nagulat Siya sa Sinabi ng Lalaking Kasunod Niya sa Pila sa Loob ng Botika
Halos maiyak si Mang Sandro nang makita ang reseta ng gamot na kailangan niyang bilhin para sa misis na nasa ospital. Kaka-opera lamang dito dahil sa halos dalawang buwan nang dinudugo ang ari nito gayong matagal nang men*pause.
Kinailangan itong r*spahin upang hindi mauwi sa mas malalang sakit ang kondisyon nito.
Baon sa utang si Mang Sandro dahil wala naman siyang malaking ipong pera. 30,000 piso ang siningil sa kanila para sa operasyon. Hindi nagpatumpik-tumpik si Mang Sandro na lakarin ang mga papeles na kinakailangan upang makahingi ng tulong sa mga pribado at pampublikong sektor, nang sa gayon ay makalikom ng pondo para dito.
Nairaos naman ang operasyon ni Aling Ninay, subalit ang susunod na sakit ng ulo naman ngayon ni Mang Sandro, kung saang kamay ng Diyos kukunin ang ipambabayad sa mga gamot.
Hindi naman malaki ang kaniyang sinusuweldo bilang janitor sa isang pribadong kompanya. Sinubukan na niyang maghain ng loan, subalit baka matagalan pa raw bago maaprubahan. Masyado raw malaki ang salary loan na inihapag niya, kahit na sinabi naman niya na emergency para sa pagpapa-opera ng kaniyang asawa.
Lakas-loob siyang nagtungo sa botika kahit walang kasiguraduhan kung mabibili ba niya ang lahat ng mga nakalagay na gamot sa reseta ng doktor.
Mahaba ang pila. Minabuti niyang pumuwesto sa bandang dulo at pinauna ang mga bagong dating. Kinakabahan siya dahil nakakahiya kapag hindi sumakto ang dala-dala niyang pera. Kinapa-kapa niya ang kaniyang natitirang pera, 700 piso na lamang. Hindi pa siya kumakain. Kumakalam na ang kaniyang sikmura.
Humahaba na rin ang pila sa kaniyang likuran. Parang nais nang umalis ni Mang Sandro subalit sayang naman ang turno niya sa pila.
Nang sa wakas ay nasa counter na siya, nakangiti siyang binati ng babaeng pharmacist. Iniabot niya ang reseta ng doktor.
“Miss, pakikwenta nga muna kung magkano ang lahat ng gamot na nasa reseta na iyan, sabi ng doktor, kailangan daw lahat iyan eh, para gumaling na nang mabilis ang misis ko,” medyo nahihiyang sabi ni Mang Sandro.
Tumango naman ang pharmacist.
“Sir, bale 3,000 piso po ang lahat ng ito.”
Halos mabingi sa kaniyang narinig ang matanda. Kulang na kulang ang kaniyang dalang pera. Napakamot siya sa ulo kahit hindi naman makati.
Lakas-loob na siyang nagsabi nang tapat sa babaeng pharmacist na kausap niya. Bahala na. Kinain na niya ang hiyang kanina pa lumulukob sa kaniyang pagkatao. Parang nais niyang lamunin ng lupa.
“M-Miss, kasi, 700 lang ang pera ko… tulungan mo naman akong mapagkasya iyan, kahit tig-isa o dalawa lang sa bawat gamot, mairaos ko lang ang isang araw… pasensiya ka na…” pabulong na sabi ni Mang Sandro.
Hindi naman kakikitaan ng pagkairita ang pharmacist, tila naunawaan nito ang sitwasyon ng kustomer, at marahil ay sanay na siya sa mga ganoong senaryo.
“Ano’ng problema, miss?” tanong ng lalaking kasunod ni Mang Sandro.
Sa pag-aakalang nakakaistorbo na siya at tumatagal ang sinusundan niyang pila, labis-labis ang pagpapasensya ni Mang Sandro.
“Mister, pasensya ka na, wala kasing akong pera kaya nakiusap ako na kuwentahin ang aabutin ng dala kong pera, pasensya ka na kung nakakaabala, mabilis lang naman iyan,” dispensa ni Mang Sandro.
Tumango-tango naman ang lalaki. Kapagkuwan, pumihit ito at kinausap ang pharmacist.
“Miss, sige, i-punch mo na ang lahat ng gamot na nasa reseta ni Tatay. Ako na ang bahala,” nakangiting wika ng lalaki.
Nanlaki ang mga mata ni Mang Sandro at napangiti naman ang pharmacist.
“Ay ang bait naman ni Sir, sige po… bale 3,000 piso po ang halaga ng lahat.”
“Mister… sandali… wala po akong perang ibabayad sa inyo,” nag-aalalang sabi ni Mang Sandro.
“Mamaya po tayo mag-usap ‘Tay, sa labas po ng botika.”
Matapos mabayaran ang mga gamot na binili ni Mang Sandro, at makabili rin ang lalaki, nag-usap sila sa kotse nito.
Halos maiyak sa tuwa si Mang Sandro at hindi siya makapaniwala sa biyayang hatid ng estrangherong lalaki, na nagpakilala sa pangalang Angelo.
“Maraming-maraming salamat talaga Sir Angelo, hindi mo alam kung paano mo ‘ko natulungan sa araw na ito,” umiiyak na pasasalamat ni Mang Sandro. “Paano ba ako makakabawi sa iyo?”
“Tatay, hindi po ako humihingi ng kapalit. Ganoon lang po ako talaga ‘Tay. Masaya na po akong maibahagi ang biyaya ko sa aking kapwa. Isama na lamang ninyo ako sa inyong mga dasal, at hangad ko po na gumaling nang lubusan ang misis ninyo.”
Inihatid pa ni Angelo si Mang Sandro sa ospital. Bago bumaba ang matanda ay inabutan pa ito ng 5,000 piso.
Tuwang-tuwa namang nagkuwento si Mang Sandro sa kaniyang misis sa kaniyang naging karanasan.
Masaya namang umuwi si Angelo dahil natupad ang kaniyang pagnanais na makatulong sa isang estrangherong nangangailangan.
Makalipas ang dalawang taon…
Magaling na magaling na si Aling Ninay at nakapagtitinda pa nga sa harapan ng kanilang bahay. Masayang-masaya si Mang Sandro dahil nagkaroon ng umento sa kanilang suweldo, at unti-unti niyang nabayaran ang mga utang dulot ng pagkakaospital ng asawa.
Si Angelo naman ay nataas sa katungkulan bilang presidente ng kanilang kompanya dahil sa kaniyang kahusayan, kasipagan, at dedikasyon sa trabaho.