Nahulog ang Loob ng Lalaki sa Babaeng Masahista; Papayag Kaya Ito Kung Ayain Niyang Magsama na Sila sa Iisang Bubong Upang Maalis na Ito sa Trabaho Nito?
Tatlong mararahang katok sa pinto. Nagpalinga-linga sa kaniyang paligid si Dave.
Maya-maya, narinig niya ang mahinang ‘Sandali lang…’ na nagmumula sa loob ng paupahang apartment.
Bumukas ang pinto. Tumambad ang mukha ng masahistang si Erisa. Nang mapagsino siya, niluwagan ang pagkakabukas sa pinto at tuluyan siyang pinatuloy.
Hindi ito ang unang beses na dinalaw niya mismo sa tinutuluyan nito ang masahistang si Erisa, na nakilala niya sa pinagtatrabahuhan nitong spa sa Quezon City.
Dahil regular na siya nitong kustomer at nagkapalagayan na rin sila ng loob, pumayag ito na sa halip na sa spa siya magpamasahe, sa apartment na lang nito, na pabor sa kaniya, dahil buong-buo niyang makukuha ang bayad ni Dave.
Kagaya ng dati ay hin*bad na nga ni Dave ang lahat ng kaniyang saplot. Nakita na ni Erisa ang lahat sa kaniya, nahawakan at nasalat na kaya wala na siyang dapat pang ikahiya. Sanay na rin naman si Erisa na makakita ng hubo’t hubad na katawan ng lalaki dahil sa kaniyang trabaho.
At nagsimula na nga ang masahe ni Erisa.
“Namiss kita… pasensya ka na kung natagalan akong bumalik ha? Marami kasing ginagawa sa opisina,” ani Dave.
“Ayos lang. May mga kustomer din naman ako kaya tuloy-tuloy ang pasok ng pera,” sagot ni Erisa.
Katahimikan. Hindi sumagot si Dave.
“I-Ibig kong sabihin, mga kustomer na… mga kustomer na babae. May mga lalaki rin naman, pero mas marami pa rin ang mga babae.”
Hindi sumagot si Dave.
Minasahe nang mabuti ni Erisa ang malaki at matikas na likod at balikat ni Dave, gamit ang pampadulas na langis na amoy eucalyptus.
“Ang bango talaga ng langis na ‘yan,” saad ni Dave.
“May ekstra ako diyan. Sige, bibigyan kita. Remembrance mo na sa akin…” tila nadulas si Erisa sa kaniyang sinabi at napahinto.
“Remembrance? Bakit? Aalis ka?”
Matagal bago sumagot si Erisa.
“Hindi ko pa nga pala nasabi sa iyo, kasi nga wala ka naman noong mga nakaraang buwan. Oo. Babalik na ako sa Camiguin. Sa susunod na linggo. I-Ito na ang huling masahe ko sa iyo.”
Katahimikan.
“T-Tumihaya ka na,” utos ni Erisa.
At tumalima naman si Dave. Habang hinahagod ni Erisa ang mabalahibong dibdib ni Dave ay hindi siya makatingin sa lalaki, na titig na titig naman sa kaniya.
“Kailangan ba talagang umalis? Paano na ako? Wala nang magmamasahe sa akin.”
Napatigil sa pagmamasahe si Erisa. Matagal na naman bago siya nakasagot. Tila nag-isip.
“K-Kailangan eh. Alam mo naman… nakuwento ko na sa iyo na pinapauwi na ako ng Nanang ko, nang malaman niya kung ano ang trabaho ko rito sa Maynila. Saka, gusto ko na ring magbagong-buhay. Bagong paligid. Kung nakakalusaw lang ang mga mapanghusgang tingin sa akin ng mga kapitbahay ko sa tuwing may nakikita silang iba-ibang lalaking nagpupunta rito, baka matagal na akong abo.”
Makalipas ang isang oras ay natapos na rin ang masahe ni Erisa. Isa rin sa dahilan kung bakit naging malapit sila ni Dave ay dahil hindi ito b*stos at m*nyakis, hindi kagaya ng iba niyang kustomer na panay tsansing sa kaniya kapag minamasahe na niya.
Iniabot na ni Dave ang kaniyang bayad. 1,000 piso.
“Oh, ang laki naman niyan? Laki ng tip ah. Pero huwag na, okay na, libre ko na sa iyo ‘yon,” wika ni Erisa.
Ngunit ayaw ni Dave.
“Hindi. Tanggapin mo na ito. Makakatulong din ito kapag naroon ka na sa probinsya.”
Tutol man, inilapag pa rin ni Dave ang bayad sa mesa nito. Tahimik siyang nagbihis ng kaniyang mga damit habang si Erisa naman ay nasa lababo, naghuhugas ng kamay.
Nasa pinto na si Dave at paalis na sana subalit muli siyang pumihit paharap kay Erisa.
“Ayaw mo ba talagang makisama na sa akin? Gusto kita, Erisa, alam kong alam mo naman na seryoso ako sa alok ko sa iyo na handa akong makasama ka sa iisang bubong. Huwag ka na magtrabaho sa spa. Itigil mo na ang trabahong ito.”
Nagulat si Erisa sa mga sinabi ni Dave, subalit hindi na ito bago pa sa kaniya.
Sa bawat titig ni Dave sa kaniya…
Sa pagiging maginoo nito…
Sa malasakit na ipinakikita sa kaniya, alam niyang may natatanging pagtingin sa kaniya ang costumer.
“D-Dave… gusto rin naman kita. Mabait ka, maalalahanin, at alam kong responsable ka. Kaya lang…”
“Kaya lang ano? Hindi mo maiwanan ang trabahong ito? Nasanay ka na? Alam mo bang para akong mababaliw kapag naiisip ko na mag-isa ka lang dito sa bahay mo, kung sino-sinong mga lalaki ang nagpupunta rito, kung kani-kaninong katawan ang hinahawakan mo. Puwede bang… puwede bang katawan ko lang ang hawakan mo, ang angkinin mo, pati na ang puso ko?”
Unti-unting tumulo ang luha sa mga mata ni Erisa.
“Gustuhin ko man Dave, palagay ko ay hindi ako karapat-dapat sa iyo. Ayaw kong dumating sa punto na paghinalaan mo ko nang masama, gaya ng mga kapitbahay ko. Magpapahinga muna ako Dave. Malay mo kapag nagkita na ulit tayo, handa na ako. Sa ngayon, hindi pa ako handa. Tama ka. Kung kani-kaninong katawan na ng lalaki ang nasalat ko, nahawakan ko, naamoy ko, nasubo ko… Oo Dave, pumapayag akong galawin nila ako lalo na kung may dagdag-bayad. Ito pa ang klase ng babae na gusto mong makasama sa bahay mo…”
“Wala akong pakialam, Erisa… wala akong pakialam. Hindi iyan ang nakikita ko sa iyo. Hindi ko nakikita ang duming nakikita mo sa sarili mo. Sumama ka na sa akin…” hindi namalayan ni Erisa na nakalapit na pala sa kaniya si Dave. Hawak na nito ang balikat niya.
“H-Hayaan mo muna akong maging handa, Dave. Gusto ko munang iligtas ang sarili ko… mula sa sarili ko. Hayaan mo muna akong magbagong-buhay kasama ang pamilya ko. Kapag nagkrus ang mga landas natin, kung pareho pa tayong walang asawa, papayag na ako sa alok mo… sa ngayon, kailangan ko itong gawin…” umiiyak na wika ni Erisa.
Hinayaan niyang yakapin siya ni Dave. Mahigpit na mahigpit… yakap ng pamamaalam.
Tinanggap niya at masaya siya sa desisyon nito. Hindi man sila magkatuluyan, mainam na rin na makampante siya sa isiping tatalikuran na nito ang pagiging masahista.
Lumipas ang tatlong taon…
“E-Erisa? Ikaw ba ‘yan?”
Napamaang si Erisa nang makita ang pamilyar na lalaki na naging espesyal sa puso niya sa loob ng tatlong taong magkalayo sila.
“D-Dave? Kumusta ka?”
“H-Heto, ayos lang… ikaw? Parang lalo kang gumanda… kasama mo ba ang…” nahinto si Dave sa pagsasalita, parang humugot ng malalim na paghinga. “Kasama mo ba ang asawa mo?”
Gaya ng dati, matagal na naman kung sumagot si Erisa. Tila nag-isip.
“Salamat sa pagsasabing maganda ako, pero wala pa akong asawa. Bumalik na pala ako rito sa Maynila noong nakaraang buwan. May trabaho na akong bago, insurance plan agent na ako…”
Hindi malaman ni Erisa, subalit napansin niyang tila may kumislap na liwanag sa mga mata ni Dave.
“K-Kung gayon, maaga pa naman, baka gusto mong magmeryenda? Narito na rin lang tayo sa mall…”
“Sige. Sasama ako sa iyo. Sasama na ako sa iyo…” nakangiting pagsang-ayon ni Erisa.
Ngumiti si Dave, walang paalam na kinuha niya ang isang kamay ni Erisa, hindi naman ito tumutol, at magkahawak-kamay na naglakad na sila patungo sa isang coffee shop.