Inday TrendingInday Trending
Pinapaalis na ang mga Pamilyang Naninirahan sa Lupang Inaangkin ng Isang Mayamang Don; Hindi Makapaniwala ang Mag-asawa sa Biyayang Dumating sa Kanila

Pinapaalis na ang mga Pamilyang Naninirahan sa Lupang Inaangkin ng Isang Mayamang Don; Hindi Makapaniwala ang Mag-asawa sa Biyayang Dumating sa Kanila

Hindi na makatulog si Aling Loida sampu ng kaniyang mga kapitbahay sa Sampilong.

Inaangkin kasi ng isang mayamang don ang lupang kinatitirikan ng kanilang bayan, at pinapaalis na sila nito. Binibigyan na sila ng isang linggo para magbalot-balot at humanap ng kanilang bagong matutuluyan.

Ang masaklap nito, wala itong balak na magbigay ng kahit singkong duling sa kanila. Ilegal daw ang pagkakatayo ng mga bahay roon sa kanilang lugar. Wala raw silang karapatang manatili roon.

“Ano nang gagawin natin, Mahal?” naiiyak na tanong ni Aling Loida sa kaniyang mister na si Mang Ildefonso.

“Nakahanap na ako ng malilipatan natin, pero ang problema ko, walang mga paupahan ngayon na papayag na hindi magbigay ng isang buwang paunang bayad at isang buwang deposito. Wala rin naman akong mautangan,” wika ni Mang Ildefonso.

Napahinga na lamang nang maluwag si Aling Loida.

“Kung nagtino lamang ako noon… kung sinunod ko lang sana ang mga magulang ko na magtapos ng pag-aaral, eh ‘di sana mas maganda-gandang trabaho ang mayroon ako ngayon, hindi itong palaba-labada lang. Mahina na rin ang mga palabada ngayon dahil uso na ang mga washing machine at laundry shop. Mas malaki nga naman ang matitipid nila,” nanghihinayang na sabi ni Aling Loida. Lagi siyang ganoon. Hindi niya nakakalimutan ang kaniyang nakaraan at lagi niyang pinagsisisihan.

“Hayan ka naman sa pagtanaw-tanaw mo sa nakaraan mo. Kahit na balikan mo pa iyan Mahal, wala ka nang magagawa. Mabuti pa mag-isip na tayo nang paraan kung paano natin hahakutin ang mga gamit natin papunta sa lilipatan natin.”

“Ha? Ang tanong, may panghulog na ba tayo sa mga hinihingi ng mga nagpapaupa?”

Napakamot sa kaniyang ulo si Mang Ildefonso.

“Oo nga pala…”

“Oh kitam? Kaya ang hanapin muna natin, yung malilipatan na maayos-ayos naman kahit paano. Mamaya pupunta ako sa palengke at magtitingin-tingin ako sa daan habang naglalakad papunta roon.”

At ganoon na nga ang ginawa ni Aling Loida. Sa pagtungo niya sa palengke upang mamili ng uulamin nila ng kaniyang pamilya ay sinusuyod niya ng tingin ang bawat poste o pader na maraanan niya, para makita kung may paskil para sa paupahan.

Ngunit kagaya ng sinasabi ni Mang Ildefonso, ganoon daw talaga ang patakaran ng mga nagpapaupa. Kailangang magbayad ng paunang bayad at magbigay pa ng deposito, para makasigurado sila.

Tanghali na at nagugutom na si Aling Loida. Ipinasya niyang bumili ng paborito niyang panindang kakanin sa kaniyang suki. Biko na may latik sa ibabaw. Sa isang styrofoam ay may anim na pirasong nakasilid na sa plastik, 10 piso ang isa.

“Hay naku mabuti naman at umabot ka suki, paubos na ito,” sabi sa kaniya ng tindera.

Nakasabayan niya ang isang matandang babae. Nalungkot ito nang makitang wala nang panindang biko dahil nabili na ito ni Aling Loida.

“Naku Lola, nahuli na kayo! Sana inagahan ninyo,” sabi ng tindera sa matandang babae.

“Ay ganoon ba, naku, iyan pa naman ang gusto kong kainin,” wika ng matandang babae at bumadha ang kalungkutan sa mga mata nito.

“Ay Lola, heto po, sige hati na lamang po tayo rito sa paninda, sige po,” nakangiting alok ni Aling Loida sa matandang babae.

“Naku maraming salamat, ineng! Pasensya ka na. Hindi ba nakakahiya?”

“Hindi po, ayos lang po. Sige po, kunin na ninyo ang isa o dalawa, huwag na po ninyong bayaran.”

Nagpaunlak na nga ang matandang babae.

“Napakabait mo naman, ineng. Ngayon lamang ako naka-engkuwentro ng kagaya mo. Sana, dumating ang panahong maibalik ko naman sa iyo ang tulong mo sa akin,” pasasalamat ng matandang babae na nagpakilalang si Zenailda.

“Naku, wala po iyan sa akin, Lola. Pero, may alam po ba kayong paupahan dito na walang kailangang paunang bayad at deposito?”

“Bakit? Anong nangyari?”

At napakuwento na nga nang di-oras si Aling Loida.

“Mabuti pa, sabihan mo na ang asawa at mga anak mo na maghanda-handa na kayo. Ayusin na ninyo ang mga gamit ninyo at doon na kayo sa aking bahay. Wala akong kasama sa aking bahay at wala na akong kamag-anak. Masyadong malaki ang bahay na iyon para sa akin na mag-isa lamang sa buhay.”

“Talaga ho ba?” hindi makapaniwala si Aling Loida.

“Oo. Magkita tayo bukas, ibibigay ko ang detalye ng tirahan ko sa iyo.”

Kinabukasan ay nagtungo ang mag-asawa sa bahay ni Lola Zenailda at nagulat sila nang makita ang malaking bahay na ito.

“Samahan na ninyo ako rito sa aking bahay. Hindi n’yo na kailangan pang magbayad ng kahit na anumang upa. Ariin ninyong parang sa inyo. Kasi kung mawawala ako at kunin na ako ng Panginoon, sayang naman kung magiging haunted house lamang, hindi ba? Wala naman akong kamag-anak na mapapamanahan. Mas gusto kong mapunta ito sa taong responsable at may malinis na puso… gaya mo, Loida,” pahayag ni Lola Zenailda.

Hindi makapaniwala ang mag-asawa na napamanahan na kaagad sila ng isang magarang bahay mula sa isang estrangherong napakitaan lamang ng magandang pag-uugali.

Masayang nanirahan sa naturang bahay ang mag-anak nina Mang Ildefonso at Aling Loida kasama si Lola Zenailda, na itinuring na nilang kapamilya.

Advertisement