Inday TrendingInday Trending
Ningas-Kugon at Tamad ang Babaeng Ito, at sa Tuwing Liliban sa Trabaho, Lagi Niyang Dahilan na may Sakit Siya; Paano Kung Magkatotoo?

Ningas-Kugon at Tamad ang Babaeng Ito, at sa Tuwing Liliban sa Trabaho, Lagi Niyang Dahilan na may Sakit Siya; Paano Kung Magkatotoo?

Kung may isang babaeng nag-aangkin ng korona bilang ‘ningas-kugon’ o magaling lang sa simula, siguro ay nakaputong na ito sa ulo ni Megan, 24 na taong gulang, at nagtatrabaho sa isang media at publishing company.

Sa umpisa, kapag may kailangang gawin ay magboboluntaryo siyang gawin ito, ngunit makalipas lamang ang dalawa hanggang tatlong araw, tatamarin na siyang tapusin ito at pakikiusapan ang kaibigang si Andrea na tapusin ito, o sa kaniyang manliligaw na si Miguel.

“Kung hindi lang kita kaibigan at marami akong utang sa iyo, hindi ko sasaluhin ang mga papeles na kailangan mong tapusin eh,” saad ni Andrea sa kaibigan nang ipasa niya rito ang pag-iisa-isa sa mga pamagat ng mga naisulat na artikulo ng mga manunulat, na hinihingi ng Human Resources Department, na ipapasa naman sa Accounting Department para sa kanilang suweldo.

“Sige na, bibigyan naman kita ng pasalubong eh kapag nagpunta ako sa Boracay.”

“Ay teka, kailan ka pupunta sa Boracay?”

“Bukas na.”

“Hitad ka, may pasok tayo bukas ah. Ano na naman ang idadahilan mo, may sakit ka na naman?”

“Eh ano pa nga ba? Iyan ang bentahe kapag may kaibigang doktor. Puwedeng-puwede akong magpagawa ng medical certificate para ma-excuse ang pagliban ko. Pero sana huwag kang maingay ah, FO na tayo kapag ibinuking mo ‘ko.”

“A-Anong FO?”

“FO? Friendship over, hindi na tayo magkaibigan!” wika ni Megan.

“Ay huwag naman at baka singilin mo ‘ko bigla sa mga utang ko sa iyo.”

Ngunit ang totoo niyan, hindi naman talaga siya aalis patungong Boracay. Sinabi lamang niya iyon upang matuwa ang kaniyang kaibigan sa isiping may pasalubong siya rito.

Tamad na tamad siyang pumasok at balak niya ay tatlong araw o buong linggo siyang hindi papasok. Ang dahilan? Nais lamang niyang humilata sa kaniyang kama, manood ng mga Korean drama, at mag-relax.

Sa tuwing lumiliban si Megan sa trabaho, lagi niyang idinadahilan na may sakit siya o masama ang pakiramdam niya.

Kasabwat niya rito ang kaibigang doktor kung saan siya nagpapagawa ng medical certificate. Wala siyang pakialam kung ang isipin sa kaniya ng mga boss ay masyado siyang masasakitin. Walang buwang hindi siya lumiliban.

Diarrhea, trangkaso, dysmenorrhea, sakit ng ulo, sipon, ubo, sakit ng ngipin, vertigo, at sakit ng tiyan ang madalas na ginagamit na sakit ni Megan kapag nagdadahilan siya.

“Oh… balita? Alam ko na, papagawa ka na naman ng med cert ‘no?” pabirong bungad sa kaniya ni Doc Elisse nang tawagan niya ito.

“Oo, alam mo na ah… ikaw na bahala. Tamad na tamad ako, mamsh. Nakakabagot na sa trabaho ko. Ayaw ko naman magbitiw dahil saan naman ako pupulutin. Nganga, ‘di ba?”

“Ikaw talaga, hoy mamsh binabalaan lang kita ah, baka mamaya mahipan tayo ng hangin at magkatotoong magkasakit ka nga,” paalala ng doktor.

“Hindi iyan… ikaw na doktor, dapat hindi ka naniniwala sa mga pamahiin o matatandang paniniwala, dapat lagi kang nasa panig ng agham,” wika ni Megan.

“Hayan na naman ang titser ko… oo na. Buweno, ano naman ang kapalit nito?”

“Hindi na tinatanong ‘yan mamsh. Libre kita ng samgyupsal kapag nagkita tayo.”

“Kasa!”

At kinabukasan nga ay walang ginawa si Megan kundi ang humilata, manood ng Korean drama sa online streaming app, kumain nang kumain, matulog, mag-social media, at wala siyang sinasagot sa mga tawag o text sa kaniya sa trabaho.

Umabot ng tatlong araw ang ganitong ginagawa niya, hanggang sa ikaapat na araw, sumakit nang matindi ang kaniyang tiyan. Nilagnat din siya.

“M-Mamsh… tulungan mo ako… ang sakit ng tiyan ko, nilalagnat ako at nanginginig. Kailangan ko yata magpa-ospital,” saad ni Megan nang tawagan niya ang kaibigang doktor.

“Hayan na nga ba ang sinasabi ko at nagkatotoo na ang pagkakasakit mo! Sige magpapadala na ako ng ambulansya diyan.”

Makalipas ang ilang minuto ay naitakbo na sa ospital si Megan. Ang kaniyang kaibigan mismo ang sumuri sa kaniya.

Matapos ang mga lab test, lumabas sa resulta na may urinary tract infection na siya at mataas na rin ang presyon ng kaniyang dugo.

“Kulang ka kasi sa tubig at masyado kang mahilig sa mga junk foods. Mag-ehersisyo ka rin kasi,” paalala ni Doc Elisse sa kaibigan.

“Ang hirap ng kalagayan ko dahil ako lang mag-isa. Mukhang tama ka. Masyado na nga akong naging tamad,” naiiyak na pagsisisi ni Megan.

Simula noon ay nagtanda na si Megan at hindi na niya ginamit na dahilan ang sakit kapag siya ay liliban. Binago na rin niya ang kaniyang katamaran dahil napag-isip-isip niyang walang mangyayari sa kaniya kung ipagpapatuloy pa rin ito.

Advertisement