Galit na Galit ang Babae Dahil Huling-Huli na ang Pagdating ng Delivery Rider; Nang Dumating Ito, Nabagbag ang Kalooban Niya
“Sa wakas, day off ko na!”
Masayang-masaya si Dianne dahil sa wakas ay day off na niya. Gusto na niyang magbitiw sa kaniyang trabaho, sa simpleng dahilan na tinatamad lamang siya.
Ngunit kapag naiisip na niyang kailangan niya na namang maghanap ng ibang mapapasukan…
Kapag naiisip niya ang mga luho niya sa katawan na hindi puwedeng isakripisyo at mawala…
Kapag dumarating na ang bills niya ng mga bayarin…
Tumitiklop din siya. Pahinga mo lang ‘yan girl, sasabihin niya sa sarili.
At sa tuwing day off niya, talagang sinusulit niya ang pagkakataon upang makapagpahinga. Hangga’t maaari ay nasa loob lamang siya ng bahay dahil tinatamad din siyang lumabas-labas. Kapag kailangang-kailangan na lang siguro.
Salamat na lamang at naimbento ang internet at gadgets, kaya halos lahat ng mga bagay ngayon ay puro online na lamang.
Kagaya ngayon, habang siya ay nanonood ng paborito niyang palabas sa online streaming app habang nakahiga sa kaniyang kama, naisipan niyang magpadeliver ng pizza, French fries, at burger. Balak niyang lantakan ang mga ito.
Kinuha niya ang cellphone at nagsimula na nga siyang umorder.
Isang oras ang lumipas. Nakasaad sa inaasahang oras ng pagdating ng kaniyang ipinadeliver ay 30 minuto lamang, at kapag hindi dumating sa tamang oras ay kalahati na lamang ang babayaran niya.
“Ay sige pabor sa akin, makakahintay naman ako. Sige bagalan mo pa,” saad ni Dianne. Ipinagpatuloy niya ang kaniyang panonood.
Ngunit lumipas ang dalawang oras, wala pa rin ang delivery rider at nagugutom na siya. Dito na unti-unting uminit ang kaniyang ulo.
“Ang tagal-tagal naman nitong mama na ito, lagot ito sa akin, bababaan ko ang review at rating sa iyo.”
Tiningnan niya ang profile ng delivery rider na nakatalaga sa kaniya. Wala itong litrato. Efren Adriaga. Nakita niyang nakabisikleta lamang ito.
“Kaya naman pala mabagal ay dahil nakabisikleta lang. Pero mali pa rin eh. Ni hindi man lamang magtext sa akin, nakakainis ah,” saad pa ni Dianne.
Wala namang kaso sa kaniya kung mahuhuli ito dahil nakabisikleta lamang subalit sana man lamang ay i-text siya o tawagan.
Maya-maya, may nagtatao po na sa labas ng kaniyang bahay.
“Hay salamat, dumating na…” naiirita na talaga si Dianne dahil gutom na talaga siya. Masama sa kaniya ang nalilipasan ng gutom dahil mabilis uminit ang ulo niya.
Paglabas niya, bubungangaan sana niya ang lalaki subalit napatda siya dahil napakaguwapo naman pala ng delivery rider!
Para itong artista sa kaguwapuhan, at hindi niya akalaing ganito kaguwapo ito. Subalit pinagalitan niya ang kaniyang sarili, kailangang huwag siyang magpahalata.
“Grabe, gutom na gutom na ako Kuya, baka gusto mo, ikaw ang kainin ko…”
Natigilan ang delivery rider sa kaniyang sinabi. Natigilan din siya sa kaniyang sinabi.
Gusto niyang lumubog sa kinatatayuan. Parang dalawa yata ang mensahe ng sinabi niya, parang mal*swa.
Erase, erase, erase!
“Biro lang Kuya ah, hindi ako zombie o halimaw. Pizza, French fries at burger ang bet kong kainin. Pasalamat ka at nakabisikleta ka lang at mapagpapasensyahan kita.”
“Pasensya na po Ma’am kung hindi ako makapag-text. Medyo masakit po kasi ang binti ko kakapadyak, at natatanggal po ang kaliwa kong binti,” nahihiyang paliwanag ng guwapong delivery rider.
“Ha? Bakit naman matatanggal ang binti mo Kuya? OA naman!”
Itinaas ng delivery rider ang pantalon. Nagulat si Dianne nang makita na artipisyal lamang pala ang binti nito.
“Pasensya na po at artipisyal po kasi ang isa kong binti. Medyo hirap po akong gumalaw, kailangang-kailangan ko pong kumita ng pera. Hindi po ako makapag-text sa inyo dahil inaalalayan ko po ang bisikleta at delivery ko para hindi masira o matapon.”
Nakaramdam naman ng pagkaawa at paghanga si Dianne para sa delivery rider. Sa kabila kasi ng kalagayan nito ay nagagawa pa nitong magtrabaho nang marangal.
“Bakit hindi ka na lamang magmotorsiklo?”
“Nag-iipon pa po ako, Ma’am. Kaya po nagsisikap akong mabuti nang sa gayon, makabili na ako ng motorsiklo at hindi na ako magbibisikleta. Mahirap nang masiraan na naman ng binti.”
Hanggang sa nagpaalam na nga si Efren pagkatapos nitong maibigay ang kaniyang order at mabayaran ito.
Dala ng kuryosidad sa nangyari sa kaniya, lakas-loob na tinext ni Dianne si Efren batay sa numerong nakarehistro dito. Tumugon naman ito at ibinahagi ang kinasangkutang aksidente na nagpaputol sa binti nito.
At doon na ang simula ng kanilang malalim na pag-uugnayan. Hanggang sa araw-araw na silang magkatext, magkatawagan, at magka-video call pa nga.
“Wala akong binti, paano ‘yan?” tanong ni Efren.
“Guwapo ka naman, masipag, mabait, responsable. Sapat na iyon sa akin. Saka may nawawala pa sa iyo,” sabi ni Dianne.
“Ano?”
“Ang puso mo… kasi nasa akin na!”
Natanggap naman si Efren ng mga magulang ni Dianne, gayundin si Dianne sa mga magulang ni Efren kaya tumagal pa ang kanilang relasyon ng tatlong taon, hanggang sa naipasya na nilang magpakasal. Nagkaroon sila ng dalawang anak.