Inday TrendingInday Trending
Ipinaalaga ng Tatlong Anak sa Iba ang Kanilang May Sakit na Ina; Malaki Pala ang Mawawala sa Kanila

Ipinaalaga ng Tatlong Anak sa Iba ang Kanilang May Sakit na Ina; Malaki Pala ang Mawawala sa Kanila

Sa edad na sisenta ay bumigay na ang katawan ni Aling Ceding dahil sa stroke. Ang dahilan ay ang kanyang walang humpay na pagkayod upang maitaguyod ang kanyang tatlong anak. Maaga siyang nabiyuda kaya mag-isa niyang iginapang ang pag-aaral ng mga ito.

Katorse pa lamang siya nang maagang sumabak sa pagtatrabaho dahil na rin sa hirap ng buhay kung kaya’t hindi nakakapagtaka na maagang nabugb*g ang katawan niya na dahilan para maaga itong sumuko at pinadapa ng karamdaman.

Nang maratay siya sa higaan, akala niya’y aasikasuhin siya ng mga anak na pinaglaanan niya ng kanyang mga sakripisyo na ngayon ay may kanya-kanya nang mga trabaho at maaganda na ang buhay, pero hindi pala dahil mula nang magkasakit siya ay tila wala nang pakialam ang mga ito sa sinapit niya.

“Ano ka ba naman, inay? Ngayon ka pa nagstroke kung kailan na ikakasal na ako. Pasensya na, hindi kita maaalagaan dahil abala ako sa preparasyon ng pag-iisang dibdib namin ng boyfriend ko,” wika ng panganay niyang si Charice.

“Ako rin, hindi ko rin kayo maaalagaan, inay. Tambak ang trabaho ko sa opisina. Hayaan niyo at mag-iiwan na lamang ako rito sa bahay ng pera na panggastos niyo,” sabi naman ng anak niyang si Enzo.

“Naku, mas lalong hindi ako pwede, hindi ko maiiwan ang negosyo ko. Ang mabuti pa ay ikuha na lamang natin si inay ng tagapag-alaga niya tutal lahat naman tayo ay hindi siya kayang asikasuhin,” wika naman ng bunsong si Gladys.

Dahil walang panahon ang mga anak niya ay kumuha ito ng tagapag-alaga na magbabantay at mag-aasikaso sa kanya. Isang araw ay ipinakilala ng mga ito ang dalagitang si Patricia na siyang magiging personal niyang caregiver.

Mabait at masipag ang nakuhang tagapag-alaga ng mga anak niya, talaga namang asikasong-asikaso siya nito.

“Oras na po nang pag-inom niyo ng gamot, ma’am,” magalang nitong sabi na may dalang bote ng gamot at isang basong tubig.

“Salamat, hija. Huwag mo na akong tawaging ma’am, tita na lang ang itawag mo sa akin. Nga pala, ilang taon ka na? Nag-aaral ka pa ba?” tanong niya.

“Disi-sais anyos po. Hindi na po ako nag-aaral, huminto po ako dahil hindi na po ako kayang pag-aralin ng aking mga magulang kaya nga po naisipan kong pumasok bilang tagapag-alaga para po makaipon at makabalik ako sa eskwela,” sagot ng dalagita.

“Ayan ang gusto ko sa mga kabataan, ang may pangarap. Huwag kang mag-alala, bukod sa ipinapasahod sa iyo ng aking mga anak ay bibigyan pa kita ng eskstra para madali kang maka-ipon. May mga naimpok naman ako mula sa aking pagtatrabaho noon,” wika ni Aling Ceding.

“Naku huwag na po. Nakakahiya naman po. Sobra-sobra na nga po ang ipinapasahod sa akin ng mga anak niyo,” tugon ni Patricia.

“Pagbigyan mo na ako, hija. Isipin mo na lang na tulong ko iyon sa iyo,” saad pa ng ginang.

Mula noon ay mas naging malapit si Aling Ceding sa dalagita na itinuring na rin niya na parang tunay na anak. Ito kasi ang kasa-kasama niya sa araw-araw at sa mga mahahalagang okasyon na dumaan. Silang dalawa lang ang magka-agapay, ang mga anak niya ay hindi man lang siya dinadalaw o kinukumusta man lang. Nagpapadala ito ng pera at mga regalo sa kanya pero wala ang mismong presensiya ng mga ito kaya labis pa ring nalulungkot ang ginang dahil nakakalimutan na ng mga anak niya na buhay pa siya at kailangan niya ang pag-alala at kalinga ng mga ito.

‘Di nagtagal ay mas lalong humina ang katawan ni Aling Ceding hanggang sa hindi na nito kinaya pa ang hirap na nararamdaman at pumanaw na. Ang mag-isang nag-asikaso sa labi ng ginang ay si Patricia. Kahit sa huling pagkakataon ay hindi man lang nagawang puntahan ng mga anak ang yumaong ina kahit sa burol nito at libing, ang palaging dahilan ng mga ito ay abala sa negosyo, sa buhay may-asawa at trabaho.

Makalipas ang ilang araw nang mailibing si Aling Ceding ay ipinatawag ng abogado ng kanilang pamilya ang mga anak niya dahil may iniwan palang huling habilin ang ginang. Nang malaman ng mga ito ang tungkol doon ay mabilis pa sa alas kuwatrong pumunta ang tatlong anak sa opisina ng abogado. Ipinatawag din si Patricia na ikinagulat ng naman ng mga anak ni Aling Ceding.

“Teka, anong ginagawa rito ng babaeng ‘yan? Wala na si inay, tapos na ang trabaho mo sa kanya,” wika ni Gladys.

“Hayaan mo na siya, narito lang siguro yan dahil gustong pasalamatan ni inay sa naging serbisyo niya nung nabubuhay ito. Ang mahalaga ay ang huling habilin ni inay sa atin. Mantakin niyo, malaki pala ang nakuhang pera ni inay kay itay? May ipinamana palang pera ang nasira nating lolo kay itay at nang namayapa si itay ay kay inay naman niya ipinamana. Ngayon na wala na rin ang inay ay sa ating mga anak niya ibibigay iyon,” hayag naman ni Charice.

“Totoo ba? Paano mo naman nalaman ‘yan?” tanong ng kapatid nilang si Enzo.

“Si Attorney ang nagsabi sa akin nang tawagan niya ako kagabi sa selpon. Kaya nga niya tayo tinipon dito para ipaalam sa atin kung paano ang hatian natin sa pera,” sagot pa ni Charice.

Sa pag-uusap nilang iyon ay tahimik lang na nakikinig si Patricia at ang abogado namang si Atty. Plata ay wala ring kibo. Wala na sanang balak na pumunta roon ang dalagita dahil wala naman siyang karapatan, ni hindi naman niya kaanu-ano si Aling Ceding, pero nang ipatawag siya ng Attorney dahil sa kagustuhan ng namayapang amo ay pinagbigyan na niya ito. Napamahal na rin sa kanya ang amo na itinuring din niyang tunay na ina.

Maya-maya ay nagsalita na ang abogado.

“Ipinatawag ko kayo ritong lahat dahil sa iniwang testamento ng inyong inang si Mrs. Dela Cuesta. Nakasaad dito na ang lahat ng perang ipinamana sa kanya ng inyong yumaong ama ay ibinibigay niya sa kanyang tagapag-alagang si Patricia Aguirre sa dahilang siya lamang ang nagbigay ng atensyon at pag-aaruga sa inyong ina noong nabubuhay pa ito. Mas naging anak pa si Patricia sa inyong ina kaysa sa inyong tatlo na mga tunay niyang anak. Kaya ang pera niya’t ari-arian ay mapupunta sa kanyang tagpag-alaga na nag-alay ng oras at panahon sa kanya. Ang nais ni Mrs. Dela Cuesta ay ipagpatuloy mo, Patricia, ang iyong pag-aaral para sa mas maganda mo pang hinaharap, makakatulong sa iyo ang manang ibinigay niya para sa kinabukasan mo. Samantalang sa inyong mga anak niya ay wala siyang ibinigay dahil sa may kanya-kanya na naman daw kayong trabaho at maganda na ang inyong buhay kaya hindi niyo na raw kailangan ang mana,” hayag ng abogado.

Napatulala ang tatlong anak ni Aling Ceding, ‘di sila makapaniwala na walang iniwan na kung ano sa kanila ang ina. Huli na nang mapagtanto nila na tama naman ang sinabi ng abogado at tama ang desisyon ng kanilang ina na kay Patricia ibigay ang mana dahil nasaan ba sila nang maratay sa karamdaman ang ina, nasaan sila nang mga panahon na kailangan sila nito, nasaan sila sa mga espesyal na araw na gusto silang makasama ng kanilang ina at nasaan sila sa mga huling hininga nito at nang pumanaw ito? Sino ba ang nasa tabi ng kanilang ina sa mga oras na iyon?

Sobra-sobra naman ang pagpapasalamat ni Patricia kay Aling Ceding dahil sa ginawa niyang pagmamalasakit dito ay nabigyan pa siya ng mana. Ipinapangako niya na iingatan at gagamitin sa maayos ang ibinigay sa kanya ng mabait na ginang. Ipinangako din niya na magtatapos siya ng pag-aaral at magiging matagumpay balang araw. Hindi niya ito bibiguin.

Puno naman ng pagsisisi ang tatlong anak, kung dinamayan, inasikaso at inalagaan lang sana nila ang kanilang ina sa mga panahon na kailangan sila nito ay sila sana ang nakatanggap ng pabuya.

Advertisement