Inday TrendingInday Trending
Inakala ng Mag-asawa na Pipi ang Kinupkop Nilang Batang Palaboy; May Matindi Pala Itong Pinagdaanan

Inakala ng Mag-asawa na Pipi ang Kinupkop Nilang Batang Palaboy; May Matindi Pala Itong Pinagdaanan

Tatlong taon nang mag-asawa sina Arwind at Karen ngunit hindi pa rin sila binibiyayaan ng anak. Ilang beses na rin nilang sinubukan na makabuo pero palagi silang nabibigo. Kahit madamot sa kanila ang tadhana ay hindi pa rin sila nawawalan ng pag-asa na darating din ang panahon na pagbibigyan ang hiling nila.

Habang nag-aantay ay nagkakasya na lamang sila sa pag-aalaga ng mga aso at pusa na pampatanggal lungkot sa kanila sa maghapon nilang pagtatrabaho.

Kahit nagpapaka-abala sila sa kani-kanilang propesyon at inaaliw ang mga sarili sa pag-aalaga ng mga hayop ay dama pa rin nila ang pagkululang sa kanilang pagsasama.

“Kailan ba tayo bibigyan ng Diyos ng anak, Arwind? Napapagod na akong maghintay,” malungkot na sabi ni Karen sa asawa.

“Huwag tayong bibitiw sa pag-asa na mabibiyayaan din tayo ng anak, mahal. Mas pinagpapala ang mga kagaya natin na mapagtiis,” sagot ng mister.

Anuman ang pagpapaliwanag ni Arwind sa kanyang misis ay labis pa rin nitong iniiyak gabi-gabi ang katotohanang hirap itong magbuntis ngunit madalas pa rin niyang pinapaalala rito na masaya pa rin naman ang buhay nilang mag-asawa kahit silang dalawa lamang.

Isang araw habang nagtatapon ng basura si Karen sa labas ng kanilang bahay nang may makita siyang batang palaboy na naghahalukay sa basurahan. Sa tingin niya ay naghahanap ito ng kung anong makakain doon. Nakaramdam siya ng matinding awa sa bata kaya tinawag niya ito at pinapasok sa bahay nila para pakainin.

Maamo naman ang bata at madaling sumunod sa kanya. Binigyan niya ng tinapay at inumin ang palaboy na habang kumakain ay hindi niya mapigil na mahabag sa kalagayan nito. Gutom na gutom ito na para bang ilang araw nang hindi nakakakain.

“Ano ang pangalan mo, bata? Nasaan ang mga magulang mo?” tanong niya.

Pero hindi siya sinasagot nito. Tahimik lang itong kinakain ang mga inihanda niya rito.

Pinaliguan din niya ang bata upang magmukhang malinis ngunit wala pa rin itong sinasabi na kahit ano. Sa palagay niya ay pipi ang batang lalaki na kinupkop niya at pinatuloy sa bahay nilang mag-asawa dahil wala pa rin itong imik at hindi nagsasalita.

Nang sumapit ang gabi ay nadatnan ni Arwin ang bata.

“O, sino ang batang ‘yan, mahal?” tanong nito.

“Palaboy na nangangalkal ng basura sa labas, mahal ko. Naawa kasi ako kaya dinala ko rito sa bahay. Pinakain ko at nilinisan, kung nakita mo siya kanina ay mukhang gusgusin talaga, nakakadurog ng puso,” tugon ni Karen.

Dahil sabik din sa bata ay hinayaan ni Arwin na sa kanila muna ang manatili ang bata. Sinubukan nilang kunin nang tuluyan ang loob nito, nakipaglaro sila, kinuwentuhan at nagbonding sila na parang kumpletong pamilya ngunit kahit anong gawin nila ay hindi pa rin nagsasalita ang bata. Kahit pangalan nito ay hindi nito magawang sabihin. Kaya nga sila na lamang ang nagbigay ng pangalan dito. Pinangalanan nilang Isaac ang batang lalaki.

Makalipas ang linggo ay wala pa ring naghahanap sa bata. Sa tingin nga nila ay tila pinabayaan na ito ng mga magulang, pero habang nasa poder nila si Isaac ay unti-unti nitong napupunan ang kakulangan nilang mag-asawa sa anak. Ang bata ang pumuno sa kanilang pangungulila. Wala silang naging problema sa bata dahil napakabait nito at masunurin ngunit wala pa rin itong imik at ayaw pa ring magsalita.

Napagdesisyunan nila na ipatingin sa doktor ang bata para malaman kung may kapansanan nga ito sa pagsasalita at doon nga nila nalaman na hindi ito pipi, may kakayahang magsalita ang bata pero hindi nito ginagawa sa ‘di malamang dahilan.

“May pinagdadaanan ang bata kung bakit ayaw niyang magsalita,” tanging sabi ng doktor na sumuri rito.

“P-pero ano iyon, doc?” tanong ni Karen.

“’Di ko rin alam, misis, siguro kayo dapat ng iyong mister ang tumuklas kung ano ang dahilan,” sagot nito.

Naisipan ng mag-asawa na paimbestigahan ang bata tungkol sa nakaraan nito o kung saan ito nangggaling. ‘Di nagtagal ay natuklasan nila na pareho na palang yumao ang mga magulang nito na parehong binawian ng buhay sa isang aksidente. Magkakasama sa isang sasakyan ang mag-anak nang araruhin ng rumaragasang truck ang kotse ng mga ito at ang bata lamang ang nakaligtas. Nagdala ng matinding trauma ang karanasang iyon sa bata. Hindi nito kinaya ang katotohanang wala na itong pamilya kaya pati ang pagsasalita nito ay naapektuhan. Dahil ulila na ay nagawa na lamang ng bata na magpalaboy-laboy sa kalye at naging palaboy. Ilang beses na rin pala itong tumakas sa mga kumupkop ditong institusyon dahil mas gusto nitong mamuhay na mag-isa.

Sa nalaman ay labis na nahabag ang mag-asawa sa tunay na istorya ng batang si Isaac na ang totoong pangalan pala ay Alexis. Dahil doon ay napagpasyahan na nilang tuluyan itong ampunin upang mabigyan ng panibagong pamilya.

“Mula ngayon, kami na ang bago mong daddy at mommy ha?” tanong ni Arwind sa bata.

“Mahal na mahal ka namin. Hindi ka na mag-iisa, narito kami ng daddy mo para alagaan ka,” sambit naman ni Karen.

Ngunit sa sinabi nilang iyon ay nagulat sila sa reaksyon ng bata.

“S-salamat po, mommy, daddy,” tugon nito na nagawa nang makapagsalita.

Tuwang-tuwa ang mag-asawa dahil sa wakas ay narinig na rin nila ang boses ng bata.

Itinuring nila na tunay na anak si Isaac. Isinelebra din nila ang kaarawan nito nang sumunod na taon. Makalipas ang ilang buwan matapos ang kaarawan ng bata ay isa pang biyaya ang natanggap ng mag-asawa, napag-alaman nila na nagdadalantao na si Karen at magkakaroon na ng kapatid si Isaac.

Sa pagtulong nila at pagkupkop sa isang batang naulila ay ginantimpalaan sila ng langit at binigyan ulit sila ng isa pang anghel. Sa ngayon ay mas masaya na ang kanilang pamilya.

Advertisement