Inday TrendingInday Trending
Inalipusta ng Babaeng Teller ang Matandang Babae sa Bangko; Pagsisisihan Niya Pala Ito

Inalipusta ng Babaeng Teller ang Matandang Babae sa Bangko; Pagsisisihan Niya Pala Ito

Sa panahon ngayon, ang salitang ‘respeto’ ay kadalasang nakakalimutan na ng ibang tao. Tila nakadepende na sa posisyon at estado sa buhay ang pagbibigay ng respeto sa kapwa.

Katulad na lamang sa isang bangko kung saan apat na taong nang nagtatrabaho si Celine bilang teller. Marami sa mga kasamahan niya ang humahanga sa angkin niyang ganda ngunit pagdating sa pag-uugali ay kulang na lang ay isuka siya ng mga taong nakaranas niyon. Mahilig kasing mamahiya ng kustomer ang dalaga lalo na kapag mahirap. Mga disente at mapera lang ang pinakikitaan niya ng maayos na pakikitungo pero kapag nakita niya na dukha o hindi niya gusto ang hitsura o pananamit ay sinusungitan niya ang mga ito.

“Hoy, kung wala kang gagawing transaksyon dito sa loob, ang mabuti pa’y lumayas ka na at naaalibadbaran ako!” pagtataray niya sa isang lalaking mukhang palaboy na magwiwithdraw lang sana ng pera.

“Ang sungit naman ng teller na ito,” bulong naman ng lalaki na sa sobrang inis na lumalabas na at lumipat ng ibang bangko.

Ang ‘di alam ni Celine ay lihim siyang pinag-uusapan ng ibang kustomer sa ginawa niya.

“Ngayon lang ako nakakita ng ganyang kataray na teller. Dapat diyan ay tinantanggal sa trabaho,” wika ng isang babae sa kasama.

“Walang modo sa mga kustomer. Makakahanap din ng katapat ‘yan,” sagot naman ng kausap.

Isang araw ay pumasok sa loob ng bangko ang isang matandang babae. Napansin agad ni Celine na hindi kaaya-aya ang hitsura nito. Nakasuot ng damit na pangmahirap ang matanda, may dalang bag na sa tingin niya ay parang napulot lang sa kung saan at ang sapin sa paa ay tanging tsinelas lang.

“May dukha na namang nakapasok sa loob ng bangko. Kunwari ay may transaksyong gagawin pero nag-uusyuso lang o nagpapalamig sa aircon. Ang mga mahihirap nga naman,” sambit niya sa sarili.

Maya-maya ay nilapitan siya nito.

“Magandang umaga, ineng. Magwiwithdraw ako ng limang libo,” sabi ng matanda.

Tinaasan ng kilay ni Celine ang kustomer.

“Ano? Limang libo, wiwithdrahin mo pa? Pwede bang gumamit ka na lang ng ATM? Ang liit na halaga na niyon, eh. Wala ka bang ATM?” pagsusungit niya sa matanda sabay nagdabog pa sa kanyang pwesto na ikinagulat ng ibang kustomer na naroon.

“Napakaraming kailangan asikasuhin, dumadagdag ka pa,” bulong niya pa.

Narinig iyon ng kasama niyang teller na si Sarah. Dahil naawa ang dalaga sa matandang ipinahiya ni Celine ay ito na lamang ang nag-asikaso rito.

“Ma’am, lapit ka dito sa akin. Ako na lang po ang mag-aasikaso sa inyo. Ano po bang maipaglilingkod ko?” magalang na tanong ni Sarah.

Dinulog naman ng matandang kustomer ang gusto nito at agad na inasikaso iyon ng mabait na dalaga.

Kung si Celine ang reyna ng kasungitan at katarayan sa bangkong iyon, si Sarah naman ang pinakamabait at mahusay makisama sa lahat.

Nainis pa si Celine nang nakitang tinulungan ni Sarah ang matanda.

“Aba, nagpapabibo ang isang ito a! Akala naman niya ay mapo-promote siya sa ginagawa niya. Mas magaling naman ang performance ko ‘di hamak sa kanya. Ke bago-bago rito, pumapapel,” bulong niya sa isip na masama ang tingin sa kasama.

Matapos ang transaksyon ng matanda ay nagpasalamat ito kay Sarah.

“Maraming salamat, hija,” anito.

Ngunit bago ito umalis ay hinarap nitong muli si Celine.

“Ang sabi mo kanina ay hindi pwedeng magwithdraw ng limang libo lang? Kung ganoon pala ang patakaran ng bangkong ito ay kukunin ko na lamang ang lahat ng pera ko rito,” sambit ng matanda.

Pinandilatan pa ng mata ni Celine ang kustomer.

“Hoy tanda, sino’ng tinatakot mo? Eh, ‘di kunin mo. Sino ka ba? Akala mo naman ay kay dami mong pera rito,” aniya.

Ikinonsulta niya sa kanilang manager ang request ng matanda. Natatawa pa nga siya dahil nananakot pa ito na kukunin ang mga pera nito sa bangko samantalang mukhang wala namang malaking halaga ang ambisyosang matanda, pero nang makita nila kung magkano lahat ang pera nito na nakalagak sa bangko ay halos lumuwa ang mga mata ni Celine dahil siyamnapung porsyento ng account sa bangko ay pagmamay-ari ng matandang kustomer na kapag inalis nito roon ang mga pera nito ay maaari silang mabankrupt.

Napag-alaman niya na ang kustomer na hinamak niya at sinungitan ay ubod pala ng yaman at maraming ari-arian na kapag kinuha nito ang lahat ng pera ay magsasara ang bangko nila at mawawalan sila ng trabaho. Labis na napahiya si Celine sa inasal niya at agad na humingi ng tawad sa matanda pero desidido ito na bigyan siya ng leksyon.

Kinausap nito ang manager na kung hindi siya tatanggalin sa trabaho ay itutuloy nito ang pagkuha sa lahat ng pera nito sa bangko. Sa takot na magsara at maraming mawalan ng trabaho ay sinunod ng manager ang matanda at sinesante siya.

“Sa nangyari sa iyo sana ay magtanda ka na at matutong rumespeto sa iyong kapwa,” wika ng matanda na nagpakilalang si Mrs. Buenaventura.

May dahilan pala kung bakit simpleng damit ang suot nito, nag-iingat lang ang matanda sa pagpunta niya sa bangko dahil alam naman niya na kapag nagsuot siya ng magandang damit ay takaw pansin pa iyon sa mga masasamang loob. Bahagi lang iyon ng pagprotekta niya sa sarili.

Ang pagkakamali ni Celine ay hinusgahan siya sa paraan niya ng pananamit na umabot pa sa pang-iinsulto nito sa kanya kaya karma tuloy ang inabot ng mataray at masungit na dalaga.

Sinabi rin ni Mrs. Buenaventura sa manager ang magandang ginawa ng teller na si Sarah at dahil doon ay napromote ito at tumaas ang posisyon.

Labis naman ang pasasalamat ni Sarah sa matanda at ang tanging isinagot nito…

“Dapat lamang gantimpalaan ang mga tulad mong may respeto sa kapwa, hija.”

Samantala, mangiyakngiyak si Celine habang tulalang naglalakad pauwi sa kanila na malaki ang pagsisisi dahil sa mga ginawa niya. Kung pinakitaan lamang niya ng maganda si Mrs. Buenaventura, sana ay mayroon pa siyang trabaho.

Ang respeto ang pinakamahalagang bagay na maaaring maibigay sa ating kapwa. Mayaman man o mahirap, ang respeto ay dapat na pantay sa lahat ng oras at pagkakataon.

Advertisement