Inday TrendingInday Trending
Upang Mas Makatipid at Dumoble ang Kita, Mga ‘Botcha’ ang Itinitindang Karne ng Tinderang Ito; Hindi Niya Akalain ang Karmang Babalik sa Kaniya

Upang Mas Makatipid at Dumoble ang Kita, Mga ‘Botcha’ ang Itinitindang Karne ng Tinderang Ito; Hindi Niya Akalain ang Karmang Babalik sa Kaniya

Labis nang umaaray si Aling Debora sa presyo ng mga karne ng baboy na kinukuha niya sa supplier upang itinda sa palengke. Ito kasi ang ikinabubuhay niya—ang pagtitinda sa palengke ng mga karne ng baboy.

“Paano ba ito, luging-lugi na tayo, hindi man lang natin maitaas ang presyo ng mga paninda natin dahil magrereklamo na naman ang mga mamimili,” angal ni Aling Debora sa kaniyang katabing tinderang si Aling Leticia, na nagtitinda naman ng karne ng manok.

“Gusto mo bang makamura talaga? May alam ako, pero atin-atin lang ah,” pabulong na sabi ni Aling Leticia. Luminga-linga pa sa paligid.

“Ano iyan? Sabihin mo na, dali.”

“Kasi may kakilala akong supplier ng karne ng baboy at manok, di-hamak na mas mababa ang presyo kaysa sa kinukuhanan mo. Kaya lang, botcha.”

“Botcha? Ano ‘yun?” tanong ni Aling Debora.

Napatapik sa kaniyang noo si Aling Leticia.

“Hay naku Debora, naturingan kang tindera ng karne ng baboy, hindi mo alam ang botcha? Botcha… nadedong baboy pero puwede pa naman kainin, puwede pa ibenta. Hindi naman malalaman ng suki mo.”

“Ha? Naku, hindi ba delikado ‘yun? Baka naman sumabit ako diyan ah?”

“Kaya nga ang sabi ko, sa atin-atin lang, dahil bawal naman talaga ‘yan. Kung idadaldal mo sa iba, at malaman nila, malalagot nga tayo. Pero makakabenta ka naman sa regular na presyo, pero hindi ka rin naman malulugi. Basta ha, sabihan mo lang ako kapag kukuha ka na.”

Nang sumunod na mga araw, nakapag-isip-isip na rin si Aling Debora kaya binulungan niya si Aling Leticia.

“Sige, payag na ako. Basta hindi tayo sasabit dito ah?”

“Oo, hindi ‘yan. Akong bahala.”

Matapos ang pakikipagtransaksyon, nagsimula na nga ang pagkuha ni Aling Debora ng mga botcha sa supplier na inilapit ni Aling Leticia.

Mas mababa ang ang presyo nito sa supplier, halos kalahati ang natitipid niya sa presyo ng lehitimong supplier. Naibebenta pa niya sa regular na presyo ang mga karneng paninda.

Hindi niya rin alam kung anong sakit ang dahilan ng pagyao ng baboy na kinakatay mo, subalit sa palagay niya ay ligtas naman ito, dahil wala pa namang nagreklamo sa kaniyang paninda sa mga suki na bumibili sa kaniya.

Hanggang isang araw, nagkaroon ng isang handaan sa kalapit na bahay nina Aling Debora. Inaya siya nito at nagpaunlak naman. Pawang masasarap naman ang mga inihanda nitong putahe, ngunit napansin nila mismo na tila may katigasan na ang karne ng baboy na ginamit.

“Medyo matigas na ang karne ng baboy dito sa adobo at menudo, may kaunting pagka-anta na,” komento ni Aling Debora kay Aling Trina na siyang nag-imbita sa kaniya.

“Ay ganun ba? Kaya nga kita inimbita Debora para ikaw mismo ang makatuklas at makalasap ng lasa ng karneng binili namin sa iyo,” wika nito.

Natigilan si Aling Debora.

“Ha? Sa akin ka ba bumili? Parang hindi ko naman matandaan na bumili ka sa akin.”

“Inutusan ko yung bagong pasok ko na kasambahay, sabi ko sa iyo bumili ng karne. Anong nangyari sa paninda mo? Matigas na, maanta pa.”

Naalala ni Aling Debora na ang mga paninda niya ay botcha na. Umikot ang kaniyang kalamnan. Bumaliktad ang kaniyang sikmura. Agad siyang nagpaalam, nagtungo sa banyo, at inilabas ang mga kinain niya.

Paglabas niya, napansin niyang sumusuka at nanghihina na rin ang lahat, magmula kina Aling Trina hanggang sa mga bisita.

Lahat sila ay itinakbo sa ospital. Food po*soning ang itinuturong dahilan. At batay sa pagsusuri, nanggaling umano ito sa karne ng baboy na sahog sa mga putahe sa handaan.

Pinakamatinding tinamaan nito si Aling Debora. Mahina kasi talaga ang panunaw niya. Halos tatlong araw din siyang naglagi sa ospital.

Habang siya ay nasa ospital, isa sa mga dumalaw sa kaniya ang kapwa tinderang si Aling Trina.

“Okay ka na ba, Debora? Namimiss ka na sa puwesto mo.”

“Nakakatawa… heto, buhay pa naman. Grabe ang balik ng karma sa akin. Hindi ko akalaing ganoon kabilis dumating sa akin ang karma. Iniiwasan ko ngang kumain ng karneng itinitinda ko, pero wala eh, nakain ko pa rin.”

“Anong balak mo niyan kapag bumalik ka na sa pagtitinda?”

Hindi sumagot si Aling Debora.

“Siguro, babalik na ako sa pagkuha ng lehitimong karne, hindi na botcha. Napakinabangan mo na naman na ako, ‘di ba? Nakatulong na ako sa iyo.”

Napatungo na lamang ang ulo ni Aling Trina.

“Alam kong may komisyon kang nakukuha sa bawat naaalok mong kapwa tindera na kumuha sa supplier mo. Pero pinapatawad naman kita, Trina. Hindi mo naman kasalanan nang buo ang nangyari sa akin. Kasalanan ko rin.”

Dahil sa trauma sa mga nangyari, hindi na nagtinda pa ng botcha si Aling Debora at pawang mga lehitimong karne na ang itininda niya.

Nahuli na rin ng mga awtoridad ang supplier na ilegal na nagbebenta ng mga botcha.

Advertisement