Inday TrendingInday Trending
Nilait Siya ng Nobyo at Sinabihang Hindi Siya Magiging Flight Attendant Dahil ang Taba-Taba Niya; Makalipas ang Maraming Taon, Napanganga Ito sa Kaniya

Nilait Siya ng Nobyo at Sinabihang Hindi Siya Magiging Flight Attendant Dahil ang Taba-Taba Niya; Makalipas ang Maraming Taon, Napanganga Ito sa Kaniya

“Babe, sa palagay mo ba, bagay sa akin na maging isang flight attendant?”

Hindi pinansin ni Gani ang paglalambing sa kaniya ng nobyang si Emily. 4th Year high school sila noon, at matagal na silang magkasintahan, nasa 2nd Year pa lamang silang dalawa.

Abalang-abala si Gani sa paglalaro ng kaniyang Game Boy. Ni hindi man lamang niya sinulyapan ang nobya.

“Ito naman eh… kinakausap ka nang maayos, ayaw mo man lang akong tingnan. Ano ka ba naman, babe!”

Saka lamang napatingin si Gani sa kaniyang nobya.

“Ha? Ano bang sinasabi mo?”

Gigil na nanlaki ang mga mata ni Emily sa kaniyang nobyo.

“Kita mo na, hindi ka talaga nakikinig! Ang sabi ko, gusto kong maging flight attendant. Tinatanong kita kung sa palagay mo, kakayanin ko ba? Bagay ba sa akin?”

Tiningnan ni Gani si Emily mula ulo hanggang paa.

“Babe, magpapayat ka muna. Pero sa lakas mong kumain, palagay ko hindi mangyayari ‘yon.”

Pakiramdam ni Emily ay para siyang sinaks*k ng punyal sa mga sinabi ng mismong nobyo niya.

Noon pa man, talagang matalas na ang bibig ni Gani. Lalo na noong unti-unti na siyang nanaba. Anong magagawa niya, masarap ang kumain?

“Hindi mo man lamang ako suportahan sa gusto ko. Salamat sa words of encouragement ha?”

“Aba, nagsasabi lang naman ako nang totoo, babe. Nasaan na ba yung dating ikaw na nagustuhan ko? Bakit kasi ngayon, lumba-lumba ka na, kinain mo ba ang dati mong sarili?” pahayag ni Gani.

“Hoy babe, magdahan-dahan ka naman. Menor ka naman nang kaunti, ano ka ba. Nasasaktan na ako sa mga sinasabi mo. Alam ko naman na mataba ako, pero huwag ka namang ganyan sa akin. Parang hindi mo naman ako mahal eh…”

Katahimikan.

“P-Paano kung ganoon na nga?” nauutal na sabi ni Gani.

“Paanong parang ganoon na nga?”

“Emily… palagay ko… hindi na kita mahal. Wala na akong nararamdaman para sa iyo. Ewan… parang bigla akong nagsawa. Kasalanan mo ‘to eh, hindi ka man lang marunong mag-ayos at mag-alaga sa sarili mo. Tingnan mo ang hitsura mo sa salamin, para kang patabaing-baboy.”

Isang malakas na sampal ang pinakawalan ni Emily sa kanang pisngi ni Gani. Nabigla naman ito at napatayo. Namumula sa galit.

“Bakit mo ‘ko sinampal, ha, baboy ka ah!” galit na sabi ni Gani.

“Naririnig mo ba ang sarili mo, ha? Oo na, mataba na kung mataba, pero hindi ‘yan dahilan para laitin mo ko, at gawing dahilan iyan para iwanan mo ko nang ganito? Ang babaw naman ng pagmamahal mo sa akin kung puro pisikal lang pala ang rason mo para masabing mahal mo ang isang tao!”

“Mahalaga ang pisikal na anyo, Emily, kaya kung ako sa iyo, magbago-bago ka na. Papayat ka na,” sabi ni Gani sabay iwan sa kaniya.

Halos magdamag na hindi nakatulog si Emily. Walang patlang ang pag-agos ng luha sa kaniyang mga mata.

Kinabukasan, kalat na kalat na sa buong batch nila na wala na sila ni Gani. At ang itinuturong dahilan ni Gani—masyado raw siyang mapanakit. Ipinagkalat nito na bigla-bigla na lamang siyang nananampal. Siya pa ang pinagmukhang masama.

Makalipas ang tatlong araw, nabalitaan na lamang niya na may iba nang kasintahan si Gani: ang seksing cheerleader ng kanilang pep squad.

Minabuti na lamang ni Emily na kalimutan na lamang nang tuluyan si Gani. Napagtanto niya na walang kuwenta ito.

Nagpokus na lamang siya sa kaniyang sarili at pag-aaral. Kung nais niyang maging flight attendant, kailangang magaganda ang mga marka niya.

Ipinasya na rin niyang unti-unting mag-ehersisyo at magpapayat. Sumailalim siya sa diet.

Hanggang sa magtapos sila ng high school.

Kumuha siya ng kursong Tourism Management upang maabot ang kaniyang pangarap na maging flight attendant—upang makapaglakbay siya sa iba’t ibang panig ng bansa at mundo.

Makalipas ang apat na taon, nakatapos na rin siya. Mapalad namang nakapasok siya sa isang airline company.

Hindi inaasahan ni Emily na magkukrus ang mga landas nila ni Gani sa mismong eroplano kung saan pasahero ito. Gulat na gulat ito nang makita siya. Napakaseksi na kasi niya at lalo pa siyang gumanda.

“Papayag ka ba kung aayain ulit kita ng isang date? Magsimula tayong muli, Emily. Ikaw talaga ang mahal ko eh. I’m Gani Esmundo nga pala. Ang you are?” kunwari ay pakikipagkilala nito bilang simbolo ng paghingi nito ng ikalawang pagkakataon na muli silang magkabalikan.

“I’m… I’m leaving. Sorry sir, but I must leave now. Marami pa po akong gagawin sa trabaho ko,” nakauuyam na ngumiti si Emily sabay talikod at alis. Napakamot na lamang sa kaniyang ulo si Gani.

Napatawad na ni Emily si Gani subalit hindi niya malilimutan ang ginawa nito sa kaniya. Lalo’t alam niyang may asawa na ito. Ipinangako niya sa sariling hinding-hindi na siya maloloko pa sa usaping pag-ibig, at hindi na niya hahayaang masaktan pa siya dahil sa kaniyang panlabas na anyo.

Advertisement