Nabuntis ng Lalaking Ito ang Kaniyang Nobya at Nais Niya Itong Tuldukan; Susundin Kaya Siya Nito?
“Roel, buntis ako.”
Nagulat si Almira sa naging reaksyon ng nobyong si Roel. Hindi ito ang inaasahan niya. Akala niya, matutuwa ito sa kaniyang ibabalita, subalit inihagis nito sa pader ng kanilang inuupahang apartment ang hawak nitong baso. Nagkapira-piraso ito. Lumikha ng bubog.
May tatlong buwan na silang nagsasama ng nobyo sa iisang bubong. Ipinasya nilang magtanan na dahil tutol ang mga magulang ni Almira kay Roel. Hindi raw ito makabubuti para sa kaniya.
Ngunit makapangyarihan ang tawag ng pag-ibig. Sinunod niya ang malakas na bulong nito.
Ngunit tama nga na malalaman mo lamang ang tunay na pagkatao ng isang tao kapag kasama na ito sa ilalim ng iisang bubong.
Nalaman niya na para bang may dalawang pagkatao si Roel: minsan ay ubod ng saya, pagkatapos ay bigla na lamang magagalit, hanggang sa dumarating ang puntong nasasaktan na siya nang pisikal.
Inilalagay nito sa loob ng refrigerator ang kahuhubad lamang na sapatos mula sa trabaho. Para raw presko kinabukasan.
Iniinom nito ang mantikang ipinamprito niya sa mga ulam.
Kapag nagsisip*ng sila, gusto nito na nakasuot siya nang stockings na itim, na madalas na nakikita niyang suot ng mga babae sa cabaret. At kailangan, nakasuot siya ng sapatos na may mataas na takong.
At kapag naabutan, kahit saan at kahit kailan. Wala itong pakialam basta makaraos.
“Bakit ka naman nagpabuntis? Hindi ka nag-iingat eh! Katanga-tanga mo naman!” iritang pahayag ni Roel.
“I-Imposible namang hindi ako mabuntis, R-Roel… h-halos araw-araw at gabi-gabi nating ginagawa ito…”
“Ipalagl*g mo ‘yan.”
Natigilan si Almira nang marinig ang sinabi ni Roel.
“A-Ano kamo…”
“Ang sabi ko, ipalagl*g mo ‘yan! Hindi ko anak ‘yan. Hindi ko matatanggap na akin ‘yan,” malamig na sabi nito. Kinuha ang sigarilyo. Sinindihan. Hitit-buga. Hitit-buga.
“Paano mo nasasabi sa akin ‘yan, Roel? Naririnig mo ba ang sarili mo? Natural sa iyo ang anak na ito dahil wala naman akong ibang pinagbibigyan ng sarili ko kundi ikaw lang. Ang kapal ng mukha mo para sabihin sa akin na ipalagl*g ko ang anak natin. Mangilabot ka naman.”
“Ah basta. Hindi ko matatanggap ang ipinagbubuntis mo na ‘yan. Mamili ka: manatili ka ritong kasama ko o ipapalagl*g mo ‘yan.”
Agad na nagdesisyon si Almira.
Niyakap siya ni Aling Estrella nang buksan nito ang pinto ng kanilang bahay, at makita niyang may mga bitbit na bagahe ang anak.
“Sinabi ko naman sa iyo… huwag ang lalaking iyon. Unang kita ko pa lang sa kaniya, hindi ko na siya gusto. Hindi ako nagkamali. Mabuti naman at nauntog ka na.”
At ikinuwento na nga ni Almira ang mga kakaibang bagay na naobserbahan niya rito, maski na ang pag-uutos nito sa kaniya na ipalagl*g ang kaniyang ipinagbubuntis, at ang pagtatwa rito na siya ang ama.
“Mabuti na lamang at hindi pa kayo kasal, kundi ay mas mahirap kumawala sa sitwasyon ninyo ngayon. Huwag mo nang balikan ang lalaking iyan. Hindi siya magiging mabuting ama sa anak ninyo.”
Makalipas ang limang buwan at malaki na ang tiyan ni Almira. Bumabalik-balik si Roel sa kanilang bahay at nagmamakaawa itong bumalik na sa kaniya. Nagmatigas ang kaniyang pamilya, lalo na si Aling Estrella.
Siya mismo ang nakasaksi kung paanong ang tila maamong tupang nagtungo sa kanilang bahay ay agad na tila naging mabangis na leon na handang manibasib ng sinumang papalag sa kaniyang kabangisan. Pinagmumumura nito si Aling Estrella at pinakitaan pa ng ‘dirty finger’ – bagay na ikinagulat nilang lahat.
Kinuyog ng mga kapatid niya si Roel.
Pagkatapos niyon ay nagtungo sila sa barangay upang ipa-blotter ito.
“Mabuti na lamang at nagising ka na sa katotohanan. Kung ipinagpatuloy mo pa ang pakikisama sa lalaking iyon, tiyak na magiging impyerno ang buhay mo.”
At wala na siyang balita kay Roel simula nang maganap ang insidenteng iyon.
Makalipas ang siyam na buwan ay nagsilang na nga ng isang napakaganda at napakalusog na sanggol na babae si Almira.
Ipinangako niya sa kaniyang sarili na palalakihin niya nang maayos ang anak, at bubusugin sa pagmamahal at pangaral, upang hindi matulad sa kaniya na naging pasaway at suwail sa mga magulang.
Isang araw, nagulat siya nang makatanggap ng isang mensahe sa text message. Si Roel. Humihingi ng kapatawaran sa kaniyang mga nagawang kasalanan. Sumasailalim na umano ito sa gamutan. B*polar Disorder umano ang tawag sa kaniyang kondisyon kaya nasa ilalim siya ngayon ng paggagamot mula sa mga propesyunal.
Isa pang ikinagulat niya, kinikilala na nito ang kanilang anak na noong una ay itinatanggi nito.
“Pinapatawad na kita at salamat naman kung natanggap mo na ang anak natin. Puwede mo siyang makita at hindi ko inaalis ang pagiging ama mo sa kaniya. Ngunit ang relasyon natin, siguro, maging mga magulang na lamang tayo sa bata. Masyado pang masakit at sariwa ang mga sugat dito sa puso ko noong mga panahong magkasama tayo.”
At pumayag naman si Roel sa kanilang set up. Kung muli silang magsasama, hindi isinasara ni Almira ang kaniyang puso, subalit sa ngayon, mas mahal muna niya ang sarili niya pangalawa sa anak niya.