Inday TrendingInday Trending
Kinatatakutan, Pinandidirihan, at Kinaiilagan ang Lalaki Dahil sa Kakaiba Nitong Balat na Tila Naaagnas at Nagsusugat-Sugat; Isa nga Ba Siyang ‘Zombie’?

Kinatatakutan, Pinandidirihan, at Kinaiilagan ang Lalaki Dahil sa Kakaiba Nitong Balat na Tila Naaagnas at Nagsusugat-Sugat; Isa nga Ba Siyang ‘Zombie’?

Kinalakhan ni Lorenz na ginagawang panakot sa kaniya ni Aling Amor ang misteryosong lalaking naninirahan sa isang malaking bahay na ilang bloke lamang ang layo sa kanila.

Hindi lamang siya kundi maging ang mga kalaro niya noon ay laging sinasabihan ng mga nanay nila na huwag na huwag lalapit dito, dahil isang lalaking zombie umano ang naninirahan dito.

Ang lalaking laging naka-jacket o nakasuot ng mahabang manggas. May hood pa.

Balot na balot ang katawan kahit humuhulas na sa init.

Ang lalaking naaagnas. Tinatawag siyang zombie.

Bihirang-bihira siya kung lumabas ng bahay lalo na kapag umaga. Ayon sa kuwento ng mga kapitbahay, lumalabas lamang ito kapag mamimili ng mga pangangailangan sa bahay, at halos isang beses lamang sa isang buwan. Bultuhan na kung mamili ito.

“Hay naku parang naaagnas ang mukha. Nagbabalat-balat na mamuti-muti. Parang buhay na naaagnas. Kung ketong ang sakit niya, hindi ba dapat ay nasa ospital siya?” isa sa mga pahayag na naririnig ni Lorenz mula sa chismosang kapitbahay nila.

“Hindi ko rin alam eh. Pero masangsang umano ang amoy niya. Kawawa nga eh. Kaya sabi ko sa mga anak ko, huwag na huwag pupunta roon. Tinatakot ko na zombie iyon at baka kainin sila. Pero ang totoo niyan, natatakot ako na baka makahawa siya sa atin.”

“Alam mo, dapat siguro ay ipaalam na natin sa barangay, kasi baka mamaya makahawa pa siya sa atin, o kaya naman ay baka naman aswang talaga siya!”

Si Lorenz mismo ang nakakita kung gaano kalala ang hitsura ni Zombie. Naglalakad siya noon nang mapadaan siya sa tapat ng bahay nito. Hindi sinasadyang napatingin siya sa bintana nito. Sumakto naman na namimintana pala ito.

Kitang-kita niya ang balat nito sa mukha na tila may mga galis-galis na nagbabakbak. Nang mapansin nitong nakita niya ang mukha niya, agad itong pumasok sa loob.

Sa tuwing naaalala niya ang mukha nito, hindi niya maiwasang mandiri at matakot. Bukod sa payat na payat ito, nakakabahala rin ang mga sugat na nasa balat nito.

Hanggang isang araw, nagulat na lamang siya nang makarinig sila ng pagkakagulo sa labas. Nagtitilian ang mga batang paslit at nagtatakbuhan. Tanghaling-tapat iyon at napakainit ng panahon. Sa kabila ng panananghalian ay agad silang lumabas upang malaman ang dahilan ng pagkakagulo ng mga tao.

Si Zombie, nasa kalsada, parang hilong-talilong na nagmamakaawa sa mga tao na tulungan siya.

Wala itong suot na kahit na anumang jacket o damit na mahabang manggas, kaya kitang-kita ang pamumula ng buong katawan nito; ang mga sugat-sugat na tila nagngangalit sa matinding init ng klima.

Nangangapos na ang hininga nito.

“T-Tulungan ninyo ako… tulungan ninyo ako… ang hapdi-hapdi po ng pakiramdam ko. Tumawag kayo ng ambulansya. Dalhin ako sa ospital… hindi nakakahawa ang sakit ko…”

“Ano ba ang sakit mo? Anong tawag diyan at bakit ka nagkakaganyan?”

“Psoriasis… psoriasis ang tawag dito at hindi ito nakakahawa. Parang awa n’yo na, tulungan ninyo ako, hindi ako zombie gaya ng ipinapakalat at ipinananakot ninyo sa mga anak ninyo. Tao ako, taong may puso at nasasaktan.”

May mabuti pa ring puso na nagtawag ng ambulansya para sa naturang lalaking may tila naaagnas at namumulang balat. Isinakay ito sa ambulansya at dinala sa ospital.

May ilan itong mga kapitbahay na nagboluntaryong maalagaan siya dahil wala siyang kahit na sinong kamag-anak.

Mabuti na lamang daw at naitakbo nang maaga ang naturang lalaki dahil kung hindi ay baka lumala pa ang kondisyon nito, na lalong nagngalit dahil sa init ng panahon.

Ipinulong ng nagboluntaryong lalaki na nagdala sa kaniya sa ospital, ang kaniyang mga kapitbahay.

“Mga kabarangay, si Rommel po ay kumakatok sa ating puso. Hindi naman po lingid sa ating kaalaman na noong nakaraang linggo ay itinakbo natin siya sa ospital. Lumala po ang kondisyon niya sa balat na tinatawag na psoriasis. Hindi po nakakahawa ang psoriasis, at isa po itong seryosong kondisyon sa balat. Sana po ay matulungan natin siya dahil wala po siyang kamag-anak dito sa Maynila. Pambawi na lamang sa mga maling chismis natin tungkol sa kaniya…”

At sa pamamagitan nga ng bayanihan, nag-ambag-ambagan ang mga magkakapitbahay upang makapangalap ng pondo para sa pagpapaospital at gamot ng kanilang kapitbahay na kay dali nilang hinusgahan at kinatakutan.

Makalipas ang ilang linggo ay umayos na ang kalagayan nito bagama’t naroon pa rin sa katawan nito ang psoriasis, na hindi na mawawala sa kaniya habambuhay. Nagpasalamat siya sa mga kapitbahay na tumulong sa kaniya.

Simula noon ay hindi na nila tinawag na zombie si Rommel dahil nalinawan na sila sa uri ng sakit na mayroon ito.

Advertisement